Ang huling pahina: Pagsariwa sa iniwang legasiya ng dating Green Archer Maoi Roca

Likha ni Angela De Castro | Mga larawan mula sa Facebook ni Maoi Recampo Roca

TUMATAK na mga napagtagumpayang laro, nakamamanghang talento, at masasayang alaala mula sa mga sinalihang torneo—ganito mailalarawan ng mga tagahanga at tagapagsanay ni Maoi Roca, dating Green Archer, ang kaniyang naiwang legasiya sa loob ng kort. Sa kabila nito, umingay muli ang pangalan ng batikang basketbolista matapos maibalitang pumanaw na siya sa edad na 47 dahil sa sakit na diabetes. 

Ipinamalas din ng dating Green Archer ang kaniyang talento sa labas ng kort matapos mapabilang sa comedy show na Tropang Trumpo. Bunsod nito, natunghayan ng mga tagahanga ni Roca sa kani-kanilang mga telebisyon ang kaniyang talento sa pagpapatawa. Ngunit, sa kabila ng kaniyang kasikatan, sino nga ba si Maoi Roca sa likod ng kamera?

Yugtong hindi makalilimutan  

Namukadkad ang karera ng basketbolista nang mapabilang siya sa Green Archers upang mairepresenta ang banderang berde at puti ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa entablado ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) mula 1994 hanggang 1998. Nagsimula man ang kaniyang rookie year bilang bahagi ng Team B ng Green Archers, nagwagi naman si Roca kontra Far Eastern University (FEU) sa finals ng UAAP Season 61 men’s basketball. Kaakibat ng karangalang naiambag ni Roca sa DLSU, isa siya sa mga atletang pinangalanang miyembro ng mythical team noong UAAP Season 61.

Bitbit ang angking husay sa paglalaro ng basketball, hindi nagtapos ang karera ni Roca sa pangkolehiyong torneo. Matapos ang mahabang taong paglalaro at pag-eensayo para sa koponang Lasalyano, pinalad na mapabilang si Roca sa Batangas Blades nang dalawang taon sa ligang Metropolitan Basketball Association. Gayunpaman, agad na nagretiro ang batikang atleta noong 2001 matapos magtamo ng knee injury.

Sa kabila nito, hindi nilimitahan ni Roca ang kaniyang sarili sa loob ng basketball court. Noong dekada ’90, nakipagsapalaran si Roca sa industriya ng entertainment at kalaunan, naging regular na miyembro ng Tropang Trumpo, isang comedy show sa ABC-5 o mas kilala na ngayon bilang TV5. Nakasama ni Roca sa palabas sina Michael V, Ogie Alcasid, Carmina Villaroel, Gelli De Belen, at Earl Ignacio.

Sa likod ng katanyagan

Hindi lamang nakubli ang talento ni Roca sa loob ng kort at sa harap ng telebisyon. Bilang isang kaibigan, kinilala rin si Roca bilang komedyante sa likod ng mga kamera. Sa panayam ng spin.ph kay Virgil Villavicencio, dating coach ng Green Archers, ibinahagi niyang hindi lamang magaling sa pag-rebound at sa pagdepensa ng bola si Roca. “[Siya] ‘yung komedyante na poker faced,” paglalarawan niya sa pumanaw na batikang atleta at artista.

Hindi lamang si Villavicencio ang nakaalala sa namayapang manlalaro. Sa panayam din ng spin.ph sa dating Green Archer na si Dino Aldeguer at musikerong Rico Blanco, inilarawan nila si Roca bilang isang mabuting kaibigan na hindi nila malilimutan. Bunsod nito, samahan pa ng kaniyang likas na kagalingan sa pagpapatawa, tunay na nag-iwan si Roca ng magagandang alaala sa kaniyang mga kaibigan at katrabaho. 

Sa mata ng mga tagahanga

Buhat ng tumataginting at nagliliyab na husay sa paglalaro ng basketball, hinangaan si Roca ng maraming Lasalyano. Kabilang dito si Analyn Pecate na isang tagahangang Lasalyano ni Roca. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel, inilarawan niya ang atletang Lasalyano bilang magaling at maangas noong naglalaro pa lamang siya para sa Pamantasan. “Apart  from  being  handsome, he’s a defensive player. He knew how to intimidate players of the other team,”  wika ni Pecate. 

Hindi rin malilimutan ng tagahanga ang pagpapalasap ng umaatikabong opensa at depensa ni Roca tuwing lumalaban para sa DLSU. Ayon kay Pecate, ang makapangyarihang paglaro at kaaya-ayang personalidad ni Roca ang dahilan sa pagiging tanyag niya sa larangan ng isports at entertainment. 

Patunay ang mga kuwento ng mga kaibigan, katrabaho, at tagahanga ni Roca na naging makabuluhan ang kaniyang buhay bilang isang atleta, aktor, at kaibigan. Sa kaniyang pagpanaw, patuloy pa rin siyang kinikilala ng pamayanang Lasalyano at ng kaniyang mga tagahanga bilang isa sa mga Green Archers na umukit ng pangalan sa industriya ng basketball at show business. Buhat nito, mananatiling buhay sa puso at isipan ng mga tagahanga, kaibigan, at tagapagsanay ni Roca ang kaniyang legasiya sa loob at labas ng telebisyon at kort.