OPISYAL NANG MANINILBIHAN sina James Florence Santos at Marc Kenzo Liu bilang batch president at batch vice president ng 73rd ENG matapos isapormal sa ikatlong special session ng Legislative Assembly (LA), Abril 8. Inanunsyo rin ni Francis Loja, chief legislator, ang petsa ng LA examination para sa mga bagong halal na batch legislators.
Unang inilahad ni Raphaela Tan, 75th ENG ang kuwalipikasyon ng dalawang opisyal. Batay rito, nakapagsumite sina Santos at Liu ng kopya ng kanilang cumulative grade point average at bilang ng natitirang yunit. Nakatanggap din sila ng endorsement letter mula kay Engineering College President Alfonso Claros na inaprubahan nina University Student Government (USG) President Giorgina Escoto at USG Executive Secretary Jewel Limjoco.
Ibinahagi rin ni Liu ang kaniyang mga plataporma bilang batch vice president. Aniya, “Our best interest would be to help our batchmates jumpstart their careers and professional journeys by creating events that aim to connect them to external companies and organizations.”.
Dagdag pa niya, sinisikap nilang maipaabot ang suporta sa kanilang mga kapwa estudyante na malapit nang magtapos sa pamamagitan ng job opportunities at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na negosyo.
Parehong nakakuha sina Santos at Liu ng botong 21 for, 0 against, at 0 abstain mula sa mga dumalo ng sesyon.
Bilang pagtatapos, inanunsyo naman ni Loja na isasagawa ang pagsusulit ng mga bagong halal na batch legislator sa Abril 22. Mahahati ang kanilang pagsusulit sa dalawang bahagi. Nakapaloob dito ang oral at written exam na tutukoy rin ng kanilang kabibilangang komite sa LA.