Mapanlinlang ang mundong ating ginagalawan. Noong hindi pa tayo namulat sa realidad, tila laro lamang ang lahat; laro lamang ang mga problemang pinagdadaanan na sa bandang huli, mapagtatagumpayan din naman. Ngunit, hindi sa lahat ng panahon, ganito ang inuukit ng tadhana.
Sabay-sabay nating tuklasin ang hamon ng pagkabuhay sa Teka Lang Wait: Katok Ka Muna, isang virtual play festival na hatid ng UP Writers’ Club, kasama ng Teatro Lasalyano at UPLB Com Arts Society. Pinamumunuan ng mga estudyante mula sa THEA 102, THEA 103, at THEA 152 ng Departamento ng Humanidades, Unibersidad ng Pilipinas – Los Baños ang mga dulang ipinalabas nitong Hunyo 2 hanggang 5.
Pagsapit ng hustong gulang, haharapin na natin ang mga responsibilidad upang matutong tumayo sa sarili nating mga paa. Mayroon na rin tayong kapangyarihang magdesisyon para sa ating sarili sa puntong ito na maaari nating pagsisihan o siyang magbabago ng ating pananaw sa mundo. Ngunit, handa na nga ba tayong suungin ang mapanghamong lakbay ng buhay?
Alipin ng bulok na sistema
Sinimulan ang virtual festival sa pagpapalabas ng dulang Joe Cool: Aplikante ni Jonathan So sa direksyon ni Aimee Beatrice Gordula. Ipinakilala ang karakter na si Joe Cool, aplikanteng gustong magtrabaho sa Dohesta Corporation. Umikot ang istorya sa pagsunod ni Joe sa mga utos ni Lyka, tagapanayam ng mga aplikante ng kompanya. Sa bawat utos ni Lyka kay Joe na pumunta sa palapag o opisinang kailangang puntahan, si Lyka ang laging bumubungad sa kaniya.
Bilang nagkukumahog na magkaroon ng trabaho, hindi alintana ni Joe ang mga paulit-ulit na tanong at utos. Mula sa mga sagot ni Joe, napag-alamang nagkaroon na siya ng walong trabaho na may pagitan sa bawat anim na buwan. Nagsisilbing simbolo ng mga manggagawang kontraktwal sa isang mapang-aping sistema ang karakter ni Joe. Umiikot ang kanilang mga buhay sa trabaho at naging alipin sa bulok na sistema para lamang may maihain sa harap ng kanilang mga pamilya. Bagamat hayag ang panglalamang, oportunidad nilang itinuturing ang mga ganitong pagkakataon.
Para lamang manatili sa kaniyang posisyon, hindi magkandaugaga si Lyka sa pagtratrabaho at hindi naging hadlang ang pagod para lamang makamtan ang balidasyon ng kaniyang amo. Tila isang bateryang tumatagal lamang ng anim na buwan ang turing sa mga empleyado ng mga kompanyang nagpapakasasa mula sa dugo’t pawis ng mga empleyado. Sasahuran batay sa napagkasunduan, pagtratrabahuhin ng ilang buwan, itatapon, at papalitan ng bago’t mapupusok na aplikante. Ngunit, sa kabila ng mga pagsusumikap upang hindi matanggal sa trabaho, pinatalsik pa rin si Lyka ng kaniyang amo. Sa kaniyang paghihinagpis sa naging desisyon, hindi niya natiis na maglabas ng saloobin. “‘Di ako robot. . . Binuhos ko lahat tapos itataboy niyo ‘ko nang gano’n?. . . Bawat galaw ko naaayon sa sistema niyo! Matanong ko, sa’n ako nagkamali?” bulalas niya. Sa huling eksena, ipinakita na bumalik si Lyka para mag-apply sa trabaho at si Joe naman ang naging tagapanayam na naghihikahos din sa dami ng gawain. Patunay lamang na hangga’t walang pagwawaksi, patuloy tayong mahuhulog sa bitag ng hindi makataong sistema.
Bitag ng kahirapan
Hindi militar at hindi rin rebelde ngunit isang sibilyan si Oka, karakter sa isa pang dula na pinamagatang “Papaano Turuan ang Babae Humawak ng Baril” sa panulat ni Daryl Pasion at direksyon nina Justine Elize Gabrido at Sofhia Nicole Dela Peña. Umikot ang dulang ito sa mag-asawang sina Liling at Oka na nakatira sa isang baryong malayong-malayo sa siyudad. Dala ng kahirapan sa buhay, napilitan si Oka na sumali bilang sibilyan sa militar para itaguyod ang kaniyang asawa at ang kanilang magiging anak. Hindi sang-ayon ang maybahay sa trabaho ni Oka dahil bukod sa panganib na dala nito, pinamumugaran ito ng mga rebelde at makasariling opisyales na namumuno sa kanila.
Hindi biro ang buhay ng isang sibilyang isinadula sa kwento ni Oka. Naka-uniporme man sila, hindi nila ‘sing kapangyarihan ang mga sundalo. Sa punto-de-bista ng mga kapitan at komander, tila mga kawal sa larong chess na kinokontrol ang mga mga sibilyan—susugal at ipapain ang kanilang mga buhay habang ang mga nasa matataas na ranggo ang makatatanggap ng papuri sa kanilang pagkapanalo. Ipapain at ipakikitang parte sila ng rebelyon dahil ika ng komander, “Mas maraming patay, mas iinit ang balita.” Hindi rin limitado sa pagiging pain ang kanilang trabaho, sapagkat inuutusan din silang kitilin ang buhay ng mga walang muwang na bata o kahit kapwang sibilyang bumaliktad. Bagamat masakit sa kaniyang loob, kinailangan niya itong gawin upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang mag-ina.
Bilang mga magiging magulang, hangad nilang mapabuti ang buhay ng magiging supling. Para kay Oka, ang pagsilbi sa mga militar, kahit na nasa bingit siya ng kamatayan, ang tanging paraan. Subalit, para kay Liling, ito ang pagbaril kay Oka upang matapos na ang kabang bumabalot na nag-aalis ng gutom. Bulong niya sa kaniyang sinapupunan, “Paglabas mo, bubusugin ka ni Nanay ng gatas at paglaki mo ‘di ka tutulad samin ng tatay. ‘Di ka hahawak ng baril dahil sisiguraduhin kong ‘di ka na magugutom.” Ipinakita sa huling eksena na itinutok ni Liling ang baril sa mga sundalong naghihintay kay Oka na nakaabang sa likod ng kanilang pintuan. Pinakikita na gusto nang wakasan ni Liling ang pagmamalabis ng militar upang hindi na ito maabutan pa ng kaniyang anak.
Mapanghimok na katanungan
Sa pamamalagi sa mundong ibabaw, may makadadaupang-palad tayong mga taong may iba’t ibang katanungang sumasalungat sa paniniwala natin bunsod ng kanilang mga karanasan sa pagdadalaga’t pagbibinata. Sa panulat ni Juan Ekis at direksyon ni Elmer Rufo, itinanghal ng “20 Questions” ang mga karanasan sa pag-ibig, pananaw, at mga kinahinatnan ng mga desisyon nina Jigs at Yumi sa buhay.
Nagsimula ang dula sa pagkakakulong ng mga karakter sa isang kuwartong pininturahan ng kulay rosas at pula, at hugis pusong sumisimbolo sa maalab na gabi ng mga bida. Tila pinaglaruan ng tadhana at ikinulong ang dalawa sa loob ng isang araw sapagkat ito ang alituntunin ng pakulong ito ng kanilang barkada. Upang punan ang dalawampu’t apat na oras, hinikayat ni Jigs na maglaro sila ng “20 Questions.” May sampung katanungan ang bawat isa na maaaring maging mapanghimok o patungkol sa buhay pag-ibig
Simple at tungkol lamang sa mga first crush ang paunang tanong ng mga karakter sa isa’t isa hanggang tumungo ito sa maseselang tema at mas personal na katanungan, tulad ng pagtatalik at usaping pagkabirhen. Pag-amin ni Jigs, hindi pa sila nagtatalik ng kaniyang kinakasama sapagkat pinahahalagahan niya ang kaniyang pagkabirhen. Agad namang umani ito ng reaksyon galing kay Yumi at sinabing, “Bakla ka ata. . .” Sinasalamin ng kaniyang reaksyon ang mapanghusgang lipunang agad na aakusahan ang sekswalidad ng isang indibidwal kapag taliwas ang kanilang ipinakikita sa pamantayan ng lipunan, sa pagiging lalaki o babae. Napag-usapan din ng mga karakter ang pamantayan ng pagiging birhen na sumasalamin sa pag-atang ng lipunan sa kababaihan ng responsibilidad na protektahan ito—salungat naman sa inaasahan para sa kalalakihan.
Sinalamin din ng dula ang kaisipang umiiral sa ating lipunan—tunay na pagmamahal ang pagsuko sa pagkabirhen. Napilitan si Yumi na isuko ito sa kaniyang nobyo ngunit bigo siyang matagpuan ang milagro sa pagkakataong iyon. Doon lamang niya napagnilayan ang tunay na hiwaga ng pagmamahal, na hindi lamang ito nababase sa pagtatalik.
Salu-salungat man ang ating paniniwala dulot ng mapapait na mga karanasan, hindi pa rin ito pahintulot upang husgahan ang ating kapwa. Respeto ang dapat pairalin sapagkat may iba’t ibang pinaghuhugutan ang bawat isa.
Pagkapit sa lubid
Mapakla ang lasa ng realidad sapagkat atin itong ninanamnam sa araw-araw—na nagpapaka-alipin tayo sa trabaho para mabuhay at makagagawa tayo ng mga desisyong habambuhay nating pagsisisihan. Sabi nila, “Ang buhay ay weather-weather lang,” ngunit hindi pa rin naaayon sa suwerte ang lahat para sabihing kailangan lamang ng kaunting tiyaga para matikman ang mainit-init at nakagiginhawang nilaga. Habang patuloy ang bulok, mapagsamantala, at mapangmatang sistema ng mga korporasyon, gobyerno, at lipunan, hindi matatapos ang masalimuot na siklong ating haharapin sa araw-araw. Pahapyaw lang ang mga istoryang itinampok ng Teka Lang Wait sa maaaring harapin ng isa sa totoong mundo.
Mapanglaw, malupit, at magulo—ito ang ang ating realidad. Hindi laging totoo ang kasabihang, “Hindi mo kasalanan kung ipinanganak kang mahirap, ngunit kasalanan mo kung mamamatay kang mahirap,” dahil kahit anong pagpupursigi ng isang tao sa kaniyang trabaho, hindi pa rin garantisadong giginhawa ang kaniyang buhay dahil maraming tao ang mapagsamantala at mapang-api sa lipunan. Kapag ihahambing natin ang pag-angat sa buhay ng isang tao sa pag-akyat sa bundok, masasabing doble ang hirap na tinitiis ng mahihirap. Hindi lamang nakasalalay sa higpit at lakas ng kaniyang kapit, ngunit pati na rin sa kapal at tibay ng lubid na kaniyang hinahawakan. Talagang hindi pantay-pantay ang paghihirap ng bawat isa—may ilan na nakasakay sa duyan, habang nakaipit lamang ang iba sa sinulid.