Nagdulot ang giyerang nangyayari sa pagitan ng Ukraine at Russia ng pagtaas ng presyo ng krudo. Tinatayang ito ang pinakamataas na naging presyo mula pa noong Pebrero 2013 na umabot sa lagpas Php6,151.99 kada bariles. Kabilang ang Russia sa top 3 suppliers ng langis at natural gas sa mundo, ngunit dahil sa kabi-kabilang parusa na ipinataw ng mga kanluraning bansa, nabawasan ang araw-araw na pandaigdigang supply ng krudo ng 8%.
Napakritikal ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa Pilipinas dahil nagsisimula pa lamang bumangon ang ekonomiya mula sa pagkakasadlak dulot ng pandemya. Dahil dito, inanunsyo ni Pangulong Dutiti sa kaniyang late night talk show nitong Marso 28 ang plano ng administrasyong umutang muli sa World Bank upang mamigay ng Tesla sa taumbayan.
Tatay Digs lang sakalam
Bagamat dagdag na perwisyo para sa iba, isa naman itong representasyon ng pagiging isang mabuti at matalinong lider ni Dutiti para sa kaniyang mga taga-suporta. Mula rito, pinatunayan lamang niyang karapat-dapat siyang kilalanin na #BestPresidenceEver.
Sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) kina Otin Gonzuhgaw at Rob Inn, mga taga-suporta ni Dutiti, naniniwala silang malaking tulong sa mga mamamayan ang naturang plano ng administrasyon upang matugunan ang lumalalang problema sa presyo ng gasolina. Ayon kay Gonzuhgaw, isang magaling na lider ang Pangulo at nananabik siyang mag-deliver ng Happee Cup gamit ang bagong Tesla car. Dagdag pa ni Inn, magiging world class ang mga serbisyo sa bansa sa ilalim ng pamumuno ng rehimeng Dutiti.
Sa kabilang banda, nanawagan naman si Gonzuhgaw sa mga kritiko na suportahan na lamang ang desisyon ng pamahalaan. “Ano naman kung patuloy lang tayo nitong ilulubog sa utang at pati susunod na henerasyon ng mga Pilipino ay maaapektuhan? God will provide for us. Hindi tayo makatutulong kung puro tayo negativity. Mag-subscribe na lang kayo sa Otin Roars at abangan niyo ang interview ko with Presidente Dutiti on what made him loan for Tesla cars,” giit niya.
Kanto-T Program
Hindi limitado sa pagbili lamang ng gobyerno ng mga sasakyang may tatak na Tesla sapagkat magtatayo rin sila ng mga libreng charging station sa bawat kanto ng bansa. Tatawagin itong Program Kanto-Tesla o Kanto-T na magsisilbing alternatibo sa pagkonsumo ng krudo. Pangungunahan ito ng Department of Energy at ng mga kalihim ng ahensiya na sina Lucky Boo-Ratt at Manchu Fa.
Upang tugunan ang naturang problema, tutumbasan at hihigitan ng charging station ang bilang ng mga gasolinahan sa bansa para handa ang mamamayan sa bawat kanto. Hindi na mabibitin pa ang mga Pilipino sa paggamit ng kanilang Tesla sa pang-araw-araw at magiging normal na ang paghatid nang sinoman hanggang labasan dahil sa dulot na kaginhawaan sa elektronik na sasakyan.
Pabirong binanggit ni Boo-Ratt, “Umasa po tayo na patuloy lamang ang pag-unlad nang bansang Pilipinas. Kailangan lamang po natin talaga ng Unity at wala nang iba. ”
Magulo man ang paliwanag ni Boo-Ratt, tunay na maswerte ang mga Pinoy dahil sinigurado ni Fa na may mga darating na mga sasakyan para sa kanila. Tuwang-tuwa naman si Dutiti sa programang ito dahil idolo niya si Elon Musk. Hiniling pa ng Pangulo, “Baka naman pwede si Elon Musk mismo ang mag-deliver ng mga sasakyan. Para makapagpa-picture ako sa kaniya.”
Tes-Luh, bye awra?
Bagamat marami ang pumuri sa naturang pag-utang ni Dutiti, hindi maiiwasang makatanggap siya ng pagtuligsa mula sa ilang concerned single citizens. Ani ni Sassa Ghourlz, ang pambansang mima ng Pilipinas, sa kaniyang panayam sa BUKAKA, “Sadyang nakakawalang respeto po sa mga maaasim na single ladies, bekis, shiboli chenes ang paggamit ng Tesla. Paano kami aawra sa dyip kung may tig-iisa na kaming sasakyan?”
Pagdidiin niya, hindi na sila mabibigyan ng pagkakataong humarot dahil kasama nila ang kanilang magulang sa sasakyan. Nagsilbing isang kadenang nakagapos sa kanilang leeg ang pagpapatupad ng ganitong polisiya sapagkat nawalan sila ng kalayaang makatabi, mahaplos, at magpapansin sa kanilang crush sa dyip o sa anomang pampublikong sasakyan.
“Ang sa amin lang naman ay oks lang mangutang pero sana napupunta sa makabuluhan ‘no? Sabi, kabataan ang pag-asa ng bayan ‘di ba? Paano kami gagawa ng next generation ng kabataan kung wala kaming lablayp? Sige nga! Utang pa, nakakasira naman ng kinabukasan ang dahilan ng utang. Gahd!” nanggagalaiting pahayag ni ChokeMi Dzadeh, isang tambay at kilalang miyembro ng kabataan Paro-paro G.
Matapos mabigyang-puri at parangal ang kantang Dubidubidapdap, mainit namang pinagtatalunan sa Senado ang magiging pambasang kanta para sa Tesla. Sagot ni Pukengkeng Masengseng, successor ni Harry Poque, kinakailangan ng matinding pananaliksik at mahaba-habang pagpupulong upang masigurong kapana-panabik at nakakaindak ang kanta lalo na’t malaki ang nagastos ng gobyerno rito.
Sa kabila ng mga batikos, naniniwala ang pamahalaan na masosolusyunan ng planong ito ang problema ng langis at gasolina sa bansa. Binigyang-diin naman ni Harry Poque na huwag na raw kwestyunin ang desisyon ng Pangulo. “Personal choice ito ng Pangulo. Respect na lang his opinion #Digong lang sakalam.”