IPINALASAP ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang pait ng unang talo ng University of East (UE) Red Warriors sa kanilang unang paghaharap, 71-66, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Basketball Tournament, Marso 26, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay.
Bumida ang Taft mainstays Schonny Winston at Justine Baltazar matapos magsilbing mga susi sa tagumpay ng DLSU sa unang laro nito sa UAAP Season 84. Hinirang na player of the game ang DLSU forward at rookie Winston matapos makapagtala ng 22 puntos, anim na rebounds, at tatlong steals. Naging kasangga ng dekalibreng atleta ang kaniyang kapitan na si Baltazar nang makalikom ng 12 puntos.
Sa kabilang banda, nagpamalas din ng nag-aalab na laro ang Red Warriors na sina Nicholas Paranada at Kris Pagsanjan matapos magtala ng pinagsamang 26 na puntos. Nag-ambag din sa talaan si Leon Lorenzara na pumukol ng 11 puntos.
Maagang nagpasiklab ang Green Archers sa unang yugto ng laro nang magpakitang-gilas ang sentro ng koponan na sina Bright Nwankwo at Baltazar, 6-3. Hindi naman nagpatinag ang UE Red Warriors nang mag-init ang mga kamay ni Abdul Sawat upang paliitin ang abante ng katunggali, 6-8. Agad ring nagpakitang-gilas si Winston sa kaniyang unang pagsabak sa UAAP nang makalikom ng back-to-back na iskor, 11-8. Sinubukan namang patumbahin ni UE Red Warrior Onzo Lorenzana ang matayog na depensa nina Nwankwo at Baltazar ngunit nabigo siya rito.
Pumukol naman sa three-point line si UE Red Warrior Nicholas Paranada upang paliitin ang kalamangan ng Green Archers, 17-13. Napanatili rin ng tambalang Nwankwo at Baltazar na paingayin ang kanilang kampanya matapos patumbahin ang nag-iinit na depensa ng mga naka-pula, 20-15. Sa pagtatapos ng unang yugto, napako sa iskor na 22-15 ang talaan, pabor sa Green Archers.
Naging mainit at maaksyon naman ang pagbubukas ng ikalawang yugto ng laro nang magliyab ang mga daliri ni DLSU Green Archer Benjamin Philips, 24-15. Gayunpaman, naging sunod-sunod ang paglikom ng iskor ng Recto mainstays nang bumulusok ang nagbabagang tres ni Kyle Paranada na agad namang sinundan ng malakas na opensa ni Kris Pagsanjan. Hindi naman hinayaan ni Philips na ibaba ang kaniyang kompiyansa kaya agad siyang nagpasiklab ng magkakasunod na puntos, 28-20.
Umarangkada naman ang bagong salta ng Green Archers Evan Nelle nang pumukol ng dalawang magkakasunod na puntos nang pangunahan ang sampung kalamangan ng DLSU, 35-25. Kapansin-pansin din ang Winston-Baltazar tandem sa buong serye ng ikalawang yugto na nagpahirap sa depensa ng Red Warriors, 41-26. Makatawag-pansin din ang naging hand-off pass ni Nelle kay Cyrus Austria sa nalalapit na pagwawakas ng ikalawang yugto, 45-29. Kaugnay nito, tuluyang natapos ang 1st half ng laro, pabor muli sa mga naka-berde.
Sa pagpasok ng ikatlong yugto, nagpakawala ng tres ang Red Warriors at naibaba ang kalamangan ng DLSU sa 12. Sinubukang bumawi ng Green Archers sa pangunguna nina Winston at Baltazar ngunit tuluyang bumaba ang kanilang kalamangan sa siyam. Inulan ng turnovers ang Green Archers at tila nahirapan sa mas pinaigting na depensa ng Red Warriors. Gayunpaman, natapos ang ikatlong yugto sa iskor na 60-49, pabor pa rin sa Green Archers.
Namayagpag muli sa depensa ng DLSU ang combo ng magkapatid na Benjamin at Michael Philips. Sa kabila nito, agad na kumana ng mga tres na tirada ang Red Warriors at lumiit ang kalamangan ng Green Archers sa lima. Sa pagsapit ng 2-minute mark ng torneo, muling nagliyab ang opensa ng Green Archers sa pangunguna ng floater ni Nelle at tres ni Winston. Hindi na muling nakabawi ang Red Warriors sa huling yugto ng laban at nagtapos ito sa iskor na 71-66.
Puno ng saya ang naramdaman ng DLSU Green Archers sa kanilang unang panalo. “I was really excited to play this game, the UAAP and just a new country. My team and I we’ve been training for more couple of months ago,” pagbabahagi ng player of the game Winston sa kaniyang postgame interview.
Matapos magpasiklab at makapagtala ng unang panalo sa pagbubukas ng UAAP Season 84, aalagwa muli ang DLSU Green Archers kontra National University Bulldogs sa Martes, Marso 29, sa ganap na ika-4 ng hapon.