“Tara, SEX tayo.”
Sa aking buhay kolehiyo, isa ito sa mga katagang narinig ko. Sa kontekstong ito, isa lamang itong paanyaya mula sa isang kaibigang nagyayayang kumain sa Sinangag Express na tinatawag ding SEX kapag pinaikli, isang restawran malapit sa Pamantasang De La Salle. Gayunpaman, hindi rin naman maipagkakaila na karaniwang paanyaya rin para sa mga kabataan ang isa pang kahulugan ng salitang ito—marami ang nakikipagtalik sa murang edad.
Sa tumataas na bilang ng mga teenage pregnancy at pagdami ng kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa, higit na mahalaga sa kasalukuyan ang edukasyon tungkol sa ligtas na pakikipagtalik. Sabihin man ng iba na masosolusyunan naman ito sa pamamagitan ng abstinence o pag-iwas sa mga sekswal na gawain, isa na lamang itong ideyalistang pagtingin sa isyu ng premarital sex. Aminin man natin o hindi, hindi na makatotohanang solusyon ang abstinence at hindi na rin ito sinusunod ng karamihan.
Noong 2012, opisyal na isinabatas ang Reproductive Health Law (RH Law) sa Pilipinas matapos ang 13 taon nitong pagkabinbin sa Kongreso. Layon ng batas na itong bigyan ng libreng akses ang mga Pilipino sa contraceptives at ipatupad ang sex education sa bansa. Gayunpaman, dahil sa patuloy na pagpoprotesta ng mga relihiyosong grupo, pansamantalang ipinatigil ng Korte Suprema ang implementasyon nito noong 2013. Noong 2017, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order 12 na naghihimok sa mga ahensya ng gobyerno na muling ipatupad ang batas na ito, subalit sa kabila nito nahirapan pa ring manaig ang batas sa harap ng kritisismo ng mga relihiyoso at konserbatibo.
Para sa mga tradisyonal ang paniniwala, mahirap tanggapin ang realidad na marami nang kabataan ang lumalahok sa premarital sex. Masalimuot na buksan ang mga mata at makitang ibang-iba na ang mundong ginagalawan sa nakasanayan. Dulot ng pagbabago ng panahon at kultura, mas naging liberal at bukas na ang pananaw ng kasalukuyang henerasyon ukol sa pakikipagtalik. Para sa iba, hindi na ito sagrado, at sa halip, isang normal na pangangailangan ng isang tao.
Ano man ang iyong paniniwala, karapatan ng bawat isa na maging edukado at magkaroon ng mga opsyon ukol sa sariling kalusugan. Hindi dapat nadidiktahan ng simbahan o ng kung sinoman ang karapatan ng bawat isa na magdesisyon para sa sariling katawan. Hindi rin dapat nawawalan ng akses ang masa sa mga libreng programa ng gobyerno ukol sa reproductive health dahil sa ilang nagpoprotesta. Tawagin nang makasalanan, subalit hindi rin naman pananagutan ng mga tumutuligsa ang magiging anak ng mga hindi pa handang mabuntis. Pilit lamang nilang tinatanggalan ng opsyon ang mga tao, habang wala rin naman silang pakundangan sa kahihinatnan ng batang mabubuo sa sinapupunan.
Sa hindi maayos na pagpapatupad ng RH Law at pagharang sa pagiging edukado ng kabataan ukol sa usapin ng sex, hindi na tayo nakausad pasulong dahil lagi na lamang gusto ng ilan na bumalik sa mga nakasanayan. Sa patuloy na pagbubulag-bulagan sa realidad, lalo lamang nalulugmok ang mamamayang Pilipino sa kahirapan. Hanggang kailan pa ba mananatili ang ilang Pilipino sa idelohiyang matagal nang tapos? Hanggang kailan kaya mawawalan ang mga Pilipino ng oportunidad dahil lamang hindi sang-ayon dito ang iilan?