Nakaluhod, nakayuko, at magkadikit ang dalawang kamay. Saan pa nga ba lalapit ang isang kaluluwang nasa pinakasukdulan ng langit at lupa kundi sa piling ng Maykapal na kayang gawing posible ang imposible? Kaya naman hindi nakapagtataka na sa bahay ng Diyos, mga buhay ng banal at maharlika ang sinasamba at tinitingala. Subalit sa labas ng mga kuwadrong ito, ikaw ang bida—ikaw at ako na mga karaniwang tao at mayroong mga karaniwang problema.
Inihandog ng DLSU Culture and Arts Office at ng DLSU Harlequin Theatre Guild ang DuLa Salle 2k21: Retablo nitong Hunyo 18 hanggang 24. Kasama ang mga manunulat ng Writer’s Bloc, ibinida sa madla ang mga dulang itinatampok ang buhay ng iba’t ibang Pilipino.
Mistulang salamin ang bawat dula sa buhay ng mga ordinaryo. Makikita mo rin kaya ang sarili mo?
Mapanglaw na karanasan
Pangungulila, pagmumuni, at paggugunita—sa talambuhay natin, may mga pangyayari at hamong gugulantang sa atin. May makadadaupang-palad din tayong mga taong nagdadala ng mga kuwentong magbibigay sa atin ng bagong pananaw sa buhay. Hango sa 11th World Scout Jamboree ni Florante Caedo, itinampok ni Dingdong Novenario sa dulang Jamboree ang buhay ng iba’t ibang landas na tinatahak ng mga Pilipino. Sa direksiyon nina Bryll Carilla at Aira Romero, nasaksihan ng mga manonood ang mga antolohiyang puno ng aral at nakakabagbag-damdaming pangyayaring nagbibigay-linaw sa mga karanasan ng bawat isa. Sa dulang ito, itinampok ang mga buhay ng isang miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual (LGBTQIA+) community, isang estudyanteng aktibista, batang nangungulila, at matandang may kakaibang pananaw sa buhay.
Tila repleksiyon ng realidad ang mga kuwentong taglay ng mga karakter. Inihayag sa katauhan nina Rovick at Victoria ang mga sinusuong ng mga miyembro ng LGBTQIA+ sa pang-araw-araw. Binigyang-diin sa kanilang kuwento ang isyu ng lipunan laban sa kanilang komunidad—ang inhustisya ng pag-angkla ng sakit na AIDS sa kanilang pagkatao. Ika nga ni Victoria “. . . And if it’s pneumonia, and his gay or gay-ish. . . [then the reason is] AIDS.” Itinampok din sa dula ang masasalimuot na karanasan ng mga estudyanteng aktibista sa ilalim ng diktaduryang Marcos. Nagsisilbing pausbong na binhi si Gemma nang marinig ang kaniyang mga hinaing. Aniya, “Masuwerte ba ko kung hindi ako mulat noon? Masuwerte ba ko kung ligtas ako noon habang ang ilang mga kabataang tulad ko ay namatay o bigla na lang nawala?” Makikita rito ang kahalagahan ng pagkamulat upang maintindihan ang pinagsisigawang panawagan ng mga aktibista.
Sa pamamagitan naman ng mga karakter ni Eddy, matapang na hinarap at tinalakay ng dula ang kapabayaan ng gobyerno sa pagkilos laban sa COVID-19. Huli na nang tawagan upang maturukan ng bakuna ang kaniyang ina. Masalimuot na realidad para sa mga naging biktima ng ingkompetenteng gobyerno ang kuwento ni Eddy. Dahil dito hindi naniniwala si Eddy sa paniniwala ni Alex na “‘Pag oras mo na, oras mo na.” Sa likod ng kasabihang iyon, mapait na karanasan naman ang hinarap ni Alex noong kapanahunan niya. Isa sana siyang iskawt na mangigibang bansa ngunit sa kasamaang palad, wala siyang sapat na pera para makompleto ang mga rekisito. Sa hindi inaasahang pangyayari, bumagsak ang eroplanong sasakyan sana niya kasama ang mga kapwa iskwat. Bilang pagbibigay-pugay sa mga nasawi, pinangalan ang ilang daan ng lungsod ng Quezon sa kanila, tulad ng Scout Borromeo, Scout Rallos, atbp.
Mapaglaro nga naman ang tadhana sapagkat mapapaisip ka—mas mainam ba na nabuhay o mas mainam bang nasawi na lamang para mayroong sariling daan upang maalala sila habang dinadaanan. Sa kabila nito, ipinaalala naman ni Alex sa manonood na, “Basta kahit papaano may isang taong makinig ng kuwento, kuwento ng pangungulila. Hindi hinayaang mawala ang mga alaala. Hindi tuluyang mamamatay. Tayo na lang ang maging dambana para sa kanilang lahat.”
Higit pa sa pinapakita sa apat na kuwadrado ng cellphone ang buhay ng isang social media influencer. Itinampok ng Tweeter ni Ab Coronel at sa direksyon nina Prince Beating at Nicole Moque ang buhay ng isang social media influencer sa katauhan ni Yvonne. Sa likod ng naggagandahang mga mukha’t ngiti, masisilayan ang kalungkutan at pagkawala sa sarili. Sa kaniyang pagbabagong-anyo bilang isang ibon, natuklasan ng mga manonood ang sari-saring karanasan ng mga influencer. Makikitang gagawin nila ang lahat ng klase ng content para masustentuhan ang pamilya kahit kapalit nito ang pagkawala ng sarili. Ito ang realidad sa buhay ng isang content creator na madalas isinasawalang-balikat ng malalapit sa kanila ang problema nila pagdating sa mental health. Bunsod ng social pressure mula sa mga kumukonsumo ng contents, iniinda ng mga tulad nila ang pagkalito at pagkawala ng tunay na identidad kaya hindi lamang pag-arte ang mga ganitong suliranin.
Malubak na daan tungo sa kaginhawaan
Pagkamulat ng mga mata, agad na didiretso ang katawan sa pagkayod buong maghapon. Kaya naman, madalas tayong nawawalan ng panahon upang makasama ang pamilya. Sa hirap ng buhay, kinikilala ng ilan na isang pribilehiyo ang mangarap. Tila kasalanan ang maghangad ng mas magandang estado sa buhay dahil para bang isa itong suntok sa buwan. Bunsod nito, mistulang ginto ang mga pagkakataong may nakaambang nagniningning na pag-asa. Hango sa obra ni Vicente Manansala na “Pila Para sa Bigas,” ibinida ni Andrew Clete, sa direksyon nina Alethea Tolentino at Patricia Villafuerte ang dulang May Ginto! Isa itong kuwento ng pakikipagsapalaran ng limang karaniwang babae sa mga pagsubok ng kanilang buhay. Mga seryosong usapin ang ipinakita sa kuwelang dula—mula sa pagpuwersa ng lipunan sa isang bata na umako ng mga responsibilidad na pang-matanda dahil sa kahirapan ng buhay, hanggang sa pagtampok sa pagpalaganap ng pekeng balita at kilalang conspiracy tungkol sa Tallano gold.
Galing sa iba’t ibang karanasan, edad, at pagkakakilanlan, nagkaroon ng ilang pagkakataong hindi nagkasundo ang limang kababaihan sa dula sa nais nilang gawin. Nang sabihin ni Francine na hindi siya naniniwala sa sabi ng kaniyang Lola na tunay na mayroong ginto, mariin siyang pinagsabihan ni Anita. “Hindi ka pa naman nabubuhay noong panahon na ‘yun eh! Wala kang alam sa sinasabi mo! Ang sabi ng Lola mo ‘may ginto!’ Maniwala ka sa Lola mo, Lola mo ‘yun eh! Walang galang,” ani Anita. Isinasalamin ng pagkakataong ito ang pananaw ng mga nakatatanda tuwing mayroong mas bata na nagbabahagi ng ibang perspektiba. Bagamat malaki ang pagpapahalaga ng ating kultura sa pagrespeto sa nakatatanda, mahalaga ring tandaan na hindi palaging tama ang nakatatanda dahil lamang sa kaniyang edad, bagkus hindi rin palaging mali ang nakababata dahil lamang sa kaniyang edad.
Sa panahon ng pangangampanya, madalas mapangakuan ng matatamis na salita ang mga mamamayan, ngunit agad din itong nababaon sa limot sa panahong nakaupo ang mga kumandidato sa puwesto. Ganito ang naranasan ng limang kababaihan sa Brgy. Quatro matapos nilang hagilapin ang nabalitaang ginto sa dilaw na bahay. Masuwerte nilang nakita ang ginto, at lubos itong kinatuwa ng grupo dahil umaasa silang iyon ang sagot sa kanilang mga problema. Ngunit sa mas mabuting pag-usisa, ikinadismaya nila na tae lang pala ang inakala nilang ginto. Sa isang iglap, nawala nang parang bula ang kanilang ginintuang pag-asa. Maaari itong maiugnay sa paglaganap ng pekeng balita sa kasalukuyan. Ipinapaalala sa atin ng dula na hindi totoo ang lahat ng marinig natin mula sa sabi-sabi ng iba, kaya naman kinakailangang maging maingat at matalino sa pag-usisa sa katotohanan ng isang balita.
Sumunod naman ang dulang Lunas ni Ian Jay Formacion at sa direksyon nina Jayson Alcazar at Zion Lim. Binigyang-buhay nito ang obra ni Carlos “Botong” Francisco na Progress of Medicine in the Philippines. Sa lipunang patriyarkal, masalimuot na usapin pa rin ang mga isyung patungkol sa katawan ng kababaihan. Isa sa mga estigmang kinahaharap ng ilang kababaihan ang kawalan ng abilidad na manganak. Binigyang-pansin sa kuwento ng mag-asawang sina Claire at Aaron ang mga kinahaharap na problema ng mga mag-asawang nasa parehong sitwasyon.
“Baka naman hindi lang kayo compatible ng asawa mo. Dapat ginalingan mo sa kama. Kaya hindi kayo mabigyan dahil ganti ‘yan ng Diyos sa pagpapalaglag ng bata. Bilisan niyo na kasi para maging buo na kayo bilang pamilya.” Ilan lamang ito sa mapupusok na komentong natanggap nina Claire at Aaron sa kanilang pagsubok na magkaroon ng anak. Matapos mabigo sa mga modernong paraan ng pagbubuntis, napadalas ang hindi pagkakasunduan ng mag-asawa. “Kaya kong tiisin ang pressure at panlalait ng iba pero ang sakit kapag galing sa’yo. . . Dahil lang ako hindi ako magkaanak parang hindi na ako buo bilang babae at asawa sa’yo,” giit ni Claire.
Sa patuloy na pagsubok ng mag-asawa sa iba’t ibang paraan ng pagbubuntis tulad ng suob, hilod, at pagsayaw sa Obando, pinatunayan nila ang tibay ng kanilang pag-iisang dibdib. Napagtanto nilang silang dalawa lamang ang higit na nakauunawa sa tunay na hirap at sa mga pagsisikap na kanilang ginagawa upang makabuo ng anak, kaya naman minabuti nilang ipagpatuloy muli ang pagtutulungan sa ngalan din ng kanilang pagsasama. Hindi man sila buong pamilya sa paningin ng iba, ipinabatid nila sa mga manonood na higit pa sa pagkakaroon ng anak ang nakapagpapatatag sa samahan ng isang pamilya.
Tinig ng teatro
Higit na espesyal ang mga lugar na ating kinalakihan sapagkat pinta sa mga eskinita’t daan ang mga alaala mula sa ating pagkabatang humubog ng ating pagkatao. Hango mula sa eskultura sa Maysilao Circle na Dambana ng Alaala: Alay sa mga Dakilang Anak ng Mandaluyong ang dulang Mandaluyong ni Dingdong Novenario na idinerekta nina Juan Castillo at Angelica Aquino. Ginawang sentro ng atensyon ang ilang tespiyanong nagsusumikap upang makapagtanghal at maipagmalaki ang kanilang pinakamamahal na lungsod—ang Mandaluyong.
Itinanghal ng mga aktor ang alamat ng Mandaluyong na umiikot sa kuwento ng pagmamahalan nina Manda at Luyong na hinamak ang lahat upang manaig ang kanilang pagmamahalan. Isinalaysay rin sa dula ang kasaysayan ng lungsod mula sa panahon ng mga Kastila.
Sa kanilang pagtatanghal, mapapansin ang kakulangan sa paghahanda ng produksyon at mga aktor na dulot ng kakulangan sa pondo ng kanilang teatro, ang Mandaluyong Repertory. Sa kabila ng mga kinaharap na pagsubok, nananatiling buhay ang puso ng teatro sa kanilang damdamin. Tulad nga nina Manda at Luyong, hinamak nila ang mga balakid na kanilang hinarap. “Itutuloy ang teatro kahit na alam kong walang pera dito dahil naniniwala ako na ito ang aking laban para sa’king pag-ibig sa teatro, sa sining, at para sa bayan,” wika ni Direk Pol.
Dambana ng masang Pilipino
Wala mang sariling daan o monumento, nawa’y magsilbing inspirasyon ang kuwento ng bawat taong nakasasalamuha natin sa araw-araw. Ibinaon man sa lupa ang katawan, huwag hahayaang ibaon sa limot ang mga alaalang sinasagisag ng bawat isa. Marapat na bigyang-pugay ang bawat isang lumalaban sa buhay, bayani man o isang ordinaryong Pilipino.
Bilang bida ng sarili nating mga buhay, may mga kuwento tayong dinadala at inuukit. Minsan malungkot, minsan masaya. May mga kuwentong madilim na pinipigilan tayong magningning; may mga kuwentong magdadala sa atin sa pagningning. Sa lipunan at estadong madilim, nawa’y magsilbi tayong kumikinang na bituin na titingalain ng ating kapwa upang sabay-sabay tayong magningning.
Sa ating paglalakbay sa mundong ibabaw, magsilbi rin sana tayong dambana’t monumento ng mga alaala ng mga mahal natin sa buhay. Huwag lamang ipagdiwang ang mga araw sa kalendaryo, ngunit sariwain ang mga naging dulot nila sa ating pagkatao.