ISINAPORMAL sa ikawalong sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang paghirang sa opisyales ng Laguna Campus Student Government (LCSG) at pagtakda ng floor na kabibilangan ng mga bagong halal na mga batch legislator, Marso 25.
Tinalakay rin ang pagsasagawa ng Legislator’s Exam sa darating na Abril para sa mga bagong batch legislator at sa pagsasagawa ng mga resolusyon para sa mga bakanteng posisyon sa University Student Government (USG).
Pagsisimula ng termino ng mga bagong opisyal
Nagsimula ang sesyon sa pag-apruba ng minutes ng mga nagdaang sesyon noong nakaraang termino sa pangunguna nina Raphaela Tan, 75th ENG, Tracy Perez, FOCUS2020, at Sen Lecitona, FAST2019. Subalit, tanging ang mga minutes lamang mula sa ikaapat at ikaanim na sesyon ang naaprubahan dahil sa mga rebisyon at kakulangang nakita mula sa minutes ng ikalawa, ikatlo, ikalima, ikapito, at unang espesyal na sesyon ng LA.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Aeneas Hernandez, EXCEL2022 at Minority Floor Leader, na marapat lamang na mas pagbutihin ng mga batch legislator ang kanilang trabaho. “The minutes [of the meeting] highly reflects on the performance of the LA since three tables is quite a lot of minutes. So I hope this is a call for us to be better in what we do,” saad niya.
Sumunod namang inilahad ni Hernandez ang panukala ukol sa paghirang kay Elle Aspilla, officer-in-charge campus president ng LCSG. Pagsasaad ni Aspilla, layon niyang pagtuunang-pansin ang pagbubukas muli ng Laguna campus at pagbabalik ng X sections bilang paghahanda sa face-to-face na klase.
Dagdag pa rito, plano rin niyang maglunsad ng mga proyekto na makatutulong sa pagbabayad ng matrikula at pagpapagaan ng suliranin sa online na klase ng mga estudyante. Ipinasa ang resolusyon sa botong 21 for, 0 against, at 0 abstain.
Nailuklok din bilang Campus Secretary si Angel Lopez matapos maipasa ang resolusyon sa botong 22-0-0. Aniya, priyoridad niya ang pagsasagawa ng leadership training para sa mga opisyales ng LCSG, pagpapabuti ng sistema sa pagpapakalat ng impormasyon, at pagsasaayos ng mga serbisyong pangmag-aaral.
Itinalaga naman sina Cynric Ercrisel Mercado bilang campus legislator, Justine Major bilang College of Computer Studies Representative, at Zeth Pinuela bilang campus treasurer ng LCSG. Nakatanggap ang resolusyon ukol sa pagkakaluklok ni Mercado ng botong 22-0-0, samantalang nakatanggap ng botong 21-0-0 ang resolusyon para kina Major at Pinuela.
Paalala para sa mga bagong hirang
Binigyang-pansin naman sa ikalawang bahagi ng sesyon ang pagtatakda ng floor assignment ng mga bagong hirang na mga batch legislator. Binigyang-kalayaan ni Francis Loja, chief legislator, ang mga opisyal na mamili ng pangkat na nais nilang mapabilang.
Pinili nina Janella Lim ng FAST2021, Sebastian Diaz ng CATCH2T25, Raphael Hari-Ong ng BLAZE2024, Alijaeh Go ng 76TH ENG, at Mikee Gadiana ng EXCEL2024 na mapabilang sa Majority Floor. Samantala, napagdesisyunan naman nina Ren Orong ng FOCUS2021 at Chloe Almazan ng EDGE2021 na mapabilang sa Minority Floor.
Ipinarating din ni Loja na malalaman pa sa susunod na sesyon ang pangkat na kabibilangan ni Mercado dahil sa kaniyang pagliban sa pagpupulong. Dagdag pa rito, isasagawa rin ang Legislator’s Exam sa darating na Abril 9. Aniya, hindi pa pinal ang desisyon ukol sa paraan ng pagsusulit at sa mga katanungang gagamitin dahil kinakailangan pa nilang sumangguni sa LA Inner Circle.
“It’s been months since we last held our regular session. And this was highly because of unforeseen factors that happened during the past few months given the recent surge of COVID-19 cases and academic requirements that [were] put on hold because of the suspensions that [happened],” paglalahad niya sa huling bahagi ng sesyon.
Kaugnay nito, binanggit niya na marapat sundin ng mga legislator bilang gabay ang ipinasang resolusyon ukol sa pagluklok ng mga opisyal sa mga bakanteng posisyon. Maaari lamang itong isagawa sakaling bakante pa rin ang posisyon sa USG kahit natapos na ang pagsasagawa ng Special Elections.
Samantala, ipinaabot naman ni Hernandez ang kaniyang taos-pusong pasasalamat kina Pau Carandang ng LCSG, Celina Vidal ng FOCUS2018, at Vhino Ramos ng CATCH2T22. Pagbabahagi niya, “Thank you for being with me throughout my whole LA stay and thank you for being very productive members of the minority.” Pagtatapos pa ni Loja, “They have been very notable batch and campus legislators. I’m also looking forward to your work after your work here in the USG.”