NATAKASAN ng Barangay Ginebra San Miguel ang panganib na hatid ng TNT Tropang Giga, 100-94, matapos selyuhan ang panalo sa una nilang paghaharap sa finals ng 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Nobyembre 29, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center sa Pampanga.
Patuloy ang Barangay Ginebra sa pag-abot ng inaasam-asam nilang titulo sa pangunguna ni player of the game Japeth Aguilar na nagpakawala ng isang double-double, 25 puntos at 16 na rebound, at 11-of-14 field goal shooting. Malaking ambag din ang hatid ni Stanley Pringle matapos maglista ng 24 na puntos, pitong assist, at pitong steal. Rumisponde rin sina LA Tenorio at Scottie Thompson na nagtala ng pinagsamang 27 puntos, 14 na rebound, at 15 assist.
Makapigil-hiningang aksyon ang nabuo sa kontrapelo nang tumbasan ng Tropang Giga ang ipinamalas na galing ng mga manlalaro ng Ginebra sa pangunguna ni Bobby Ray Parks na may talang 20 puntos at limang steal. Kasama naman ni Parks sina Roger Pogoy at Jay Washington sa pagresbak nang magtarak ang dalawang manlalaro ng pinagsamang 33 puntos at pitong rebound.
Kapwa preparadong koponan ang nagpamalas ng angking lakas sa unang yugto nang mapanatili nilang pantay ang tala sa paglipas ng unang apat na minuto, 12-all. Pusong hindi palalamang naman ang ipinakita ng magkatunggaling koponan nang magpatuloy ang tabla sa sumunod na dalawang minuto ng laban, 16-all.
Tuluyang pumiglas ang koponan ng Tropang Giga mula sa pagkakatali sa tabla nang pakawalan ang 6-0 run sa huling tatlong minuto ng yugto, 16-22. Nakapagpaliit naman ng kalamangan ang back-to-back na layup mula kina Ginebra mainstays Aljon Mariano at Jeff Chan, 20-24. Nagtapos ang unang yugto nang itarak ni ka-Tropang Pogoy ang tres mula sa labas ng arko na naging sapat upang makamit ng kaniyang koponan ang limang puntos na kalamangan, 22-27.
Kakaibang Barangay Ginebra naman ang gumulantang sa depensa ng Tropang Giga matapos magpakawala ang koponan ng 7-2 run sa ikalawang yugto ng tunggalian, 28-29. Binasag naman ni Simon Enciso ng TNT ang binubuong momentum ng Ginebra matapos tumikada ng tres, 28-32.
Napasakamay ng Ginebra ang pagkakataong makabangon mula sa naitalang sunod-sunod na foul ng kanilang katunggali. Bunsod nito, nailista ni Thompson at Joe Devance ang kanilang unang dalawang puntos para sa buong laro para maiangat ang Ginebra, 32-all.
Patuloy na nagpalitan ng kani-kanilang mga tirada ang bawat koponan sa nalalabing dalawang minuto ng ikalawang yugto ng kontrapelo. Bunsod ng matatalim na depensang inilatag ng dalawang panig, naisara ang unang kalahati ng buong laban sa tablang tala, 41-all.
Nagbalik ang nag-iinit na Ginebra center Aguilar sa ikatlong yugto ng laban nang kaniyang pakawalan ang back-to-back dunk, 45-43. Kapwa naman nagkaroon ng scoring machines ang dalawang koponan nang magkasunod na magpakawala sina TNT mainman Pogoy at ka-Barangay Pringle ng mga tirang nagbigay sa kanila ng double digits sa talaan, 50-45.
Ginising naman ni Jayson “The Blur” Castro ang natutulog na diwa ng Tropang Giga matapos ang isang three-point step back jump shot, 50-48. Dumagdag pa rito ang hindi patitinag na determinasyon ni Pogoy upang iangat ang koponan nang matapos niya ang isang three-point play, 52-51. Nagpatuloy sa mala-three point shootout na laban ang apat na minuto ng tunggalian nang kapwa naglista ang mga koponan ng tig-dalawang tres, 60-57.
Tambalang Pogoy-Parks naman ng TNT ang nagpakitang-gilas matapos ang 9-2 run na nagbunsod sa pag-abante ng kanilang koponan, 62-66. Nagsara ang ikatlong yugto sa walang sawang palitan sa opensa ng dalawang koponan, 66-71.
Patuloy na ginulantang ni Aguilar ang Tropang Giga nang kumubra siya ng dalawang magkasunod na dos na nagbunsod sa pagtawag ng maagang timeout ng TNT sa unang minuto pa lamang ng ikaapat na yugto, 70-71. Patuloy namang nagpalitan ng tirada ang dalawang panig na nagpanatili ng dikit na puntos sa tunggalian, 82-all.
Hindi man mapaghiwalay ang puntos ng dalawang magkatunggali, limang team foul na agad ang naitala ng TNT bago pa maabot ang kalahati ng huling yugto. Kapansin-pansin ang paghina ng depensa ng Tropang Giga kaya naman tuluyang binali nina Aguilar at Pringle ang pagkakapantay ng tala, 86-82.
Hindi naman nagpatibag ang offensive prowess ng TNT sa katauhan nina Castro at Washington upang muling ibangon ang koponan nang magpasabog ang mga ito ng tatlong magkakasunod na tres, 90-91. Nagtapos ang huling yugto sa dagdag na puntos mula sa freethrow ni Parks para sa Tropa at isang malinis na layup mula kay Tolentino ng Ginebra, 92-all, dahilan upang magpatuloy ang paghaharap sa isang overtime.
Pareho mang sabik sa panalo ang dalawang koponan sa unang paghaharap sa Finals, nagsilbing mabigat na pasanin ang tatlong manlalaro ng TNT na may bitbit na apat na personal foul. Patuloy na ginamit na bentahe ng Ginebra ang sitwasyong ito nang paralisahin nila ang Tropang Giga sa unang dalawang minuto ng overtime, 96-92.
Sinubukang ibangon ni Pogoy ang koponan sa pamamagitan ng jump shot upang maidikit ang laban, 96-94. Gayunpaman, tuluyan nang dinomina ng Barangay Ginebra ang huling isang minuto ng kontrapelo nang ma-foul out si TNT mainman Parks, dahilan upang maiwan sa alanganin ang depensa ng koponan, 100-94.
Ibinahagi ni player of the game Aguilar na hindi naging madali ang panalo nila kontra sa Tropang Giga bunsod ng ilang ulit na pagtatabla sa laban. Gayunpaman, patuloy umanong magpupursigi ang mga ka-Barangay sa mga susunod pang tunggalian. “. . . Talagang ano, laban lang talaga [kaya] nakuha namin ‘yung victory. Whatever happens, talagang bahala na, focus kami sa mga game plans namin,” ani Aguilar sa kaniyang panayam matapos ang laban.
Malaki naman ang pasasalamat ni Barangay Ginebra Coach Tim Cone sa ipinamalas na pagkakaisa ng kaniyang koponan. Iginiit din niyang naging susi ang kontribusyon ng bawat isa sa kanilang panalo ngayong araw. “That’s how you be a team, where everybody’s contributing. We got a lot of contributions and that’s the way it has got to be, where everybody’s contributing, everybody’s stepping up,” pagbabahagi ni Coach Cone sa kaniyang post-game interview.
Susubukang makabawi ng Tropang Giga sa darating na Miyerkules, Disyembre 2, upang maitabla ang kalamangang bitbit ng Barangay Ginebra na 1-0 panalo-talo kartada.