Mahigit dalawang taon na mula nang unang maitala ang kaso ng COVID-19 sa bansa, subalit hanggang ngayon, militarista pa rin ang tugon ng gobyerno sa pandemya. Sa tuwing magkakaroon ng pagtaas ng bilang ng kaso ng naturang sakit sa bansa, susubukan ng gobyernong puksain ito sa tulong ng militar. Noong una, isinagawa ito sa pamamagitan ng mga checkpoint at lockdown, habang sa kasalukuyan ipinatupad naman ang polisiyang ‘No Vaccine, No Work.’
Sa umpisa, maaaring makita ang polisiyang ito bilang mabuti, sapagkat hinihimok nito ang mamamayang Pilipino na magpabakuna. Hindi rin naman maikakailang isa ang malawakang pagbabakuna sa mga solusyon sa pandemya. Gayunpaman, kung palalalimin ang diskurso, makikitang hindi epektibo at hindi makatao ang polisiyang ito, sapagkat sa halip na pawiin ang takot ng mga tao sa bakuna, tinatanggalan lamang sila ng kanilang mga karapatan, lalo na sa paghahanapbuhay, upang masabi umano ng gobyernong may isinasagawa silang tugon kontra COVID-19.
Bagamat may mga manggagawa ring hindi nais magpabakuna dahil sa agam-agam sa epekto at bisa ng bakuna, matutugunan sana ito kung mas pinaigting ng gobyerno ang pagpapakalat sa tamang impormasyon at hindi sinasabayan ng pagbabanta.
Ipagkibit-balikat man ng kasalukuyang administrasyon ang kanilang mga tugon laban sa pandemya, hindi kailanman makatarungan ang pagkintil ng takot sa mga tao para lamang sumunod sa patakaran. Patunay lamang ito ng bulok na sistema ng administrasyong Duterte na nakaangkla sa dahas kaysa sa edukasyon at diskurso. Sa halip na linawin sa mga tao ang kahalagahan ng bakuna at pabilisin ang proseso ng pagbabakuna, muli na naman nilang pinasa ang kanilang mga pagkukulang sa mamamayang Pilipino.
Sa patuloy na pagpapatupad ng militarismo’t hindi makataong tugon sa pandemya, patuloy lamang ang paghihirap ng mga Pilipino. Kinakailangang ipanukala ang serbisyong medikal na nakabatay sa agham, pananaliksik, at danas ng bawat Pilipino. Naniniwala ang Ang Pahayagang Plaridel na hindi kailanman dapat pagpilian ang kabuhayan at kaligtasan dahil magkatambal ang dalawang ito para sa lahat, lalo na sa mga Pilipino na biktima ng kahirapan at pagpapahirap.