INILATAG ng mga kandidatong lumahok ang kanilang plataporma at posisyon sa maiinit na isyu sa bansa sa ginanap na CNN Philippines: The Filipino Votes Presidential Debates, Pebrero 27. Mula sa sampung kandidato para sa pagkapangulo, siyam lamang ang nakadalo matapos tumangging lumahok si Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Hindi nakadalo si Marcos Jr. dahil umano sa mahigpit na iskedyul ng pangangampanya at naunang planong pagbisita sa Pangasinan sa araw ng naturang debate. Gayunpaman, naglaan pa rin ang CNN Philippines ng bakanteng podium para kay Marcos Jr. Mistulang simbolo ito ng kaniyang desisyong hindi maglaan ng oras para ipaliwanag ang kaniyang plataporma sa taumbayan na sumasalamin sa kaniyang kredibilidad na pamunuan ang bansa.
Bukod sa paglalatag ng kanilang mga plano at plataporma, hinarap din ng mga dumalong kandidato ang mabibigat na katanungan hinggil sa mga isyu sa loob at labas ng bansa. Ilan sa mga isyung tinalakay ang problema ng katiwalian, diborsiyo, agrikultura, sistemang pangkalusugan sa gitna ng pandemya, same-sex marriage, presyo ng bilihin, trapiko, minimum wage, at utang ng bansa.
Bilang bahagi ng tungkulin ng susunod na pangulo ang pagiging commander-in-chief, sinipat din ang kaalaman at kahandaan ng mga kandidato sa mga pandaigdigang usapin, katulad ng nagaganap na giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia at ang isyu sa West Philippine Sea.
Pagtindig sa malinis na gobyerno
Sa pagsisimula ng diskusyon, matinding sinuri ang karanasan nina Ernesto Abella, Leody De Guzman, Isko Moreno-Domagoso, Norberto Gonzales, Panfilo Lacson, Faisal Mangondato, Jose Montemayor Jr., Manny Pacquiao, at Leni Robredo sa anomang uri ng korapsyon at ang kanilang plano upang wakasan ito. Kinondena ng lahat ng mga dumalong kandidato ang anomang uri ng korapsyon sakaling sila ang mailuklok sa Malacañang.
Ibinahagi nina Abella at Moreno ang kanilang mahigpit na pagtanggi nang may lumapit sa kanila para magbigay ng suhol. Paglalahad ni Moreno, naranasan niyang may mag-alok sa kaniya ng Php5 milyon araw-araw habang nanunungkulan bilang Alkalde ng Lungsod ng Maynila. Nanindigan naman si Ka Leody na walang nagaganap na korapsyon sa kanilang hanay, at tatanggihan at ipakukulong niya ang sinomang magtatangka na mag-alok sa kaniya ng anomang uri ng suhol.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Gonzales na bago alamin ang sanhi ng korapsyon, kinakailangang unawain kung may korapsyon sa sistema ng bansa o kung tuluyang ng naging sistema ang korapsyon sa bansa. Naniniwala siyang matutugunan lamang ang problemang ito sa pamamagitan ng matinding pag-aaral sa manipestasyon ng katiwalian sa bansa.
Sa matagal na panahong hindi nasosolusyonan ang naturang sakit sa gobyerno, binanggit ni Mangondato na “itong problema sa korapsyon ay hinding-hindi ito masosolusyonan hangga’t nandito pa rin tayo sa lumang sistema.” Dagdag pa niya, nag-uugat sa korapsyon ang mga isyung panlipunang patuloy na kinahaharap ng bansa, katulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho, at kakulangan ng pondo sa gobyerno. Kaugnay nito, iminumungkahi niyang magkaroon ng transisyon sa isang bagong sistema upang ganap nang mawakasan ang problema ng korapsyon.
Ayon naman kay Pacquiao, nararapat na hindi materialistic ang lider na maihahalal. Batay sa kaniyang karanasan at nasaksihan noong naglilingkod siya bilang kongresista, naniniwala siyang korapsyon ang kanser ng lipunan na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Naniniwala siyang kinakailangan na itong masolusyonan upang matamasa ng masa ang tunay na kaginhawaan.
Sa kabilang banda, ipinagmalaki naman ni Robredo na nakuha ng Office of the Vice President ang pinakamataas na marka ng Commision on Audit sa tatlong magkakasunod na taon. Isang patunay na sa kabila ng tuksong hatid ng iba’t ibang uri ng korapsyon, mayroon pa ring mga opisyal sa gobyerno na handa itong talikuran upang epektibong mapaglingkuran ang taumbayan. Sa huli, priyoridad ng walo sa siyam na kandidato na unahing imbestigahan, kung maihahalal, ang Bureau of Customs at Department of Health naman para kay Pacquiao na sangkot umano sa katiwalian.
Timbangan ng paninindigan
Nasubok ang paninindingan at prinsipyo ng mga kandidato nang suriin sa nangyaring harapan ang kanilang posisyon sa kasalukuyang isyung kinahaharap ng bansa, katulad ng malalang daloy ng trapiko.
Priyoridad nina Lacson, Pacquiao, at Robredo ang pagkakaroon ng mas komprehensibong sistema sa pagsasaayos ng daloy-trapiko sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa mga imprastraktura ng bansa. Binigyang-diin nina Lacson at Robredo na nakaangkla sa kanilang plano ang pagpapaunlad ng imprastraktura sa mga rural na lugar upang mapayabong ang kabuhayan ng mga mamamayang Pilipino.
“Roads in Philippine cities and municipalities will be better off if public transportation, bicycles, and pedestrians are given priority over public vehicles,” suhestyon ni Robredo. Iginiit naman ni Pacquiao na mahalaga ang patuloy na pagpapagawa ng karagdagang kalsada at skyway upang mapabuti ang daloy ng trapiko.
Ipinaliwanag naman ni Ka Leody at Pacquiao ang kanilang posisyon ukol sa nararapat na halaga ng minimum wage ng mga manggagawa sa bansa. Nanindigan si Ka Leody na mahalagang umabot sa Php750 ang sahod ng mga manggagawa sa bansa kada araw, habang Php700 hanggang Php800 naman ang kay Pacquiao. Bilang isang labor leader, marubdob na iginiit ni Ka Leody na susi ang pagtataas ng minumum wage upang mas sumigla ang merkado at mas lumago ang takbo ng ekonomiya.
Sa patuloy na pagpapalawig ni Ka Leody sa kaniyang posisyon, deretsahang kinuwestiyon ni Montemayor ang kaniyang posisyon kung maisasaalang-alang ba ng kaniyang naisip na solusyon ang mga employer at may-ari ng mga negosyo, sakaling taasan ang minimum wage sa bansa. Hindi maitatangging naramdaman ng lahat ang bigat ng pagbuwelta ni Ka Leody sa katanungang ito lalo na’t nananatiling masalimuot ang kalagayan ng mga manggagawang katulad niya.
“Huwag nating gawin na ‘yung ating mga manggagawa na maging miserable ang buhay, ‘wag nating purihin lang ang ating manggagawa na sila’y bayani tuwing Mayo Uno. Lagyan natin ng konkretong tulong ‘yung ating mga manggagawa nang sa gayo’y magkaroon [sila ng] dignidad,” panawagan ni Ka Leody.
Tugon sa pandaigdigang usapain
Tinalakay rin ang posisyon ng apat na kandidato hinggil sa umaatikabong giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine. Sinang-ayunan nina Abella, Moreno, at Ka Leody ang pahayag ni Secretary of Defense Delfin Lorenzana na manatiling neutral ang bansa ukol sa usaping ito, habang tumutol naman ang ibang kandidato dahil nanindigan silang nararapat na magkaroon ang bansa ng posisyon ukol dito.
“Article 1 ng UN [United Nations] Charter, signatory tayo, kapag may aggressor dapat may pakialam tayo. . . Hindi masama kung makisama tayo sa mga peace-loving nations para maging bahagi ang boses natin ng pagkondena kasi aggression talaga, invasion,” paliwanag ni Lacson.
Kaugnay nito, sinuri din ang kahandaan ng mga dumalong kandidato sakaling hindi maging matagumpay ang kanilang plano hinggil sa isyu sa West Philippine Sea. Para kay Moreno, mas palalakasin niya ang pwersa ng militar at ipagpapatuloy ang magandang relasyon sa mga bansang pumapanig sa Pilipinas. Taliwas naman ito sa paniniwala ni Gonzales sapagkat naniniwala siyang kinakailangan munang pagtibayin ang karakter at kalidad ng sambayanan bago makipag-ugnayan sa mga karatig na bansa. Nanindigan naman si Robredo na gagamitin niya ang konsepto ng “instruments of national power” sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga sumusunod: relasyon sa ibang bansa, national consensus, pwersa ng militar, at ekonomiya ng bansa.
Mahalagang pagkakataon ang mga debate upang mailatag sa masang Pilipino ang mga kanilang programa at plataporma hinggil sa mga umiiral na krisis pampulitika, pang-ekonomiya, at pandaigdigang relasyon. Sa ganitong pamamaraan, nagiging malinaw ang intensyon ng kandidato para sa bansa at sa mga mamamayang Pilipino.
Matapang at matalas dapat ang mga kandidato sa pagsagot sa mga ibinabatong katanungan sa kanila sapagkat isa itong paraan upang masukat ang kanilang kahusayan at karanasan sa pamumuno. Sinasalamin ng karuwagan sa pagsagot sa mga katanungan ng taumbayan ang kawalang-kakayahan, katamaran, at kasinungalingan. Sa darating na eleksyon, nararapat na pagdugtungin natin ang mga katanungang “para kanino ako bumoboto” at “sino ang aking iboboto,” sapagkat kapag humalik na ang tinta sa ating daliri, anim na taong kinabukasan na ang ating isinugal.