PINANGASIWAAN ng Office of the Vice President for External Affairs, katuwang ang Office of the Vice President for Internal Affairs ng University Student Government (USG), ang Student Development Goals: F2F is Real, Abril 1. Layunin nitong mailatag ang mga plano ng Pamantasang De La Salle (DLSU) para sa pagbubukas ng Pamantasan para sa face-to-face na klase.
Tinalakay ni Dr. Robert Roleda, kasalukuyang provost ng DLSU, sa unang bahagi ng programa ang pananaw ng Pamantasan sa face-to-face na klase. Ibinahagi niya na kaligtasan ng mga Lasalyano, kalidad ng edukasyon at serbisyo, at kabuuan ng komunidad ang tatlong salik na kanilang isinasaalang-alang bilang paghahanda para sa muling pagbubukas ng kampus.
Kaugnay nito, ipinabatid din ni Roleda na katuwang ng Pamantasan sa pagpaplano para sa new normal ang lahat ng sektor ng komunidad, kabilang ang grupo ng kaguruan, kawani, at mga estudyante. Binanggit din niya na bahagi ang USG sa mga komiteng tumutulong sa pagpapabuti ng edukasyon at kalagayan ng mga Lasalyano.
Bagong sistema ng ikalawang termino
Inaasahan naman ni Roleda na makapagsasagawa ang Pamantasan ng in-person na klase sa ika-sampung linggo ng ikalawang termino. Ngunit magsisilbi pa lamang itong pilot implementation ng HyFlex modality dulot ng kakulangan sa pananaliksik ukol dito. Paliwanag pa niya, boluntaryo lamang ito para sa mga propesor at estudyante.
Tinalakay naman ni Roleda na maaaring pumasok sa kampus ang mga estudyanteng nagnanais na magsagawa ng in-person na klase sa ilalim ng HyFlex modality. Magtatayo sila ng limang flex classrooms sa Manila Campus at isa sa Laguna Campus. Susundin pa rin ng mga natitirang estudyante ang online na set up sa kanilang mga bahay dahil hanggang 14 na estudyante lamang ang papayagang makibahagi sa ilalim nito.
Ipinaalam din ni Roleda na maglalaman ang flex classrooms ng mga mikropono, speaker, at camera. Mayroon ding power outlet ang bawat upuan upang mai-plug ng mga estudyante ang kanilang laptop habang nagkaklase.
Bukod pa rito, maaari nang pumasok sa kampus ang mga estudyanteng fully vaccinated at mayroong health insurance na sumasaklaw sa COVID-19. Paglalahad ni Roleda, bukas na ang mga ground floor ng Gokongwei Hall, Enrique Yuchengco Hall, at Br. Andrew Gonzalez Hall; ang DLSU Library; ang Perico’s Canteen; at ang Amphitheater. Kabilang din dito ang tig-iisang flex classroom sa Gokongwei Hall, Velasco Hall, Yuchengco Hall, St. La Salle Hall, St. Miguel Building, at Laguna Campus.
Mga plano para sa hinaharap
Inihayag din ni Roleda na bubuksan na ang Br. Connon Hall. Dagdag pa niya, maaari na ring maakses ang 3rd floor, 4th floor, at mga opisina ng USG at Council of Student Organizations sa loob ng naturang gusali ngayong linggo. Ngunit, nilinaw niya na mananatiling nakabukas pansamantala ang mga bintana nito dahil hindi pa natutugunan ng air conditioning ang air quality requirements. Inaasahang magiging sapat na ang air conditioning ng naturang gusali para sa air quality requirements sa Mayo 1.
Isinaad ni Roleda na bubuksan na rin ang Faculty Center na kasalukuyang nililinisan ang air conditioning at ang 2nd floor ng Henry Sy Sr. Hall para sa in-person transaction pagdating ng Hunyo o Hulyo. Sunod namang bubuksan ang mga opisina at departamento ng bawat kolehiyo.
Inilatag naman ni Roleda ang kanilang mga plano para sa summer term. Pagbabahagi niya, nais nilang maghandog ng hybrid, pure online, o predominantly face-to-face na klase bilang mga opsyon sa summer term. Aniya, magsisilbi itong pilot trimester para sa unang termino ng susunod na akademikong taon.
Pagtatapos ni Roleda, “We look forward actually to our students coming back to campus together with the faculty, holding classes, meeting up to do student activity, and for our two batches, the frosh and the sophomores, to finally meet up with your classmates, with your batchmates, in person.”
Tuntunin ng IATF
Pinamunuan ni Johann Conscolluela, director for education ng Office of the President, ang ikalawang bahagi ng programa para sa open forum.
Unang kinuwestiyon si Giorgina Escoto, DLSU USG president, ukol sa kaniyang unang impresyon sa #BalikEskuwela ng DLSU. Ayon sa kaniya, hindi siya sumang-ayon sa pagbabalik eskuwela noong nakaraang taon dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Ngunit naniniwala siyang maaari na itong isagawa ngayon dahil mas marami nang datos ang inilabas ukol sa pagpapabakuna.
Sunod namang inalam ng mga panelist ang opinyon ng mga tagapagsalita ukol sa pag-apruba ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa 100% capacity ng mga paaralan sa Maynila. Ipinunto ni Atty. Frederick Vida, alkalde ng munisipalidad ng Mendez-Nuñez, na kinakailangang makibagay sa sitwasyon at magtiwala sa isinagawang pagsusuri ng mga eksperto. “Tandaan lang natin, ‘yung main objective here is to bridge ‘yung learning gap sa ating mga estudyante,” ani Vida.
Para naman kay Dr. Benito Teehankee, Jose E. Cusia Professor ng Business Ethics, “The big picture is we really need to bounce back better from this pandemic, and so this CHED window gives us the opportunity to plan as a community on how to bounce back better.”
Pagpapabuti ng pamumuhay
Inilahad din ni Jed Lurzano, College of Science president, na mahalaga ang pagbabalik sa kampus dahil maaari nang gumawa ng laboratory work ang mga estudyante at makakuha ng kasanayang hindi natututuhan sa online laboratories. Sambit pa niya, nakatutulong sa kanilang pag-aaral ang face-to-face classes dahil dito nila mararanasan ang pagsasagawa ng aktuwal na eksperimento na hindi kayang tumbasan ng online laboratories.
Nang tanungin hinggil sa benepisyo at hamon sa pagbabalik ng face-to-face na klase, ibinahagi ni Teehankee na ang pagbabago sa pamumuhay ang pangunahing benepisyo nito. “I don’t think we should go back to the life we did before, I’m saying we should live better lives than we had before because this pandemic was caused by the excesses of humans,” paliwanag niya.
Inilantad naman ni Vida na kinakailangang maibsan ang takot at pangamba ng administrasyon, mga magulang, at mga estudyante.
Isiniwalat naman ni Roleda na gradwal ang pagbubukas ng kampus dahil kailangan pa nilang umakma sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa. Bukod pa rito, inanunsyo niyang bumubuo na sila ng user acceptance test sa iConcierge na magsisilbing bagong plataporma para sa mga kahilingan, at ilulunsad ito sa loob ng dalawang linggo.
Kalamangan ng face-to-face na klase
Tinanong naman ni Conscolluela ang mga salik na dulot ng online na klase na malulutasan ng face-to-face na klase. Ani Escoto, makatutulong ang face-to-face na klase sa mental na kalusugan ng mga estudyante dahil bihira na lamang silang makasalamuha ng ibang tao sa nakaraang dalawang taon. Bagamat may mga aplikasyon, tulad ng Zoom at MS Teams, inihayag niyang hindi pa rin nito napapalitan ang aktuwal na interaksyon sa ibang tao.
Ipinabatid ni Roleda na masosolusyonan din ang problema ng auto-drop. Paliwanag niya, may mga estudyanteng gumamit ng mga hindi opisyal na payment channel kaya sa pamamagitan nito, papahintulutan na ang direktang pagbayad sa DLSU sa pagbubukas ng mga cashier.
Para naman kay Dr. Ron Resurreccion, associate dean ng College of Liberal Arts, itinuturing ng maraming estudyante at kaguruan ang DLSU bilang isang santuwaryo o kanlungan. Saad niya, nasa developmental stage ang mga estudyante sa kolehiyo kaya nakukuha nila ang kaligayahan mula sa mga kapwa nila Lasalyano, at makatutulong ang pagbabalik sa DLSU para sa kanilang mental na kalusugan at kapakanan.
Ipinahayag naman ni Teehankee na patuloy ring nakararanas ng hamon pagdating sa mga communication channel dahil nakaapekto rin ito sa sistema ng interoffice. Aniya, “Let’s think together as a community what should our communication modes be so we get the work done but also strengthen the community.”