BUENA MANONG TAGUMPAY ang tinamasa ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers matapos itudla ang Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles sa apat na set, 22-25, 25-23, 25-18, 25-20, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Mayo 5, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Lumalagablab na opensa ang ipinakita ng hinirang na Player of the Game na si Baby Jyne Soreño matapos makalikom ng 17 puntos katuwang ang 13 attack. Dagdag pa rito, bumida rin sa talaan si Alleiah Malaluan matapos magtamo ng 15 puntos mula sa 13 attack, dalawang service ace, at 15 excellent dig.
Kinapitan naman ng Blue Eagles ang agresibong opensa ni Faith Nisperos na nakapag-ambag ng 24 na puntos mula sa 19 na attack, dalawang block, at tatlong service ace. Maliban dito, naging kaagapay niya sa opensa si Lyann De Guzman na may 11 attack. Pagdating naman sa depensa, malaking bentahe sa pag-arangkada ng koponan ang floor defense ni kapitana Dani Ravena na nakalikom ng 23 excellent dig at 11 excellent reception.
Agad ipinaramdam ng parehong koponan ang bagsik ng kanilang opensa sa unang bahagi ng set. Tatlong magkakasunod na puntos ang naiambag ni De Guzman at Nisperos upang makuha agad ang kalamangan, 2-3. Sa kabilang banda, nauna namang umarangkada para sa Lady Spikers si Jolina Dela Cruz matapos idulas ang bola sa kamay ng Blue Eagles, 3-all. Sinundan pa ito ng service ace mula kay Thea Gagate at umaatikabong atake mula kay Leila Cruz, 8-6.
Nagsalitan namang magbigay ng puntos ang koponan sa bandang kalagitnaan ng set matapos ang net touch at service error, 14-all. Nakahanap naman ng butas si Vanie Gandler matapos lumusot sa kamay ni Soreño ang kaniyang tirada, 16-20. Dinagdagan pa ni Malaluan ang puntos nang mag-service ace, 18-20. Gayunpaman, umangat sa lima ang unforced errors ng Lady Spikers matapos ang attack error ni Malaluan, 18-22. Pumuntos naman sa backrow si Gandler at sumunod si Nisperos, 21-24. Hindi na napigilan ang pag-arangkada ni Nisperos at tinapos na ang unang set, 22-25.
Sinalubong ni Alba ang ikalawang yugto ng laban sa pamamagitan ng isang service ace, 1-0. Naging makipot naman ang talaan ng iskor matapos magpalitan ng puntos ang dalawang koponan, 18-all. Kaakibat nito, agad nang kumaripas ng takbo ang koponan ng Blue Eagles nang mapagana ng starting setter Jaja Maraguinot si Nisperos, 18-21. Gayunpaman, nakahabol ang Lady Spikers nang payungan ni Gagate ang tirada ni Gandler, 22-all. Naitabla pa ng mga naka-asul ang talaan sa 23 ngunit hindi ito naging sapat nang mag-init ang mga daliri ni Malaluan, dahilan upang puslitin ang ikalawang set, 25-23.
Patuloy na nag-alab ang opensa ng Lady Spikers sa ikatlong set matapos makapagtala ng 15 attack kontra sa walong attack ng Blue Eagles. Gayunpaman, nakapaglagay agad ng limang unforced error ang Lady Spikers pagkaraan ng unang technical timeout, 7-8. Magkasunod na puntos naman mula kay Soreno ang hatid ng Lady Spiker dahil sa magandang floor defense ni Marionne Alba, 10-9.
Nakapagtala man ng attack error muli si Malaluan, 13-11, ngunit bumawi agad ito ng tirada, 14-11. Umagapay rin sa opensa si Dela Cruz mula backrow at drop ball ni Malaluan, 18-13. Nakapagtala naman ng isang block sa ikatlong set ang Lady Spikers nang humirit ng sina Fifi Sharma at Alba, 22-15. Hinatid pa sila ni Nisperos tungo set point matapos ang attack error, 24-17. Sa huli, umatake si Dela Cruz sa zone 2 bilang panapos sa ikatlong set, 25-18.
Maagang bumulusok ang Lady Spikers sa pagpasok ng ikaapat na set matapos makalamang ng apat na puntos, 7-3. Kaakibat nito, naghihingalong depensa ang ipinamalas ng Blue Eagles buhat ng mabibigat na serve ni Malaluan, 9-4. Sa kabila nito, nabuhayang muli ang Blue Eagles nang makapuntos si De Guzman at Nisperos upang panipisin ang kalamangan sa tatlo, 15-12.
Nagpakitang-gilas naman si Sharma sa net nang makapag-ambag ng magkakasunod na puntos mula sa kaniyang quick attack at block, 18-14. Sa kabila nito, hindi naman nagpatinag si Nisperos matapos magsumite ng tatlong magkakasunod na atake mula sa kaniyang crosscourt kill, 18-17. Gayunpaman, namayagpag na ang Lady Spikers matapos mag-apoy ang kamay ni Malaluan, sapat upang dalhin ang kaniyang koponan sa kanilang unang panalo, 25-20.
Matutunghayan ang susunod na laro ng DLSU Lady Spikers kontra ADU Lady Falcons sa darating na Sabado, Mayo 7, sa ganap na ika-12 ng tanghali.