MULING NILAMPASO ng Barangay Ginebra San Miguel ang TNT Tropang Giga, 98-88, sa ikaapat na harapan nila sa 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup Finals, Disyembre 6, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center sa Pampanga.
Nabawing muli ng Ginebra ang kanilang pagkatalo noong Game 3 sa pangunguna ng point guard na si LA Tenorio na nakapagtala ng 22 puntos, dalawang rebound, at anim na assist. Malaki rin ang naiambag ni Japeth Aguilar sa kaniyang 22 puntos at siyam na rebound.
Sa kabila ng pagkabigo, patuloy pa ring naipamalas ni Roger Pogoy ang kaniyang husay at galing nang makapaglista ang manlalaro ng 34 na puntos, apat na rebound, at anim na assist.
Nagbukas ang unang yugto ng labanan sa magkasunod na tirada ng dos ni Aguilar sa tulong ng magandang pasahan ng Ginebra, 4-2. Hindi naman makabuwelo ang TNT sa lakas ng depensa ng katunggali ngunit nakatiyempo ng dalawang puntos si Poy Erram, 4-all.
Tila urong-sulong ang naging aksyon ng dalawang koponan sa kort bunsod ng matindi nilang depensang hindi nakasindak sa isa’t isa. Tinuldukan naman ito ng TNT nang makatarak ng three-point jump shot si Simon Enciso sa tulong ng assist ni Jason Castro, 10-12.
Patuloy na nagsagutan ang mga koponan hanggang sa matalinong nailihis ni ka-Barangay Scottie Thompson ang mga kalaban sa tulong ni Negros Sniper Jeff Chan na tumikada ng tres, dahilan upang makalamang ang kanilang koponan sa pagtatapos ng yugto, 17-14.
Matinding pagbabantay ang isinagawa ng Ginebra sa TNT kaya nahirapan itong makabawi sa simula ng ikalawang yugto. Walang takot na umatake si ka-Barangay Stanley Pringle sa kabila ng nakasasakal na depensa at nakapagtala ng three-point pull-up jump shot. Agad naman itong tinumbasan ng tres ni ka-Tropa Troy Rosario, 22-19.
Ipinamalas din ni Pogoy ng TNT ang kaniyang lakas sa depensa nang magpakitang-gilas siya sa isang layup na nakapagpadikit ng iskor ng dalawang kampo, 27-26. Tuluyan namang natambakan ng Ginebra ang TNT sa apat na sunod-sunod na freethrow na naipasok nina Tenorio at Thompson, 49-39.
Patuloy na pananalanta ang ipinadama ng Gin Kings sa simula ng ikatlong yugto. Humahagupit na 5-0 solo run ang hinatid ng Teniente ng Ginebra na si Tenorio at sinamahan pa ito ng basket ni Joe Devance upang mapalobo ang kalamangan ng koponan, 56-39.
Nabawasan naman ang malabundok na bentahe ng kabilang panig sa tulong ng sharpshooter na si Pogoy. Gayunpaman, nagpakita ng mapangahas na depensa ang Gin Kings para mapatahimik ang opensa ng TNT. Bumawi rin sa opensa ang Ginebra sa tulong ng veterans na sina Pringle, Devance, at Chan upang maipalobo muli ang kalamangan sa pagwawakas ng ikatlong yugto, 77-60.
Maaksyong sagutan ng puntos mula sa parehong koponan ang bumungad sa pagbubukas ng huling yugto ng laro. Maagang one-two punch ang hinatid ng Tropang Giga na sina Enciso at Erram subalit sinagot agad ito ng Gin Kings na sina Devance at Pringle. Nagkulang naman ang firepower ng TNT dahil sa hindi paglaro ng ace player na si Ray Parks.
Sa kabila nito, hindi natinag ang mga ka-Tropa at patuloy na nagpakita ng puso at tapang sa huling yugto. Nagliyab ang mga kamay ni Pogoy matapos magpakawala ng sunod-sunod na bomba mula sa rainbow country. Bunsod nito, nagkaroon ng sapat na momentum ang TNT para maidikit ang laro, 88-91.
Tinuldukan ng Ginebra ang bakbakan nang magpakita ng killer instincts sa clutch moments ng laro sina Tenorio at Thompson, dahilan upang makamit ng Ginebra ang panalo, 98-88.
Nalagay sa magandang posisyon sa serye ang Ginebra matapos manalo sa Game 4 kontra TNT, at tatangkain nilang tapusin ang serye upang makamit ang kampeonato sa Miyerkules, Disyembre 9.