DINUNGISAN ng TNT Tropang Giga ang malinis na talaan ng Barangay Ginebra San Miguel, 88-67, matapos mamayagpag sa ikatlong paghaharap sa finals ng 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Disyembre 4, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center sa Pampanga.
Kumpletong dominasyon ang ipinamalas ng Tropang Giga para sa inaasam-asam na trono nang pangunahan ni Troy Rosario ang kaniyang koponan matapos magsalaksak ng 15 puntos, tatlong rebound, dalawang block, at 7-of-9 field goal shooting.
Nagpakitang-gilas din ang TNT scoring machine na si Roger Pogoy matapos makapaglista ng 18 puntos at anim na rebound. Sanib-puwersa namang inalalayan ng tambalang Jayson “The Blur” Castro at John Erram si Rosario nang magpakawala sila ng pinagsamang 27 puntos at 18 rebound.
Nagsilbi namang bangungot ang lakas na ipinamalas ng Barangay Ginebra matapos asintahin ng kanilang alas na si LA “Teniente” Tenorio ang bandera ng Tropang Giga sa first half. Tumikada ang bruiser ng Ginebra ng 19 na puntos at anim na assist para mapanipis ang kanilang agwat kontra sa kabilang kampo. Sinundan din nina Japeth Aguilar at Stanley Pringle ang kampanya ni Teniente matapos kumamada ng pinagsamang 26 na puntos at walong rebound.
Nakatulong sa pag-araro ng bentahe ng Tropang Giga ang nakahihinayang na errors ng kabilang kampo. Bunsod nito, nagkamit ng sumatotal na 23 turnover at 20 personal foul ang Ginebra, dahilan upang mapasakamay ng koponan ang kanilang upset loss sa naturang kontrapelo.
Tumambad ang kaabang-abang na serye nang selyuhan ng Gin King center na si Aguilar ang possession ng bola. Nagsimula ang banggaan ng dalawang pangkat nang magkamit si Rosario ng personal foul na nagresulta sa freethrow shots ni Aguilar, 0-2. Agad namang nagpasindak ng mga tirada si Pringle, 4-9, na sinundan ni Aguilar mula sa kanilang magkakasunod na dos at isang tres.
Matikas namang rumesbak ang Rosario-Ryan Reyes tandem nang kumubra sila ng sunod-sunod na hookshot, 8-9, bilang pagtatangkang itabla ang laban. Tinumbasan naman ito ng kabilang panig nang kumayod mula sa labas ng arko si Tenorio, 8-17, na nagbunsod sa 8-0 run ng Ginebra.
Bigong lumubog sa kumunoy ang talaan ng Tropang Giga matapos ang steal ni Pogoy na nagbunsod sa umaatikabong opensa ni Jay Washington, 11-17, mula sa kaniyang tira sa downtown. Gayunpaman, matuling inasinta ng tambalang Aguilar at Tenorio ang paghahabol ng katunggali, 23-18, mula sa loob at labas ng rainbow line.
Sinubukan namang tuldukan ni Castro ang sagupaan, 23-21, mula sa kaniyang mga layup sa huling limang minuto ng unang kwarter. Gayunpaman, kumamada ng sandata ang Ginebra sa katauhan ni Tenorio, 26-21, mula sa kaniyang tres na nagpatahimik sa bawat imik ng kabilang panig.
Pinaigting naman ng dalawang magkatunggali ang kani-kanilang depensa nang kapwa magmintis ang kanilang mga tira sa ikalawang yugto ng bakbakan. Matapos ang isang minutong katahimikan, malakuryenteng gumulantang sa katunggali ang 3-point jumper ni TNT mainstay Pogoy na sinundan ng kaniyang driving layup, 26-all.
Nagsilbing motibasyon para sa Tropang Giga ang momentum ni Pogoy matapos paralisahin ni Erram ang galawan ng kalaban, 26-32, mula sa loob. Binasag naman ni Pringle ang anim na minutong katahimikan ng Ginebra matapos niyang ipukol ang dalawang freethrow, 28-32. Sa kabila nito, nagkamit muli ng mga turnover at bad passing ang dalawang koponan sa huling apat na minuto ng tapatan.
Umarangkada naman si TNT man Encisco matapos tumikada ng limang puntos mula sa loob at labas ng shaded area, 28-37, sa huling tatlong minuto ng bakbakan. Sa kabila ng kanilang agresibong laro, sinubukang tumbasan ng young gun ng Ginebra na si Aljon Mariano ang talaan ng Tropang Giga, 34-39. Sanib-puwersa namang bumalikwas ang mga ka-Tropa, 34-44, mula sa kanilang pangwakas na layup at jump shot.
Nagliyab pa rin ang mga kamay ng Tropang Giga sa pagsisimula ng ikatlong yugto mula sa and-one play ni Rosario at layup ni Pogoy, dahilan upang umangat ang kanilang kalamangan, 49-34. Sandali namang napigilan ni Pogoy ang paghabol ng Gin Kings nang makakuha siya ng dalawang puntos sa loob, 51-42, lamang ang Tropang Giga.
Bumawi ang Tropang Giga sa mga huling minuto ng yugto nang magpakawala sila ng 10-2 run, siyam na puntos mula sa three-point line. Natapos ang ikatlong yugto pabor sa agresibong Tropang Giga, 66-56.
Mabilis na nakakuha ng puntos ang parehong koponan mula kay Castro ng Tropang Giga at Jared Dillinger ng Gin Kings sa pagsisimula ng ikaapat na yugto. Nakakuha naman ng isang mini-run ang Tropang Giga mula sa mga two-pointer nina Castro at Rosario, dahilan para tumaas sa 14 na puntos ang kalamangan, 72-58.
Bumawi naman si Thompson nang makakuha siya ng and-one foul, 72-61, lamang ang Tropang Giga. Dito na tuluyang lumayo ang Tropang Giga nang magpakawala sila ng 8-0 run mula sa mga tres nina Washington at Simon Enciso na nagbunsod ng paglobo ng kalamangan sa 19 na puntos, 80-61.
Bigong makaahon sa kalbaryo ang Gin Kings mula sa kanilang scoring drought at tuluyan na nilang isinuko ang laro, ilang minuto na lamang ang natitira sa yugto. Tinuldukan ni Enciso ang pagtutuos sa kaniyang huling three-pointer upang lumobo sa 22 puntos ang kalamangan ng Tropang Giga, 88-66, na pinakamalaking kalamangan sa buong laro. Natapos ang laro mula sa 1/2 freethrows ni ka-Barangay Art Dela Cruz, 88-67.
Nagsilbing motibasyon para sa player of the game na si Rosario ang kanilang sunod-sunod na pagkatalo kontra Ginebra para maangkin ang Game 3 ng finals. Aminado rin siyang nagkulang ang puwersa ng kaniyang koponan sa mga nakalipas na laban. “Ayaw naming ma-down ng 0-3 kaya sobrang importante ng laban namin ngayon,” ani Rosario sa kaniyang panayam matapos ang sagupaan.
Pinaghandaan naman ni Tropang Giga Coach Ferdinand Ravena ang mainit na momentum ng Ginebra matapos nilang pakawalan ang nasayang na 15 puntos na kalamangan sa nakaraang pagtutuos sa finals. Iginiit din niyang walang ginawang adjustment ang kanilang koponan dahil malaki naman ang kanilang nakuhang bentahe sa ikaapat na kwarter.
“Masaya lang kami kasi we stuck to our rules and mananalo kami if we just stick to our rules kasi importante ito para sa’min ngayon eh,” pagwawakas ng head coach sa kaniyang post-game interview.
Susubukang makuha ng Tropang Giga ang ikalawang sunod na panalo upang maitabla ang Finals sa 2-2 kontra Gin Kings. Balak namang bumawi ng Ginebra mula sa kanilang pagkatalo upang makuha ang 3-1 lead na magbibigay sa kanila ng mas malaking tsansa sa pagkuha ng kampeonato. Maglalaban muli ang parehong koponan sa Game 4 ng kanilang best-of-seven finals series sa darating na linggo, Disyembre 6, sa ganap na ika-6 ng gabi.