INAABANGAN ng pamayanang Lasalyano ang muling pagbabalik ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa Marso matapos maudlot nang halos dalawang taon dulot ng pandemya. Bunsod nito, puspusan ang paghahanda ng mga atleta at coaching staff ng mga koponang Lasalyano para sa gaganaping face-to-face trainings ng Season 84 ng torneo. Bagamat may banta pa rin ng COVID-19, sinisiguro ng Pamantasang De La Salle (DLSU) na ligtas na makababalik ang mga atleta sa pagsabak sa entablado ng UAAP.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Emmanuel Calanog, direktor ng DLSU Office of Sports Development at presidente ng UAAP Season 84, ibinahagi niya na nabigyan na ng Certificate of Compliance ang Pamantasan noong Disyembre 13, 2021 para sa pagbabalik-ensayo ng mga atletang Lasalyano. Buhat nito, papayagan na ang mga estudyanteng atleta na makapag-ensayo sa gymnasium ng Pamantasan.
Maingat na paghahanda
Ayon sa huling napagkasunduan, tanging mga isport na men’s basketball, women’s volleyball, at cheerdance pa lamang ang papayagang makasali sa UAAP. Gayunpaman, maaari pang magdagdag ang UAAP Board ng mga isport na maaaring makasali sa torneo sa pagkakataong tuluyan nang bababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa kabila nito, sisiguruhin naman ng coaching staff ng DLSU na magiging maingat sila sa pagpapatupad ng face-to-face trainings. Wika ni Calanog, tanging mga estudyanteng atleta at coaching staff lamang ng koponan ang papayagang makapasok sa training facility. Kaakibat nito, istriktong ipatutupad ng Pamantasan ang mga alituntuning pangkalusugan na itinalaga ng gobyerno, tulad ng social distancing at pagsusuot ng face mask.
Ibinahagi naman ni DLSU Green Archers Head Coach Derrick Pumaren sa APP na nahahati sa tatlong grupo ang mga atletang papasok sa Pamantasan: Metro Manila, Luzon, at Visayas at Mindanao. Bunsod nito, sasailalim ang mga estudyanteng atleta sa limang araw na quarantine at Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction test bago makapasok sa kani-kanilang dormitoryo at training facilities.
Pagsalubong sa mga balakid
Maliban sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, nagkaroon ng mga problemang logistik ang mga koponang Lasalyano bunsod ng mga estudyanteng atleta na kailangang umuwi sa kani-kanilang probinsya. “‘Yung requirement para tayo makapagpatakbo ng ensayong harapan, kailangang bubble training, so hindi sila pupuwedeng balikan sa [kanilang] bahay,” ani Calanog. Dagdag pa niya, “masuwerte tayo na meron tayong pasilidad na puwedeng tirhan ng ating mga manlalaro. Isa rin ‘yun sa mga balakid, dahil kakaunti iyon.”
Dahil sa mga panibagong alituntuning kailangang sundin, hindi maiiwasang magkaroon ng hindi kanais-nais na epekto ang bubble training, gaya ng epekto sa mental na kalusugan ng Green Archers. Ayon kay Pumaren, “‘pag medyo matagal na sa bubble, nagkakaroon ng problema ang mental health [ng mga estudyanteng manlalaro]. Nagkakaroon [sila] ng inip, homesick[ness]. . . at the same time, mas lalong mahirap sa coaches dahil ang mga coaches are heads of families.”
Gayunpaman, sinisiguro ng coaching staff ng Green Archers na maiibsan ang pangungulila ng mga atleta. Ani Pumaren, nagsasagawa ang Green Archers ng mga nakalilibang na aktibidad, katulad ng panonood ng mga pelikula, pakikinig sa misa tuwing Linggo, pakikipaglaro, at pakikipagkwentuhan upang hindi mamutawi ang kalungkutan sa loob ng kani-kanilang dormitoryo.
Sa kabila ng mga restriksyong dulot ng pandemya, pinagsusumikapan ng mga miyembro ng UAAP Board na paghandaan ang pagbabalik ng mga laro sa Season 84 ng torneo. “Humihingi ako ng kaunti pang pasensya, sa ating mga atleta, sa ating mga estudyante na kating-kati nang manood [at] nag-aantay. Ang inuuna natin dito ay ang kaligtasan ng ating mga atleta kaya sinisigurado natin na lahat ng ating preparasyon ay nakabatay sa ligtas na pagpapatakbo ng ating mga paligsahan,” pagwawakas ni Calanog.