PATULOY ANG PAG-USBONG ng mga digital platform, kagaya ng Zoom at Canvas ngayong niyayakap ng mga guro ang bagong moda ng pagtuturo. Sa kabila nito, isang pagsubok ngayon ang pagsasagawa ng mga klase sa Physical Education (PE) sapagkat malaking bahagi ng mga asignaturang ito ang nangangailangan ng pisikal na interaksyon ng mga propesor at estudyante.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel, ibinahagi ni Ma. Socorro Gigi Cordova, tagapangulo ng Departamento ng PE ng Pamantasang De La Salle (DLSU), ang danas ng mga propesor ng PE tuwing nagtuturo online. Buhat nito, inihayag niyang patuloy pa ring isinusulong ng mga propesor ng DLSU ang mga klase sa PE sa kabila ng mga restriksyong dulot ng pandemya.
Bagong normal, bagong sistema
Itinuturing na skill-based at performance-based ang mga araling nakapaloob sa PE na nangangailangan ng sapat na interaksyon ng guro at estudyante. Sa kasalukuyan, nagsisilbing pangunahing problema para sa mga guro at estudyante ang pagkakaroon nila ng mabagal na koneksyon ng internet tuwing dadalo sa online na klase. Bukod pa rito, mas mahirap din para sa mga propesor ng PE na mapuna at maitama ang bawat galaw ng kanilang mga estudyante kompara noong may face-to-face classes pa. Wika ni Cordova, “kung tatanungin kami. . . Limitations ‘yung on the spot correction ng mga bata, on the spot correction ng kanilang performance [sa Zoom].”
Hamon din para sa mga propesor ang pagkakaroon nila ng maraming estudyanteng kailangan bantayan sa isang online na klase. “Kapag medyo marami na ‘yan [bilang ng mga estudyante] at medyo erratic ang internet niya o internet ni miss [ng propesor], mahirap na siya makita,” saad ni Cordova. Dagdag pa niya, isa rin sa mga hamong kinahaharap ng mga gurong Lasalyano ang pagkakaroon ng limitadong espasyo sa tahanan ng mga estudyante para sa mga performance-based na gawain sa PE.
Mahirap ngunit makabuluhan
Patuloy na nagsusumikap ang mga Lasalyanong propesor na maging maalam sa paggamit ng mga digital platform na Zoom at Canvas. Para kay Cordova, “very unique ang discipline ng PE. In terms of paano namin nalalaman if naisasagawa nila nang tama [ang galaw ng mga estudyante], mayroon kaming breakout [room sa Zoom], mayroon kaming groupings. . . Kung paano ito ginagawa noong face-to-face, ganoon lang din ngayong online. May leaders, may groupings, may breakouts.”
Bukod pa rito, napansin ni Cordova na mas itinuturing na benepisyo ng mga estudyante ang mga klase sa PE ngayong online kaysa noong face-to-face dahil nakatutulong umano ito sa kanilang pisikal at mental na kalusugan. Dagdag pa niya, “base na rin sa mga evaluation nila [ng mga estudyante]. . . mas na-value nila ‘yung benefits, ‘yung importansya ng galaw. It’s more on mental health din kasi, ‘di pwede paghiwalayin. Plus, kami yung ice breaker ng estudyante from the academe.”
Sa kabila ng mga problemang kinahaharap ng mga propesor, malaking benepisyo ang hatid ng paggamit ng Canvas sapagkat maaari nang aralin ng mga estudyante ang mga leksyong inihahanda ng mga propesor. Banggit ni Cordova, “ang mga lesson naka-module, ‘yung video, naka-embed na doon, pwede nila aralin ‘yun paulit-ulit.”
Maliban sa mga benepisyo ng Canvas, nagkakapit-bisig ang mga propesor upang matugunan ang mga problema ng mga estudyanteng Lasalyano sa pag-aaral ng PE. Nagtutulungan ang mga gurong Lasalyano para mapag-usapan ang kanilang mga konsern sa pagtuturo. Sa patuloy na paggabay ng mga propesor, mas napagagaan ang pagpapatupad ng mga birtuwal na klase para sa mga estudyanteng Lasalyano sa araling PE.
Bagamat may mga balakid, ipinagmamalaki ng departamento ng PE na maganda ang lahat ng ebalwasyon na natanggap ng kanilang opisina. Nahaharap man sa iba’t ibang pagsubok, patuloy namang natututong masanay ang bawat guro at estudyante ng PE sa birtuwal na mga klase. “Continuous ang adjustment ng bawat isa. We don’t stop. Maybe it’s the passion of the teachers, na kahit mahirap, kinakaya,” pagwawakas ni Cordova.