ITINAMPOK ni University Student Government (USG) President Giorgina Escoto ang mga naipatupad niyang programa para sa unang termino ng akademikong taon sa ginanap na State of Student Governance (SSG), Abril 2.
Isinasagawa ang SSG kada termino alinsunod sa Legislative Assembly Act No. 2021-32. Batay rito, kinakailangang ilatag ng kasalukuyang USG President ang estado ng kaniyang mga proyekto at suriin ang kalagayan ng kaniyang administrasyon.
Serbisyo para sa mga Lasalyano
Unang inilahad ni Escoto ang mga nasimulang proyekto ng USG. Kabilang dito ang pagtataguyod ng #BalikDLSU na nagsilbing daan upang maihanda ang Pamantasan sa muling pagsasagawa ng face-to-face na klase. Naging katuwang niya sa proyektong ito sina College of Science President Jed Lurzano, Vice President for External Affairs Lara Jomalesa, Vice President for Internal Affairs Britney Paderes, at Chief Policy Adviser ng Office of the President na si Nikhil Santwani.
“Through the representation of these students, along with the continued lobbying of our administration benefiting from the previous USGs, we can now wholeheartedly say, my fellow Lasallians, welcome home,” saad ni Escoto.
Nakapaloob din sa mga proyektong inilatag ni Escoto ang mga polisiyang nakatuon sa pagbuo ng inklusibong espasyo para sa bawat Lasalyano. Kabilang dito ang pagpigil sa diskriminasyon, deadnaming, at misgendering.
Ipinabatid din niya ang pakikiisa ng USG sa panawagan ng mga estudyante hinggil sa pagtaas ng matrikula. “We have been lobbying for a 0% tuition fee increase because we recognize that the student body would have difficulty in coping with possible increases during these typical times,” ani Escoto.
Paglilingkod para sa bayan
Pinalawig din ni Escoto ang kaniyang serbisyo sa paglulunsad ng Samahang Lasalyano. Layon nitong mapag-isa ang mga pamahalaang pangmag-aaral ng walong paaralan ng De La Salle Philippine Schools.
Maliban pa rito, patuloy rin ang pakikibahagi ng administrasyon ni Escoto para sa nalalapit na Pambansang Halalan. Matatandaang nakipag-ugnayan ang DLSU USG sa iba pang pamantasan upang tutulan ang kandidatura nina Bongbong Marcos at Sara Duterte para sa pagkapangulo at pagka-bise presidente.
Inimbitahan din nila ang mga kandidatong tumatakbo para sa pagka-bise presidente sa isang forum upang masiyasat ang kanilang mga plataporma at paninindigan para sa bansa. Panghihikayat ni Escoto, “Tayo ang boses ng kabataan na magmamana ng kinabukasan ng ating bayan.”
Bukod sa nabanggit, inilunsad din ng opisina ni Escoto ang Lasallian Research and Communication Hub upang makapagsagawa ng mga constituency check at focus group discussion sa pagitan ng mga estudyante. Layon nitong mabigyang-boses ang mga Lasalyano at mailapit sa kanilang tanggapan ang mga hinaing at perspektiba na may kinalaman sa iba’t ibang usapin ng Pamantasan.
Sa pagtatapos ng kaniyang talumpati, pinasalamatan ni Escoto ang lahat ng naging katuwang niya sa serbisyo. “The USG’s achievements have only been possible through the work of the thousands of USG officers across seven different colleges, two campuses, dozens of batches, and the unwavering support of everyone who made it possible,” pagpapasalamat ni Escoto.
“Mahal kong Pamantasang De La Salle, lahat ng aming nagawa ay dahil at para sa inyo,” pagwawakas ni Escoto.