Kasabay ng malawakang pangangampanya ng mga kandidato ang walang humpay na pangangampanya rin ng kanilang mga taga-suporta upang palakasin ang kanilang puwersa at imahe sa mata ng mga botante. Gayunpaman, hindi natatapos ang laban sa pagitan ng mga kandidato sapagkat patuloy ring lumalawak ang hidwaan ng mga taga-suporta mula sa iba’t ibang kampo.
Hangad man na ipakita ang pagtitiwala sa kakayahan ng kandidatong sinusuportahan, mayroong mga indibidwal na handang magpakalat ng maling impormasyon at magbitiw ng masasakit na salita upang makaani ng suporta sa masa. Patunay ito na unti-unti nang nagiging panatiko ang ilan sa mga botante at hindi na lamang payak na paghanga ang kanilang ipinakikita sa kanilang huwad na pananampalataya sa mga kandidato.
Manipis na pagitan ng pagsuporta at panatisismo
Ipinaliwanag ni Anthony Lawrence Borja, assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle (DLSU), sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na ang kakayahang magbago ng isip ang naghihiwalay sa pagiging isang taga-suporta at pagiging isang panatiko ng isang botante. Habang nagpipikit-mata at sarado ang isip ng mga panatiko, inilarawan niya ang mga taga- suporta bilang mga indibidwal na handang maging kritiko, kung kinakailangan, ng kanilang sinusuportahang kandidato. Batid ni Borja na malaking impluwensiya ang relihiyon sa pag-usbong ng politikal na panatisismo. Sa kaniyang pananaw, bunga ng isang depektong pananampalataya ang pinagsamang relihiyon at politika sa mga usaping pangkapangyarihan.
Samantala, ibinahagi naman niya na sa perspektibang sikolohiyang pampolitika, nagmula ang politikal na panatisismo sa pagsang- ayon ng mga mamamayan sa palasak na kaisipang nangingibabaw sa komunidad na kanilang kinabibilangan. Aniya, maituturing ding ugat ng panatisismo ang pagkakaroon ng paniniwala na walang kapangyarihan ang kanilang sarili sa mundo ng politika at kinakailangan nilang laging sumandig sa mga politikal na lider.
Kaugnay nito, naniniwala si Borja na numinipis ang linya sa pagitan ng pagiging taga- suporta at panatiko, lalo na sa isang leader-centric na bansa, tulad ng Pilipinas. Bunsod ng ganitong kultura, lubhang umaasa at matibay na nananalig ang mga mamamayan sa mga lider na pinapaniwalaan nilang may kakayahang kumatawan sa kanilang pangangailangan. Laganap at malalim na ang pinag-uugatan ng politikal na panatisismo sa bansa.
Nanindigan si Borja na hindi sapat ang edukasyon upang mabali ang ganitong kultura, kinakailangan ding mabigyan ang mga mamamayan ng hudyat na magmumulat sa kanila ang kapangyarihan upang hindi umasa sa mga lider ng bansa. Mahirap man ngunit naniniwala siya na kapag napagtagumpayan ito, magiging mas bukas ang bawat isa sa edukasyong sibiko at politikal.
Balitaktakan sa social media
Patuloy ang pag-iingay ng mga taga-suporta ng mga kandidato sa social media upang maibida ang kahusayan ng kanilang sinusuportahan at makipagpalit ng kuro-kuro sa taga-suporta ng kanilang kalabang kampo. Sa panayam ng APP kay Lance Mendoza, botante at social media user, sumasalamin ang pagpapalitan ng argumento sa kanilang kakayahang kumilala at igalang ang mga opinyong taliwas sa kanilang pinaniniwalaan.
Batay sa obserbasyon ni Mendoza, isa sa prominenteng kaugalian ng isang botante sa social media ang pagkakaroon ng bukas na isipan. Sambit niya, nanghihikayat ang naturang kaugalian ng mga diskursong nagbibigay-kabatiran upang makapagbigay-linaw sa mga pahayag na puno ng kasinungalingan. Gayunpaman, hindi maikukubling may ilang botanteng nagmamataas at nagmamatigas sa kabila ng tunay na impormasyong inilatag sa kanila. Sarado man ang kanilang isipan sa kritikal na pagsusuri at usapan, laging bukas ang kanilang mga bibig para magbato ng mga insulto sa kabilang kampo. Bunsod nito, kadalasan silang tinatawag na trolls buhat ng walang kabuluhang alitan na nilikha ng kanilang pambabatikos.
Ayon kay Mendoza, walang patutunguhan ang mga pampolitikang diskursong puno ng panlalait sapagkat hindi ito nagbubunga nang maayos na palitan ng ideolohiya. Bunsod nito, nananawagan siya sa lahat ng mga social media user na lumikha ng espasyong malayang maipahahayag ng mga mamamayan ang kanilang saloobing pampolitika. Bukod sa pagbibigay ng respeto sa opinyon ng iba, naniniwala siyang nararapat na manatiling bukas ang mga botante sa pagtanggap sa argumentong mayroong matatag na batayan.
“Kung ninanasa nating mahalal ang karapat-dapat na mga tao, kinakailangan natin ng unawa at tiyaga. Kinakailangan natin magpursigi sa pagsusubok na imulat ang mga hindi pa mulat,” giit ni Mendoza.
Pasanin ng mga botante
Sa kabila ng maraming diskusyon at kabilaang bangayan ng bawat taga-suporta, malinaw kay Tricia Anne Castro, punong-guro ng DLSU- Integrated School, sa kaniyang panayam sa APP na kakayahan at pagkatao ng isang kandidato ang dapat kilatisin ng mga botante bago tuluyang markahan ang balota.
Pagdidiin ni Castro, matinding abilidad at malawig na saklaw ng kaalaman sa bawat sektor ng lipunan ang dapat taglayin ng susunod na lider. Mariin niyang kinokondena ang maling ideolohiya na pagsulong lamang sa kapakanan ng piling sektor. Nanindigan siyang dapat gawing batayan ang pagkatao at pagkakaroon ng integridad ng isang kandidato na siyang gigising sa pagiging makabayan ng mga mamamayang Pilipino upang tumindig at magmalasakit sa bansa. Dagdag pa niya, hindi batayan ang estado sa lipunan para mabansagang “bobotante” o “panatiko.” Pinabulaanan niya ang konsepto na palaging nagmumula sa laylayan ng lipunan ang mga itinuturing na “bobotante.”
Sa huli, nanindigan si Castro na matalo man ang kaniyang napupusuang kandidato, maniniwala siya sa desisyon ng masa at susuportahan niya ang sinomang mapili ng taumbayan sa darating na eleksyon. Sa Halalan 2022, ang bawat tinta na ipapatak sa balota ang magdidikta sa kinabukasan ng bansa—kinabukasang umiilaw sa pag- asa o kinabukasang lugmok sa pagdurusa. Malabo man ang kalalabasan ng kinabukasan, malinaw na hindi na muling madadarang ang mga mamamayan sa mga nakaraang pangakong napako. Sa bawat pagtindig sa kasalukuyan, maitataga ito bilang kasaysayan sa katapangan ng mga mamamayan upang maiangat ang kinabukasan ng bayan na hindi lamang pinanday ng salita kundi pati ng gawa.