INAPRUBAHAN sa unang espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang walong panukalang batas hinggil sa ilang pagbabago sa patakaran ng University Student Government (USG), Disyembre 17.
Tinalakay rin ang pagpapatibay ng La Salle Athletic League (LSAL) program upang mas maitaguyod ang larang ng isports at ang pagpasa ng Sexual Orientation, Gender Identity, (Gender) Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Act upang maging mas inklusibo ang Pamantasang De La Salle (DLSU). Sa huli, isinapormal ang pagbitiw ni Katkat Ignacio bilang batch legislator ng EXCEL2021.
Pagpapatibay sa patakaran ng USG
Tinalakay sa unang bahagi ng sesyon ang panukalang nakatuon sa institusyonalisasyon ng State of the Student Governance (SSG) sa pangunguna nina Ashley Francisco, FAST 2020; Aeneas Hernandez, EXCEL2022; Jansen Lecitona, FAST2019; Tracy Perez, FOCUS2020; at Francis Loja, Chief Legislator. Inilahad ni Loja ang kahalagahan nito sa pagtugon sa mga suliraning kinahaharap ng mga estudyante at upang mailahad ang mga inisyatiba at hakbangin ng USG sa hinaharap.
Inihayag naman ni Hernandez ang pangkalahatang probisyon ng SSG. Kabilang dito ang patakarang nagsasaad na kinakailangang tugunan ng USG ang pamayanang Lasalyano hinggil sa lahat ng transaksyon, programa, at proyekto para sa natitirang bahagi ng kanilang termino. Kabilang din dito ang talumpati ni USG President Giorgina Escoto na nakasentro sa pagtalakay sa estado ng kanilang pamamahala at paghahayag ng mga karagdagang aksiyon ng USG.
Ipinaliwanag din ni Hernandez na maaaring isagawa ang SSG sa Pamantasan o online, batay sa kasalukuyang sitwasyon at kapasidad ng Pamantasan. Dagdag pa rito, iminungkahi rin ni Perez na ipalabas sa publiko ang SSG gamit ang mga opisyal na social media account ng USG.
Sa botong 16 for, 0 abstain, at 0 against, pormal na inaprubahan ang institusyonalisasyon ng SSG.
Inaprubahan din ng LA ang panukala hinggil sa pagsasagawa ng general USG procedural guidelines code. Binigyang-linaw rito ang mga tuntuning dapat sundin sakaling maghain ng resignasyon ang isang miyembro ng USG at mga opisyal na maaaring humalili sa posisyong mababakante.
Isinapinal ang panukala sa botong 16-0-0.
Dagdag pa rito, isinaayos din ang mga kwalipikasyon para sa mga nagnanais maging mahistrado ng Judiciary at ibabatay na lamang pansamantala ang pagpili sa kasunduan ng LA. Pinalitan din ang ngalan ng Officer Monitoring Board at ginawang Commission for Officer Development (COD).
Ipinaliwanag ni Ignacio na napaglumaan na ang panuntunan ng USG kaya nararapat lamang na repasuhin ito. Aniya, “most of the Supplementary Guidelines in the old USG Constitution are outdated; as such, we have to adjust to the current revisions in our constitution and other guidelines from the judiciary and other constitutional commissions.”
Pagsasaayos ng mga dokumento ng USG
Pinangunahan ni Ignacio ang pagtalakay sa pagbuo ng DLSU USG Archive. Inilahad niyang maglalaman ang archive ng mga batas, alituntunin, handbook, at manual ng Pamantasan. Layunin din nito na maghatid ng mahahalagang impormasyon sa iba’t ibang programa at proseso sa sektor ng mga estudyante. Nakasaad sa panukala na pangungunahan ng COD ang pamamahala sa archive na umuugnay sa mga yunit ng USG.
Ipinabatid din ni Ignacio ang layunin ng archive. Aniya, “what this hopes to achieve is that we have more open communication within the USG and that all the files are very much accessible to the students without any gatekeeping of sorts or questions that may arise from their personal concerns.”
Isinapinal ang panukala sa botong 16-0-0.
Pinagtibay rin ang panukala para sa pag-enmiyenda ng USG Student Services Hub. Kaakibat nito, pinalitan din ang dati nitong pangalan sa USG Website. Inatasan naman ang Office of the Vice President of Internal Affairs (OVPIA) at Office of the Executive Secretary (OSEC) sa pamamahala ng mga nilalaman ng USG Website. Pangangasiwaan naman ng Executive Committee ang koordinasyon ng mga nilalaman ng site.
Pinahihintulutan din ang lahat ng kinikilalang opisina ng USG na gamitin at pamunuan ang USG Website sa paghahatid ng mga anunsiyo, resolusyon, at iba pang mga inisyatiba sa kanilang kahilingan. Sa paggamit ng website, maaari silang makipag-ugnayan sa OVPIA at OSEC.
Ipinasa ang panukala sa botong 16-0-0.
Pagsulong ng interes sa pampalakasan
Ninais din nina Ignacio at Loja na pasiglahing muli ang LSAL program sa Pamantasan. Mandato nitong iatas sa OVPIA ang pangunguna sa mga inisyatibang may kinalaman sa LSAL sa darating na ikalawang termino.
Hahatiin ang programa sa apat na yugto: Project Refinement na magpapalawig ng programa maliban sa basketball at volleyball; Improved Marketing na magsasapubliko ng mga online at face-to-face na aktibidad ng LSAL; Financial Guidance na maghahatid ng tulong-pinansiyal sa mga atleta; at Transparent Partnerships na magbibigay-audit sa mga katuwang nilang organisasyon.
Makikipag-ugnayan din ang USG sa mga organisasyong may kinalaman sa pagpapabuti at pagpapalawig ng programa, tulad ng Office of Student Leadership Involvement, Formation, and Empowerment.
Ipinasa ang naturang panukalang batas sa botong 16-0-0.
Bukod dito, pinangasiwaan din nina Ignacio at Loja ang pagtalakay sa panukalang batas na nananawagan para sa pagsulong ng USG ng interes sa pampalakasan. Tinalakay ni Ignacio ang pagbuo ng mga programang kakatawan sa mga atleta at pagsulong sa larang ng isports, sa pangunguna ng OVPIA at suporta ng Activities Assembly.
Inihayag ni Loja na kinakailangang manguna ang USG sa pakikipag-ugnayan sa Office of the Sports Development at pag-usapan ang mga ilalatag na programa.
Dagdag pa rito, pinasadahan din ang pagbabalik ng mga varsity team ng Pamantasan sa kanilang training o pagsasanay. Tugon ni Ignacio, kinakailangang gumawa ng mga naayong hakbang upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga atletang Lasalyano.
Isinapinal ang panukala sa botong 16-0-0.
Mas inklusibong DLSU at pagbibitiw ni Ignacio sa LA
Ipinresenta nina Ignacio, Loja, at Didi Rico, 74th ENG, ang pagtataguyod ng SOGIESC Equality Act sa Pamantasan. Alinsunod ito sa DLSU Safe Spaces Policy na naglalayong maprotektahan ang bawat Lasalyano sa anomang uri ng diskriminasyon at maitaguyod ang kahalagahan ng representasyon ng LGBTQIA+ community sa DLSU.
Kaakibat ng naturang panukala ang pagpapatibay sa malayang pagpapahayag ng pakakakilanlan ng mga Lasalyano, gaya ng pagrespeto sa anomang pronoun na nais gamitin ng sinoman, lalo na sa oras ng klase.
Ipinasa ang panukala sa botong 15-0-1.
Huling tinalakay ang pagbibitiw ni Ignacio matapos ang kaniyang tatlong taong serbisyo sa USG bilang batch legislator ng EXCEL2021. Dinahilan ni Ignacio sa kaniyang pagbitiw ang pagbibigay-priyoridad sa pansariling oras at paghahanap ng ibang oportunidad sa kaniyang pagtatapos sa kolehiyo. Buhat nito, pinasalamatan si Ignacio sa kaniyang serbisyo sa LA.
Isinapinal ang pagbibitiw ni Ignacio sa botong 16-0-0.