KASADO na ang mga proyektong ilalabas ng Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) ngayong 2022 at isa na rito ang paglikha ng Coke-cane Legendary Thief skin na mayroong makabagong features na hango kay presidential candidate Baby M. Napagdesisyunan ng mga game developer na ang assassin hero na si Helcurt ang mabibigyan ng naturang bagong skin.
Kaabang-abang na bagong skin
Kilala ang larong MLBB sa tagisan ng kasanayan at pagpapamalas ng kahanga-hangang estratehiya sa pakikipagsagupaan ng mga manlalaro. Bunga nito, mapapansin na tanyag ang laro para sa mga manlalarong hinihintay ang paglabas ng bagong Helcurt skin dahil kabilang sa meta ang naturang hero.
Madalas na ginagamit si Helcurt ng mga manlalarong jungler dahil sa kaniyang matulin na mobility at malakas na opensa. Kaya naman, napagpasiyahan ng mga game developer na lumikha ng Helcurt Coke-cane skin na hango kay Baby M dahil sa pagkakaparehas ng katangian niya sa naturang assassin hero. Sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan, ibinunyag ng game developer ng MLBB na si Sando Zayrus na hango ang Helcurt Coke-cane skin sa kulubot at haggard na pangangatawan ni Baby M. “Ang skin na ‘to puro butas ang itsura ni Helcurt tapos ruffled ‘yung sa bandang sleeves, parang kulubot effect, tulad ng mukha at katawan ni Baby M,” batid ni Zayrus.
Simula ng kadiliman
Naging madali naman ang paghahanap ng ideya para sa Coke-cane skin ni Helcurt, ayon sa presidente ng Moonton na si Manny Bieber. “Talagang naisip na namin kung sino ‘yung gagayahin at kung saan hahango ‘yung bagong skin na ilalabas namin dahil parehong malikot ang mga kamay nina Helcurt at Baby M para makakuha ng maraming gold sa laban,” aniya.
Kung tutuusin, isa sa mga pinakamakapangyarihang hero sa MLBB si Helcurt dahil sa kakayahan nitong maglaho sa clash na maikokompara sa hindi pagdalo ni Baby M sa mga presidential debate. Isa pang kakayahan ni Helcurt ang magnakaw ng mga gold at farm ng mga kalaban sa MLBB nang hindi siya nahuhuli ng kaniyang mga katunggali. Bunsod nito, tunay na kaabang-abang ang bagong skin dahil sikat ang naturang hero para sa mga manlalarong nais magpakawala ng kadiliman para lamang hindi sila mahanap ng mga kalaban.
Gayunpaman, muntikang hindi matuloy ang pagbuo ng bagong Coke-cane skin ni Helcurt dahil sa sunod-sunod na palusot ni Baby M na puno ang kaniyang iskedyul upang sagutin ang mga tawag ng mga game developer ng MLBB. Buhat nito, madalas na manatili si Baby M sa kaniyang mansyon na nagsakit-sakitan para ma-delay ang paglalathala ng Helcurt skin. Bumuwelta naman si Baby M, aniya, “Nakakapagod na kasi. . . Pare-pareho na lang talaga ‘yung mga tanong, siyempre, napapagod din ako kakakampanya.”
Pasabog para sa mga ka-Alamano
Ipinagmamalaki naman ni Baby M ang kalalabasang Coke-cane skin ni Helcurt sapagkat kaya nitong malinlang ang mga manlalaro sa pamamagitan ng mga kulay at animasyon nito. “Hindi po ako makahintay na makita ang inyong mga ngiti kapag na-release na ang makabagong Helcurt skin. Makita maya-yo kap kayo ay mag a alamo. Kayo ay ah o sa inyong mga sigaw sa pagsuporta sa akin,” hindi maintindihang sambit ni Baby M.
Sa kabilang banda, isa rin sa mga ginawang pagbabago ng Moonton ang Dark Night Falls na ultimate skill ni Helcurt dahil kaya na nitong kumupit ng 666 na gold mula sa mga kalaban. Bukod sa Dark Night Falls skill ni Helcurt, kaabang-abang din ang pagbabago sa dating Deadly Poison Stingers ni Helcurt. Kaakibat nito, pinalitan ang naturang skill ng Deadly Teeth Grinding na kayang ipamalas ang epekto ng Coke-cane sa katawan ng Baby M-inspired na skin na may kakayahang gawing baliw ang mga kalaban.
Inaasahan namang ilalabas ang official sneak peek ng Coke-cane Legendary Thief skin sa opisyal na Facebook page at YouTube channel ng MLBB sa darating na Mayo 8. Bilang karagdagan, opisyal na ilalabas ang makabagong skin ni Helcurt sa Mayo 31. Mabibili ang Coke-cane Legendary Thief skin sa halagang 666 diamonds. Magkakaroon din ng 10% discount sa unang linggo ng opisyal na release ng skin habang 69% off naman para sa mga certified Alamano supporter.
*Paalala naman ng mga game developer ng MLBB na mag-ingat sa pagbili ng skin na ito. Maaaring magkaroon ng hidden charges ang pagbili ng Coke-cane skin nang hindi namamalayan ng mga manlalaro.