Mahigit dalawang taon nang huminto ang nakasanayang face-to-face trainings ng mga estudyanteng atleta na sumasalang sa entablado ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Kabilang din sa mga naapektuhan ng pandemya ang pag-eensayo ng mga manlalaro ng De La Salle University (DLSU) Asian Baby Boys (ABB) at Viridis Arcus (VA) na lumalahok sa Esports tournaments, tulad ng University Alliance Cup. Bagamat pinayagan na kamakailan ang mga koponang Lasalyano na bumalik sa nakasanayang pag-eensayo, limitado lamang ito para sa mga atleta ng men’s basketball at women’s volleyball.
Noong wala pang pandemya sa Pilipinas, sinisiguro ng mga miyembro ng koponan na nakapag-eensayo sila nang harapan upang agad na matugunan ang mga pagkukulang at maintindihan nang malaliman ang pagkakaiba-iba ng bawat isa, lalo na sa kaniya-kaniyang indibidwal na estilo ng paglalaro. Kaakibat nito, mahalaga para sa mga atleta at manlalaro ng team sport ang ipinatutupad na face-to-face trainings ng coaching staff upang agad na maunawaan at masolusyonan ang mga suliranin sa paglalaro.
Gayunpaman, maliban sa mga atletang Lasalyano na kalahok sa UAAP men’s basketball at women’s volleyball, nananatili pa ring pagsubok para sa mga natitirang pangkolehiyong koponan ng DLSU ang paghasa ng pagkakaisa ng bawat miyembro. Dulot ng mga limitasyon sa birtuwal na ensayo, napayayabong lamang ng mga atleta at manlalaro ang kanilang mga indibidwal na kasanayan—masaklap ito para sa mga koponan dahil mayroong nagreretirong senior players kada taon na pinapalitan ng mga rookie na hindi pa nila nakasasalamuha nang personal.
Bagamat nakararanas ng mga hamon at pagsubok, hindi nagpatinag at patuloy pa ring umuukit ng kasaysayan ang mga atleta at manlalarong Lasalyano sa larangan ng pampalakasan. Gaya ng DLSU Poomsae team na hinirang na kampeon bago tuluyang maudlot ang UAAP Season 82 at mga natamong parangal ng DLSU ABB at VA sa mga torneong pinamamahalaan ng AcadArena sa loob at labas ng bansa.
Kaya naman, sa mga nabanggit, naniniwala ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) na may kakayahang makipagsabayan at magpunyagi ang lahat ng mga atleta at manlalarong Lasalyano pagdating sa mga lokal at internasyonal na torneo; sa pangkolehiyong liga man o pampropesyonal. Patunay ang mga nakuhang parangal ng mga koponan—sa kabila ng kinahaharap na pagsubok—na hindi sukatan ang katanyagan ng nilalarong isport upang magtagumpay sa tinatahak na karera.
Maliban sa basketball at volleyball, naninindigan ang APP na karapat-dapat na mabigyang-pugay ng pamayanang Lasalyano at ng mamamayang Pilipino ang sikap at tagumpay ng bawat manlalaro ng Esports, gayundin ang iba pang mga pangkolehiyong koponan sa pampisikal na isport. May mga balakid man sa daan, hindi hinayaan ng mga miyembro ng koponang Lasalyano na mabigo silang makaalpas sa bawat tilamsik ng hamon, habang bitbit ang pag-asang masusulyapan ang alaya ng kanilang karera.