BIGONG MAPAWI ang liyab ng determinasyon ng De La Salle University (DLSU) Green Batters team captain Anton Rosas at pitcher Joshua Pineda sa kabila ng temporaryong paglaho ng nagbibigay-liwanag sa karera ng mga estudyanteng atleta—ang pagkakaroon ng pisikal na pag-eensayo kasama ang buong koponan.
Kaya naman, kahit bako-bako ang daan na kanilang tinatahak ngayong panahon ng pandemya, kagaya sa isang aktuwal na baseball match, patuloy na nangangarap ang Green Batters na mabigyan muli sila ng pagkakataon na makapukol ng “home run” sa kani-kanilang karera sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Karanasan sa birtuwal na pagsasanay
Bunga ng mga restriksyon ng pandemya, napilitan ang Green Batters na mag-ensayo mula sa nakasanayang face-to-face patungong birtuwal na pagsasanay sa pamamagitan ng Zoom. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Rosas, inihayag niya ang kanilang pagsubok sa pag-eensayo online. “Medyo nahirapan kami kasi ‘yung mga ginagawa namin sa Zoom parang hindi siya pang-baseball talaga na training, para lang siyang conditioning na wala talagang connection sa baseball,” wika niya.
Ibinahagi rin ni Pineda sa APP ang pangungulila niya sa pagkakaroon ng pisikal na interaksyon sa coaching staff ng Green Batters tuwing oras ng ensayo. “Noong nasa field kami, natututukan kami ng mga coach namin. . . Ngayon, sarili mo lang talaga ‘yung [natututukan] mo kasi kung dati, may mali ka man, naitatama nila kasi naka-supervise sila sa inyo,” paliwanag ng pitcher ng Green Batters.
Bukod pa rito, bilang atleta ng isang team sport, mistulang kalbaryo rin para kay Pineda ang pag-eensayo ng Green Batters nang magkakahiwalay. Aniya, hindi nakakapag-ensayo nang mabuti ang koponan sa birtuwal na espasyo dahil may mga espesipikong training program na nagagawa lamang nila nang sama-sama sa baseball field.
Gayunpaman, sa kabila ng kanilang mga pagsubok, patuloy pa ring pinapangarap at sinosolusyonan ng Green Batters ang kanilang suliranin sa pagkakaisa at komunikasyon dulot ng mga limitasyong hatid ng birtuwal na pag-eensayo. Ayon kay Rosas, nakipag-ugnayan umano ang mga tagapamahala ng Green Batters sa DLSU Office of Sports Development upang magkaroon sila ng team building sessions para mas makilala ang mga rookie player ng koponan.
Maliban dito, pinahahalagahan din ng lahat ng kasapi ng Green Batters ang kanilang kalusugan bilang mag-aaral at atleta. “Pina-prioritize talaga namin ‘yung sarili naming [mental at pisikal na kalusugan]. So in a way, talagang kailangang pino-focus ni coach ‘yung pag-aalaga sa amin as players sa iba’t ibang [aspekto],” ani Rosas.
Bilang karagdagan, patuloy naman ang pagsusumikap ng Green Batters sa ensayo sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kinahaharap. “Hindi namin hinahayaang magkaroon kami ng dahilan upang mawala ang motibasyon upang lumaban. Sa kabila ng pandemya, mahalaga pa rin ang siguraduhing bawat miyembro ng koponan ay malakas, hindi lamang ang [pangangatawan] kundi pati na rin ang kaisipan,” sambit ni Pineda.
Pagsulong mula sa mga hamon
Ipinagmalaki naman ni Rosas ang natatanging husay, talento, at pagkakakilanlan ng bawat miyembro ng kanilang koponan—isa umano ito sa mga kalakasan ng Green Batters upang sikapin na unawain ang kalagayan ng isa’t isa at mapaigting ang kanilang samahan. Pagbabahagi niya, kapansin-pansin ang diversity o pagkakaiba ng mga miyembro ng Green Batters sa kanilang kakayahan at pinagmulan, kompara sa ibang pamantasan na kabilang sa UAAP.
Bukod sa kanilang pagsusumikap na kilalanin ang bawat miyembro ng Green Batters, nagsisilbing inspirasyon naman nina Rosas at Pineda ang kanilang mga tagahanga at pamayanang Lasalyano upang paigtingin ang kanilang talento sa paglalaro ng baseball. Kaugnay nito, ipinangako ni Rosas na hindi mawawala ang motibasyon ng Green Batters na mag-ensayo para sa pagbabalik ng mga baseball game sa UAAP. “Magbibigay pa rin kami ng 100% namin kada training kahit hindi naman sa field—dito lang sa Zoom. Magtiwala lang sa amin na ibibigay talaga namin ‘yung 100% namin kada training, kada laro,” giit ng kapitan ng Green Batters.
Iba’t iba man ang naging danas ng bawat Green Batter sa kinahaharap na krisis na dulot ng pandemya, kapit-bisig naman nila itong nilulutasan sa pamamagitan ng kanilang sikap at katatagan bilang mga estudyanteng atleta. Buhat nito, bitbit pa rin ng mga atletang Lasalyano ang kanilang mithiing magtagumpay sa susunod na Season ng UAAP. Kaya naman, nagsusumikap silang mag-ensayo upang mahasa ang kani-kanilang talento kahit sa paraang hindi nakasanayan.