Malaya, patas, ligtas, at tapat na halalan.
Ito ang inaasahang maipamamalas ng independiyente at nagsasariling ahensya ng COMELEC sa tuwing sumasapit ang eleksyong magdidikta sa kinabukasan ng bansa. Gayunpaman, mahirap lumikha ng ganitong bisyon lalo na sa panahong nabubulid sila sa mga kontrobersiyang kumukwestyon sa kanilang integridad at katapatan sa taumbayan.
Bago pa man magsimula ang opisyal na pangangampanya para sa pambansang posisyon, nagpipikit-mata na ang COMELEC sa mga petisyong inihain laban sa anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Jr. Sa kabila ng pagtakas sa pagbabayad ng buwis mula 1982 hanggang 1985, nanindigan pa rin ang ahensyang hindi ito maituturing bilang moral turpitude. Tila lantaran tuloy nitong sinasabi sa ating maaaring magkaroon ng pangulong tax evader, ngunit hindi katanggap-tanggap na magkaroon ng mamamayang hindi nagbabayad ng buwis.
Bukod dito, lumagpas din ang ahensya sa itinakdang 15 araw na paglalabas ng desisyon ukol sa tatlong kaso ng diskwalipikasyon kay Marcos Jr. Sa mga pagkakataong ito, kapani-paniwala pa ang desisyong huling isinapubliko? Paano masisiguro ng taumbayang hindi ito naimpluwensyahan ng sinoman?
Sa kasamaang palad, tila hindi rito natatapos ang pagpabor ng COMELEC kay Marcos Jr. matapos nitong pagbigyan ang kahilingan ng kampong malaman ang pangunahing pag-uusapan para sa debate. Katulad ng klima sa pag-ibig, tila marupok ang ahensya at handang maging sunod-sunuran kahit pa hindi sila nito mismo siputin sa araw ng tapatan. Habang umabot ng mahigit dalawang buwan ang paghihintay ng mga Pilipino para maaprubahan ang Angat Buhay programs ng opisina ni Bise Presidente Robredo, inuna ng ahensyang tugunan ang hiling ng isang kandidatong duwag na humarap sa tanong ng masa.
Sa kabila ng tahasang pagpabor sa anak ng diktador, sinubukan ko pa ring unawain ang ahensya at kumapit na mayroon pang kaunting konsenya o dignidad ang COMELEC dahil ipinagtanggol nito ang pagiging kaagapay ng Rappler sa paglalahad ng katotohanan ukol sa eleksyon. Gayunpaman, tila panandalian lamang ang kasiyahang ito matapos harap-harapang suspendihin ang kolaborasyon, tumiklop, at muling mawalan ng pangil ang ahensya sa ilalim ng pangingipit ng kaalyado ni Pangulong Duterte na si Solicitor General Jose Calida.
Nakatatakot mang isiping tila nagiging partisano at taga-silbi ng mga pasistang diktador ang COMELEC. Hangga’t patuloy na hindi pinapangalagaan at maayos na pinangangasiwaan ang isa sa pinakasagradong demokratikong proseso sa bansa, maiiwan tayong naagrabyado sa kamay ng mga politikong iniaalay lamang ang katapatan sa kanilang pansariling interes.
Kasabay ng kanilang patuloy na pagbubulag-bulagan ang unti-unting pagkawala ng tiwala ng sambayanan sa kapangyarihan nilang bumuo nang malaya, patas, ligtas, at tapat na Halalan. Sa huli, katumbas ng kanilang katahimikan ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mga politikong tahasang bastusin, yurakan, at maliitin ang elektoral na proseso sa bansa.