ITINUDLA ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons sa loob ng tatlong set, 25-12, 25-17, 25-19, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Mayo 17, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Pinangunahan ng libero ng Lady Spikers Justine Jazareno ang panalo matapos makalikom ng 11 excellent reception at 12 excellent dig. Hindi rin nagpahuli ang star rookie na si Alleiah Malaluan na nakapag-ambag ng 16 na puntos at limang excellent reception.
Bumida para sa Fighting Maroons ang isa sa kanilang mga rookie na si Niña Ytang matapos magtala ng walong puntos at anim na excellent dig. Dinagdagan naman ito ni Jum Marie Gayo ng walong excellent set kasama ang isang puntos.
Rutmatsada agad ang UP Fighting Maroons matapos manguna ni Alyssa Bertolano sa pagpakawala ng kaniyang mga tirada, 2-0. Sa kabila nito, biglang inulan ng error ang Fighting Maroons na naging daan upang makahabol ang Lady Spikers sa unang bahagi ng unang set.
Mabagal na atake man ang naging simula ng opensa ng DLSU, nakabuo pa rin ng momentum ang Taft-based squad sa tulong ng matinding service ace ni Leila Cruz, 7-3. Gayunpaman, tila nahawaan ang Lady Spikers sa sakit na pag-error ng UP na nagpadikit sa bakbakan, 7-6.
Tila nabuhay ang apoy ng diwa at determinasyon ng DLSU nang bumulusok ng tatlong magkakasunod na puntos ang star rookie Malaluan, 10-6. Hindi naman nagpahuli ang tinaguriang twin towers Thea Gagate at Cruz matapos ang kanilang block at spike, 19-10. Pautakan naman ang naging sistema nina Malaluan at Fifi Sharma matapos gumana ang kanilang mga floater na serve, 23-11. Nagtala naman ng attacking error ang UP na nagwakas sa unang set, 25-12.
Sa pagsisimula ng ikalawang yugto ng laban, rumatsada agad si Jolina Dela Cruz para makalamang agad ang Lady Spikers, 2-1. Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang Fighting Maroons sa tulong ni Joan Monares para makipagsabayan sa mga naka-berde, 4-3. Gayunpaman, tumindi ang depensa ng Lady Spikers na humulma ng 4-0 run para maiakyat sa lima ang kanilang kalamangan, 8-3.
Bumawi naman sina Monares, Ytang, at Jaila Marie Atienza para maibaba sa apat ang kalamangan ng DLSU, 10-6. Sa kabila nito, naisahan nina Dela Cruz at team captain Mars Alba ang depensa ng UP, 12-6. Sa huli, tinapos agad ni Sharma ang ikalawang set, 25-17, para maibulsa ng DLSU ang 2-0 lead sa laban na ito.
Sa pagbubukas ng ikatlong set, umarangkada agad ang parehong koponan at pinadikit ang talaan, 2-all. Agad na sinundan ito ng pagpuntos ni Monares para sa Fighting Maroons, 2-4. Dulot nito, naging masigla ang pag-usad ng Fighting Maroons sa sunod-sunod na error ng DLSU, 5-4.
Hindi naman nagpatinag ang Lady Spikers at agad na binawi ang kanilang mga error. Pinatikim din ni Malaluan ang kaniyang umaatikabong back row hit na agad sinundan ng tirada ni Cruz, 16-15. Matapos nito, biglang umalingawngaw ang mga error ng Fighting Maroons.
Umani ang kagustuhan ng Lady Spikers na tuldukan ang laro nang pagtulungan nina Sharma at Malaluan na paangatin ang kalamangan, 21-16. Sinundan agad ni Gagate ang pagbibigay ng puntos para sa DLSU, 22-18. Tinuldukan naman ni Cruz ang laban para maiuwi ng DLSU ang kanilang ikaapat na panalo, 25-19.
Abangan ang huling laban ng Lady Spikers sa unang yugto ng UAAP Season 84 Women’s Volleyball Tournament kontra FEU Lady Tamaraws sa darating na Huwebes, Mayo 19, sa ganap na ika-6 ng gabi.