GUMUHO muli ang mga tore ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers matapos yumuko sa National University (NU) Lady Bulldogs, 15-25, 15-25, 22-25, sa ikalawang araw ng Finals ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Hunyo 21, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Bumida para sa Lady Spikers si Thea Gagate matapos umukit ng walong puntos mula sa pitong attack at isang block. Naging katuwang naman niya si Alleiah Malaluan na naghakot ng pitong puntos.
Namayagpag naman para sa NU Lady Bulldogs si best opposite spiker Alyssa Solomon na nakapagtala ng 18 puntos mula sa 15 attack at tatlong block. Umagapay naman si rookie of the year at season’s most valuable player Bella Belen matapos pumukol 16 na puntos mula sa 13 attack at tatlong block.
Masigasig na pinakitaan ni Gagate ng isang kill block ang Lady Bulldogs sa pagbubukas ng unang set, 1-0. Nagpatuloy pa ang momentum ng Lady Spikers nang mamuhunan mula sa service ace ni Jolina Dela Cruz at attack error ni Alyssa Solomon, 5-1. Hindi naman nagpaamo ang NU matapos depensahan ni Robles ang atake ni Dela Cruz, 10-7.
Napako sa 11 ang marka ng Lady Spikers nang tuluyang umalagwa ang Lady Bulldogs mula sa mga tirada ni Belen, 11-16. Naisahan naman ni Gagate ang depensa ng Lady Bulldogs ngunit agad naman itong sinagot ni Belen, 12-18. Nakabawi man ang Lady Spikers mula sa attack error ni Ivy Lacsina, nagtapos naman ang unang set nang tumira din ng attack error si Malaluan,15-25, pabor sa NU.
Hindi naman naging maganda ang bungad ng ikalawang set para sa Lady Spikers matapos magtala ng attack error, 0-1. Agad namang sinunggaban ng mababangis na Lady Bulldogs ang Lady Spikers matapos ang kanilang 6-0 run, 1-7. Subalit, tinuldukan ni Leila Cruz ang momentum ng NU matapos ang kaniyang atake, 2-7.
Nagpatuloy ang pag-alab ng Lady Bulldogs matapos umukit ng tatlong magkakasunod na puntos mula sa tirada nina Solomon at Belen, 3-10. Matapos nito, nagpalitan ng malapader na mga block at malalakas na atake ang magkatunggali, 6-14. Bagamat sinubukan ng Lady Spikers na habulin ang kalamangan, nabawi naman ito ng NU matapos ang service errors nina Princess Larroza at Julia Coronel, 8-16.
Lumagablab naman ang mga kamay ni Fifi Sharma matapos magpakawala ng crosscourt attack, 13-20. Nakapagtala rin ng dagdag na dalawang puntos ang Lady Spikers mula sa errors ng Lady Bulldogs, 15-22. Gayunpaman, agad na bumawi si Robles matapos ang kaniyang off-the-block na tira. Nagpatuloy pa ang pagdausdos ng depensa ng Lady Spikers matapos ang crosscourt attacks ni Solomon na sinelyuhan ang ikalawang set, 15-25.
Kapana-panabik naman ang naging simula ng ikatlong yugto matapos makapagtala ng net touch violation ni Solomon, 1-0. Umalagwa naman ang Lady Spikers sa katauhan ni Malaluan kahit na hindi nakapasok ang kaniyang unang subok sa pag-atake, 4-2. Bagamat dikit ang laban, nakuhang makamit ng Lady Spikers ang tatlong puntos na lamang mula sa Lady Bulldogs matapos ang back row attack ni Malaluan, 8-5.
Hindi pa rito nagtapos ang init ng Lady Spikers matapos lamangan ang Lady Bulldogs, 13-9. Hindi naman nagpahuli ang Lady Bulldogs at sinubukang humabol, 14-10, ngunit hindi ito sapat at lumamang pa rin ang Lady Spikers matapos ang mahabang rally, 16-12.
Gayunpaman, bumulusok ang Lady Bulldogs matapos gibain ni Belen ang depensa ng Lady Spikers, 17-16. Mula rito, naging dikit ang laban sa pagitan ng dalawang koponan sa pangunguna ng crosscourt hit at service ace ni Matet Espina, quick attack ni Toring, at net touch ni Gagate, 20-all. Matapos nito, hindi na hinayaan ng Lady Bulldogs na maunahan sila ng Lady Spikers, 22-20. Hindi na rin nakabangon ang Lady Spikers sa dalawang puntos na lamang ng Lady Bulldogs matapos ang errors nina Malaluan at Gagate, 22-25.
Sa pagsasara ng torneo, napasakamay ng NU Lady Bulldogs ang kampeonato matapos ang 65 taong bigong makamit ito. Kaugnay nito, hinirang na final’s most valuable player ang kapitana ng NU na si Robles. Sa kabilang banda, itinanghal na first-runners up ang DLSU Lady Spikers.
Iba pang mga parangal:
Second Best Outside Hitter: Faith Nisperos
Rookie of the Year at First Best Outside Hitter: Bella Belen
Second Best Middle Blocker: Sheena Toring
First Best Middle Blocker: Thea Gagate
Best Opposite Hitter: Alyssa Solomon
Best Setter: Camilla Lamina
Best Libero: Jennifer Nierva
Most Valuable Player: Michaela Belen
Finals Most Valuable Player: Princess Robles