Ngarag

Pagod na ako. Hindi dahil nag-ehersisyo ako kaninang umaga kundi dahil nagklase ako nang halos walong oras online. Zoom fatigue o burnout, ano man ang nais ninyong itawag dito, nakapanlulumong isipin na maraming katulad ko ang umasang magiging masaya ang buhay sa kolehiyo subalit tila naubusan na ng kagustuhang magpatuloy pa ngayon.

Sa kabutihang palad, natatanaw na natin ang oportunidad na makipaghalubilo sa ibang mga estudyante sa klase. Matapos ang higit dalawang taon ng online na klase, makakapaghanap na ang mga Lasalyano ng crush sa kampus sa halip na kiligin na lamang sa mga edited na retrato ng mga K-pop idol sa Freedom Wall. Para naman sa mga ID 120 at 121, makatatapak na tayo sa Pamantasan! Malaking tanong nga lang kung kailan nga ba natin makukuha ang ating mga ID?

Sa kabila nito, kapansin-pansing maraming suliranin ang hindi tuluyang malulutas ng #LigtasNaBalikEskuwela. Nang lumaganap ang pandemya, mahigit dalawang milyong estudyante ang tumigil sa pag-aaral dulot na rin ng kakulangan ng ilang pamilya ng mga kagamitang kinakailangan para sa mga klaseng online. Para sa karamihan, maaaring solusyon na sa kanilang mga problema ang pagkakaroon ng mga pisikal na klase subalit para sa iilan, hindi ito ang katotohanan.

Tila nawala na ang “aral” sa mga “paaralan” sapagkat mas nais na lamang ng karamihang makapasa sa kurso kaysa matuto. Hindi naging epektibo sa ilang estudyante ang online classes. Nakababahala ang datos na ibinalita ng BusinessWorld at D2L na nagtala ng 66% ng mga estudyante ngayon ang nagnanais na tumigil sa pag-aaral dahil sa pagkawala ng motibasyon para dito at samantalang 43% naman ang dulot ng mga isyu sa mental na kalusugan. Tinalakay rin ng mga pagsisiyasat sa Pilipinas at iba pang bansa na naging sanhi ito ng pagkawala ng maraming estudyante ng kanilang tiwala sa sarili samantalang nagdulot o nagpalala naman ito sa social anxiety ng maraming indibidwal. Bumalik man sa face-to-face classes, hindi nito tuluyang malulutas ang mga suliraning ito.

Samantala, propesor man o estudyante, nilaspag na ng kasalukuyang sistema ang ating utak. Bukod sa hindi sapat ang preparasyong ibinigay sa ilang guro para sa online classes, nakalulungkot na makita sa Zoom conference ang mga gurong nagsasalita mag-isa. Ang mga pagbati sa kanilang may kasamang yakap at ngiti noon, pinalitan na lamang ng “Good morning, Ma’am” at “Present po, Sir” sa chatbox. Ang pagtuturong may interaktibong pakikipagtalastasan sa mga silid-aralan noon, naging pawang pagtuturo na lamang sa isang kwartong walang laman kundi mga pangalan at profile picture sa iskrin.

Para naman sa mga estudyante, naramdaman nating lahat ang “dead” sa “deadlines.” Gigising. Kakain. Maliligo. Papasok sa klase. Gagawa ng takdang-aralin. Matutulog. Iyan na ang buhay ng mga estudyante ngayon; minsan wala pa ang tulog. Hindi makatuwirang tila wala nang pahinga ang mga estudyante. Sa face-to-face classes, maaari tayong mapagod subalit maaari din tayong gumala kasama ang ating mga blockmate at orgmate. Sa kasalukuyan, tanging mga may sapat na salapi lamang ang nakagagawa nito samantalang kinakailangan pang tumulong sa gawaing bahay ang ibang estudyante.

Dulot ng mga ito, may mga estudyanteng nakakuha ng uno! Subalit sa La Salle nga pala kami nag-aaral. Malaking tulong man ang mga recorded lecture at asynchronous class sa marami, hindi maikakailang mayroong digital divide ang online classes. Naging mahirap para sa ilan ang matuto sa online na set up, partikular na sa mga kursong nangangailangan ng pisikal na laboratoryo. Hindi kailanman kapalpakan ang mga estudyanteng napagod, subalit sa sistemang ito, naging biktima sila at tila pinabayaan na.

Kaya naman, sa inaasahang pagtuloy ng programang #LigtasNaBalikEskuwela sa mga unibersidad sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, mahalaga ring magkaroon ng komprehensibong plano upang itaguyod ang pangkalahatang kabutihan ng mga estudyante. Hindi lamang grado ang batayan ng pagiging matagumpay na estudyante kaya mainam ding lunasin ang sistemang sakitin upang mapagtibay ang mga serbisyo para sa mental health. Upang wala na muling mangarag, kinakailangang ipagpatuloy ang pagsasaliksik ng iba pang mga hakbang na tatapak sa mga suliraning nasa sistema ng edukasyon ngayon at titiyaking hindi ito magiging bulag sa mga hinaing ng mga estudyante.