NAPAGPASYAHAN na ng administrasyon ng Pamantasang De La Salle (DLSU) na maglunsad ng panibagong uri ng mga announcement na nakatuon sa pagbibigay ng shout out sa mga Lasalyanong may kaarawan. Inilahad ni Chanzelor Lavander Bayagbag na tatawagin itong “HBD PAREH, Sheeesshh!” na naglalayong maisapubliko ang kaarawan ng bawat Lasalyano sa pamamagitan ng Help Desk Announcement (HDA).
Ayon sa eksklusibong panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) kay Bayagbag, mabibigyang-pagkakataon ang mga Lasalyano na pumili ng larawang nais nilang ilakip sa anunsyo at ang pagsumite nila ng Data Privacy Consent upang matiyak ang kaligtasan ng impormasyong nais ilabas.
Pagsumite ng mga shawty worthy retratoz
Inilahad ni Pedro Penduko, tagapamahala ng HDA, na magpapakalat din ang University Student Government ng Google forms sa kanilang social media pages at dito isusumite ng birthday celebrant ang kanilang napiling retrato.
Kinakailangang makapagsumite ng larawan ang mga estudyante isang linggo bago ang kanilang kaarawan. Dagdag ni Bayagbag, “Puwede lang magpasa sa loob ng working hours from Monday hanggang Saturday. Isasara ito tuwing Linggo at holidays, dahil gusto namin mag-chillax.”
Nilinaw naman ni Penduko na kinakailangan ding maglagay ng maikling bio at wishlist ang mga estudyante sa Google forms. “Mas prefer namin na ilagay ang kanilang Bumble o Tinder profile description as their bio. Para naman sa wishlist, walang limit, pero bawal ang cash,” paliwanag ni Penduko.
Pagbati ng mga Dude Pareh Chongz
Naniniwala si Bayagbag na magsisilbing daan ang mga anunsyong ito para maibalik ang kasiyahang nawala sa mga estudyante matapos ang ilang taong pagkakatengga sa kani-kanilang mga bahay dahil sa kasalukuyang moda ng pag-aaral. “It’s a chance for others to give their greetings to their pares, bros, and even past jowas and chongs,” pagbabahagi ni Bayagbag.
Nasagap din ng BUKAKA na bibigyan ng vouchers ang estudyanteng makakatanggap ng pinakamaraming pagbati. “Pinaglaanan talaga ito ng budget ng Lozol. Narinig kong tsismis ni Mareng Dyesabel ng Finance Department, hindi raw bababa sa sampung vouchers ang ibibigay sa mananalo,” nasasabik na tugon ni Magna Nakaw, Executive Treasurer ng USG.
Ipinahayag naman ng Kilusan para sa Student Problems na hindi sila sumasang-ayon na magbigay pa ng vouchers para sa mga mananalo. Ayon sa kanila, mas mabuting gamitin ang badyet sa mga inisyatiba ng Pamantasan na tumutulong sa estudyanteng nangangailangan. Sa kabila nito, binalewala ng DLSU ang kanilang pahayag.
Dagdag pa rito, inanunsyo naman ni Dizmaneh Izmayn, kilalang sponsor ng Pamantasan na mamimigay siya ng pera sa bawat selebrante na aniya, magsilbing icing sa ibabaw ng kanilang mga cake. “Ang halagang libo na ibibigay ko ay depende sa araw ng inyong kaarawan,” ani Izmayn sa kaniyang Facebook Live.
Rezpek my opinion na langz po
Ayon kay Chikitita Bumibumi, president ng DLSU Partipeepz Association (DLSUPA), labis na kagalakan ang maihahatid ng HBD PAREH, Sheeesshh! sa mga selebrante dahil magkakaroon na ng mas madaling paraan upang mabati sila ng kanilang mga crush.
Suhestiyon naman ni Balaching Baramamamia, pinuno ng Kaarawanz Clubeba of Lozol, dapat ding magpakain ang selebrante sa lahat ng tao na babati sa linggo ng kanilang kaarawan. “Maaaring pumili sa kahit anong fast food chain ang bawat taong bumati, at responsibilidad ng selebrante na ito’y sundin sa loob ng isang araw,” ani Baramamamia.
Tumutol naman si Kapalina Pepetitin, pinuno ng Patatas para sa Lozolista, sa suhestiyon ni Baramamamia dahil hindi magiging patas ang paglibre sa komunidad ng Pamantasan. “Hindi ito puwede! Dapat lahat ng tao, nakabati man o hindi ay mabibigyan ng pagkain,” giit ni Pepetitin. Dagdag pa niya, responsibilidad ito ng bawat Lasalyano dahil isa ang zeal for service sa core values ng komunidad.
Sa huli, binigyang-diin naman ni Catalina Mingming, miyembro ng DLSUPA, ang panibagong sigla na kaakibat ng pagkilala sa kaarawan ng mga Lasalyano sa mga HDA. “Surebol na marami ang magiging abangers sa HDA releases lalo na sa mga papansin which is a win diba?” pahayag ni Mingming.
Inaasahang magsisimula ang pag-aanunsyo ng mga kaarawan sa HDA pagkatapos ng Kuwaresma upang mabigyan pa ng sapat na oras ang mga Lasalyanong magmunimuni.