Sa panahong gipit, saan kakapit?


Sistematiko. Hindi na bago ang korapsyon para sa Pilipinas at sa buong mundo. Isa itong napakatagal nang sakit na humahadlang sa lipunan tungo sa progreso. Kasalukuyang nasa ika-113 ranggo mula sa 180 bansa ang Pilipinas sa 2019 Corruption Index ng Transparency International. Patunay itong kahit ilan na ang nagdaang administrasyon, hindi mabali-bali ang buwelta ng katiwalian sa bansa. Tila isang dagok sa mga mamamayang umaasa ang bawat pangakong pagbabagong patuloy lamang na napapako.  

Hindi lamang sa pagkuha sa kaban ng sambayanan maaaring magnakaw ang mga tiwaling opisyal ng bansa. Makapagnanakaw din sila gamit ang kanilang kadalubhasaan sa pagkuha ng tiwala ng kanilang mga biktima. Marahil ang pinakamalapit na halimbawa na rito ang nakalimutan nang sistematikong panlilinlang at pagnanakaw ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) sa mga miyembro nito. 

Nagbihis ang katiwalian ng Philhealth sa iba’t ibang paraan katulad ng labis na paniningil, up-casing, at panlilinlang magmula pa noong 2012. Nadiskubreng nagkaroon ang ahensya ng Php114 na milyong diverted premium payments noong 2011, at Php2 bilyong kita mula sa hindi kinakailangang operasyon sa mga mata noong 2014. Kaduda-duda rin umanong mayroon ang ahensya ng mahigit 500,000 miyembrong may edad na 100 hanggang 121. 

Kasalukuyang nasa imbestigasyon ang Philhealth matapos mapag-alamang mahigit Php150 bilyon ang kinita nito mula sa all case rates, kidney dialysis treatment claims mula sa mga patay na pasyente noong taong 2016 hanggang 2018, labis na pagpepresyo sa kagamitan, rebates, at gawa-gawang pasyente. Kumita rin umano ang Philhealth mula sa Interim Reimbursement Mechanism na nagbigay ng isang milyong piso sa ilang napili nilang ospital bilang tulong sa kasagsagan ng pandemya.

Nagkaroon din ng maraming kaso ng palsipikadong pagsusuri ng pneumonia ang ahensya. Batay sa isinagawang pag-aaral ng Department of Health, “PhilHealth’s increasing payments for pneumonia from 2010 to 2018 have reached epidemic proportions when there was no outbreak of pneumonia declared.” 

Isang sakit ang korapsyon at matatagpuan ang lunas nito mula sa ating mga sarili. Hindi kompetisyon ang buhay at hindi kailangang manlamang upang makamit ang pag-asenso. Nakapanghihinang malamang nanggaling pa ang mga gawang katiwaliang ito sa grupo ng mga propesyonal na minsan nang sumumpang pangalagaan ang kalusugan ng sambayanan. Para sa ilang doktor na nasa Philhealth, nakahihigit ba ang halaga ng salapi kaysa integridad at sinumpaang tungkulin? 

Tumitindig ako na kinakailangang panagutin ang mga tiwaling opisyal sapagkat nailuklok sila sa puwesto hindi lamang dahil sa kanilang kakayahan kundi dahil nagtiwala sa kanila ang sambayanan. Nananawagan ako sa pamahalaang Duterte na gawing priyoridad ang imbestigasyon sa Philhealth. Higit na kinakailangan ngayon ang tiwala ng mga Pilipino sa integridad ng sistemang pangkalusugan.