Pagsusumikap para sa muling pagkaripas: Pagkilala sa danas ng DLSU Tracksters sa birtuwal na pagsasanay


Likha ni Kyla Marie Wu | Mga larawan mula sa clipartmax, pngwing, pngitem, DLSU Tracksters, at kay Princess Desepeda

NANANATILING MABAKO ang tinatahak na landas ng De La Salle University (DLSU) Tracksters sa kanilang pag-eensayo bunsod ng mga restriksyon ng pandemya. Buhat nito, nagsasanay na lamang ang mga estudyanteng atleta sa birtuwal na espasyo, habang hinihintay ang panahong makasasabak muli sa entablado ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Kaakibat nito, masigasig na pinaghahandaan nina Princess Daniella Desepera, kapitan ng Lady Tracksters at Francis Obiena, kapitan ng Green Tracksters, ang kanilang muling pagsabak sa entablado ng UAAP. Katuwang din ng mga kapitan ng koponan ang mga rookie player na sina Vito Carpena, Abcd Agamanos, at Bernalyn Bejoy. 

Bagong plataporma sa paghahanda

Bunsod ng pandemya, napilitang mag-ensayo ang DLSU Tracksters sa Zoom, mula sa nakasanayang track oval. Sa aplikasyong ito, tatlong beses sa loob ng isang linggo na tumatagal ng isa at kalahating oras nagsasanay ang mga atletang Lasalyano. 

Bukod pa rito, mayroon ding kaniya-kaniyang programa sa pagsasanay ang bawat DLSU Trackster na dumedepende sa nilalahukan nilang sport event. “Kailangan namin siya [ang mga programa sa ensayo] i-divide sa tatlo: Coach Jo para sa runners, Coach Edward para sa jumpers, at Coach Ross para sa throwers,” pagbabahagi ni Desepera sa Ang Pahayagang Plaridel (APP)

Ayon naman kay Agamanos, nagsisilbing paghahanda para sa transisyon patungo sa face-to-face trainings ang mga karagdagang workout na ipinagagawa sa kanila. Bagamat sa bahay lamang isinasagawa ang kasalukuyang pag-eensayo, naniniwala ang estudyanteng atleta na kailangang punan ng dikdikang paghahanda ang mga natitirang buwan bago muling mag-ensayo ang DLSU Tracksters sa Pamantasan. 

Sa kabila ng mga restriksyon sa pag-eensayo online, kaagapay ng DLSU Tracksters ang kanilang mga pamilya upang maka-ipon sila ng lakas ng loob at motibasyong magpatuloy na mangarap na magtagumpay sa mga sinasalihang torneo. “lsa na rin sa naging inspirasyon ko ang aking pamilya at mga mahal sa buhay since sila po ang dahilan kung bakit kailangan ko ipursigi ang pagiging atleta,” pagdidiin ni Bejoy.

Buhay atleta sa pandemya

Bago maantala ang UAAP Season 82 noong 2020, hinirang na bagong kapitan ng Green Tracksters si Obiena. Bunsod nito, naabutan at kinaharap niya ang transisyon mula sa harapang pag-eensayo patungo sa birtuwal na espasyo. Bilang kapitan, itinuturing niyang pamilya ang Green Tracksters ngunit nahihirapan siyang gabayan ang kaniyang teammates ngayong online set up. “Alam mo ‘yung pinagdadaanan nila, you can support them in training. . . But now sa hirap nga ng online, maraming nade-demoralize sa team and I can’t always be there to support them,” wika ni Obiena sa APP.

Ibinahagi rin ni Desepera na isa sa mga malaking balakid na kinahaharap ng mga atleta sa birtuwal na ensayo ang kakulangan nila sa kagamitan upang maisagawa ang mga drill at workout sa kani-kanilang tirahan. “Sobrang hirap—ako kasi jumper ako, saan ako tatalon? Wala akong pit. . . ‘Yung mismong event mo ‘di mo ma-train nang maayos kasi wala kang equipment,” pagsasaad niya. 

Sa kabilang banda, nag-aalinlangan naman ang rookie na si Carpena sa kaniyang posisyon sa koponan at sa larong track and field. Salungat sa ilan niyang teammate na naglalaro na mula elementarya, nagsimula lamang sumabak ang rookie player sa larangan ng track and field ngayong nakatungtong siya sa kolehiyo. Gayunpaman, ginagabayan naman ni Obiena si Carpena upang matutunan ang kategoryang decathlon sa track and field. 

Kompiyansa sa muling pagsabak

Patuloy na ipinamamalas ng DLSU Tracksters ang kanilang kahanga-hangang determinasyon at pagpupursigi sa pagsasanay sa kabila ng dalawang taong pagkansela ng UAAP. Kaugnay nito, naniniwala sina Desepera at Obiena na kaya nilang masungkit muli ang kampeonato sa naturang paligsahan. 

Bukod pa rito, naniniwala si Desepera na may potensyal ang mga rookie ng Lady Tracksters na magpunyagi sa track and field tournaments ng UAAP. “Ang mga players namin ay hindi basta-basta [dahil] makikita mo sila sa national team. . . Sa nakikita ko ngayon, magtiya-champion talaga kami,” pagdidiin ng atleta. 

Hindi man nalubos ng ibang atleta ang kanilang playing years sa nasabing torneo, labis ang pag-eensayo at tiwala sa sarili ng DLSU Tracksters na mapagtatagumpayan nila ang kanilang karera sa susunod na Season ng UAAP. Nananatili ring malaking hamon para sa koponan ang pagtamo ng tamang kondisyon dulot ng mga pagbabago sa estilo ng mga pagsasanay. Gayunpaman, buong tapang na sinusuong ng mga atleta ang mga pagsubok at umaasa silang muling makatapak sa oval ng UAAP.