BINIGYANG-LINAW sa isang talakayang pinamagatang “Inside Out the Echo Chamber: Breaking Down the Popular Support for Bongbong Marcos” na inihandog ng UP National College of Public Administration and Governance Student Council (UP NCPAG SC) ang suportang natatanggap ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) para sa kaniyang pagtakbo sa pagkapangulo sa kabila ng kaliwa’t kanang isyung may kinalaman sa kasaysayan ng bansa noong panahon ng Batas Militar, Disyembre 11.
Kaakibat ng lumalapit na pagsapit ng halalan ang tungkulin ng botanteng siyasatin ang mga kandidatong kanilang nais ihalal. Tinalakay nina Francisco Jayme Guiang, assistant professor ng Department of History sa University of the Philippines Diliman (UPD); Athena Charanne Presto, sociologist; at Lakan Umali, multi-awarded writer at graduate student sa UPD, ang pilit na pagbaluktot sa kasaysayan ng pamilyang Marcos, pagbasag sa suporta ng mga Ilokano para kay BBM, at ang epektibong pakikilahok sa diskursong may magkakaibang pananaw.
Pagpalsipika sa kasaysayan ng bansa
Malaki ang papel na ginagampanan ng kasaysayan sa proseso ng pagsuporta at pagpili ng kandidatong susunod na maluluklok upang pagsilbihan ang masa. Binanggit sa talakayan na marami ang sumusubok na baguhin ang naratibo ng kasaysayan upang umayon sa kanilang personal at politikal na interes. Bunsod nito, ibinahagi ni Guiang na mas naaayong gamitin ang terminong “historical distortion” kaysa “historical revisionism” sa nasabing isyu sapagkat bahagi ng negatibong panig ng pagrerebisa ng kasaysayan ang pagbaluktot sa katotohanan.
Mahalaga ang pagrerebisa sa mga akdang pangkasaysayan dahil marami pang makasaysayang dokumento ang hindi pa napag-aaralan at naisisiwalat. “Aminado tayong hindi lahat ng historical documents. . . na-uncover na eh. Mayroon pang mga nadi-discover na bagong documents that constitute or that lead to the constitution of new historical knowledge,” paliwanag ni Guiang.
Bagamat mahalaga ang pagrerebisa at pagdadagdag sa mga bagong natuklasan, malaking hamon sa prosesong ito ang posibilidad na habiin ang katotohanan para pangalagaan ang isang politikal na interes. Idiniin niya na ang matinding pagnanais na isulong ang pansariling interes ang nagtutulak upang manipulahin ang kasaysayan sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga impormasyong walang solidong batayan.
Ilan sa halimbawa ng pambabaluktok sa kasaysayan na ibinahagi ni Guiang ang pagtanggi sa hindi makatarungang pagpatay sa mga mamamayang Pilipino noong panahon ng Batas Militar at ang bilyon-bilyong pondong ninakaw ng pamilyang Marcos mula sa kaban ng bayan. Bukod dito, isiniwalat din niyang laganap sa social media sites ang pagkalat ng maling impormasyon at interpretasyon noong Batas Militar na nagsisilbing paraan upang maibalik ang respeto at tiwala ng taumbayan sa pamilyang mismong kumitil sa demokrasya ng bansa.
Bilang pagtatapos, pinanindigan niya ang kahalagahan ng pagiging kritikal upang matuldukan ang pagtatangkang balukturin ang kasaysayan ng bansa. Maituturing ni Guiang na isang malaking hamon sa kasalukuyan ang harapin ang hindi-mapigilang pagpapakalat ng maling impormasyon. Gayunpaman, patuloy siyang nanindigan at ibinahagi sa bawat isa na, “. . .it’s now time to take the bull by its horns, and fight for the truth about what happened in the past.”
Pagsipat sa ideya ng Solid North
Binigyang-linaw naman ni Presto sa kaniyang diskusyon ang konsepto ng “Solid North” bilang buong-puwersang suporta ng mga taga-Ilocos sa kapwa nilang Ilokano na si BBM. Aniya, noon pa man, buong suporta na ang ibinibigay ng mga Ilokano sa pamilyang Marcos dahil sa mga impormasyong pilit nilang itinatatak sa kanilang mga taga-suporta. Bagamat labis na pinapaniwalaang nananatiling hindi makatotohanang impormasyon ang mga pinapakalat tungkol sa pamilyang Marcos dahil sa kapangyarihan at makinaryang mayroon ang kanilang pamilya. Katulad ni Presto na isang Ilokano, naging biktima rin siya ng ganitong pagtingin bunsod ng pagkamulat niya sa isang paligid na naniniwalang pinakamagaling na pangulo at pinakadakilang Ilokano ang dating diktador.
Batay pa sa kaniyang karanasan, dinadala sa isang madilim at malamig na kwartong pinaglalagakan ng wax figure ni Marcos Sr. ang mga batang kasama sa educational tour. Sa lugar na ito, sinusubukang ipaliwanag at ituro sa mga turista ang magaganda umanong ginawa ng dating diktador para sa bansa noong panahon ng kaniyang pamumuno.
“Memories are strong political tools because they legitimize experience as well as interpretation of these experiences,” ani Presto. Kadalasang ginagamit ang karanasan bilang paraan ng pagpapatahimik sa mga sumasalungat sa pinaniniwalaan ng mga sumusuporta sa mga Marcos.
Gayunpaman, nanindigan si Presto na maiuugnay sa kasalukuyang reyalidad ng buhay ang pag-aaral ng kasaysayan. Bilang isang sosyolihista, ibinahagi niya ang pangangailangan na maging konektado sa kasaysayan ang paraan ng pagtingin ng mga mamamayan sa kasalukuyan upang magkaroon ng kaalaman sa mga ihahalal na kandidato.
Para sa kaniya, “bumoboto kayo para sa lahat ng mga bagay. Bumoboto kayo para sa pagmamahal, bumoboto kayo para sa sarili niyong bansa, para sa sarili ninyo, para sa mga guro, bumoboto kayo para sa lahat.”
Bahid ng panganib
Pangamba at tigatig ang bumalot sa banta ng potensyal na pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang. Pagpapawari ni Umali, nakababahala ang banta ng kandidatura ni BBM sa Halalan 2022 dahil patuloy ang pagtatangka ng kanilang pamilyang ibalik ang dalisay at dangal ng kanilang pangalan. Kaugnay nito, binanggit niyang nagdulot ito ng matinding pagkabalisa sa taumbayan dahil sa maaari nitong maging dulot sa bansa sa pagkakataong maisakatuparan ng mga Marcos ang layuning makaupo muli sa puwesto.
“I can imagine the horror and damage [that] will be done on the education system should BBM go [and] become president in 2022. The amount of whitewashing, distortion, inaccuracy, and lies which will be panelled into our education system will be at a precedent scale,” pagdidiin ni Umali.
Pagpapatuloy ni Umali, batid niyang matibay ang kakayahan at pribilehiyo ng mga Marcos sa kanilang pamamanhikan sa taumbayan bunsod ng malaking kapital at pondong nakalaan para sa kanilang pangangampanya. Giit niya, gumagana sa taumbayan ang pamamaraang kanilang isinasagawa, tulad ng paggamit ng mga troll account upang pagtakpan at patatagin muli ng mga Marcos ang tindig ng dinastiyang minsan na naging malupit sa libo-libong mamamayang Pilipino.
“You may see him as soft-spoken, eloquent, coming from a well-behaved family, and you wouldn’t be aware at all with the crimes that he and his family have committed,” paglalahad ni Umali.
Dagdag pa niya, naging sangkap at malaking bahagi ang lumalaking plataporma ng social media sa plano ng pamilyang Marcos na baluktutin ang kasaysayan. Ibinahagi niyang lantad sa panganib dulot ng maling impormasyong lumalaganap sa social media ang taumbayan dahil marami pa rin sa kanila ang kulang ang kakayahan sa pagbasa at pagsulat. “There is no such thing as the voice and the voiceless, there is only [the] silenced and the deliberately unheard,” pagpapatanto ni Umali.
Sa huli, nanawagan si Umali na patuloy na magmasid at pag-aralan ang pundasyong pumapagitna sa pangangampanya ng mga Marcos at kasaysayang pilit nilalayo sa katotohanan para sa pansariling interes. Naniniwala siyang nararapat lamang pagnilayan at ituon ang pansin sa pangmatagalang layunin ng mga Marcos para sa pagkapangulo sapagkat nakasalalay rito ang kapalaran ng mamamayang Pilipino sa susunod na anim na taon.
“Lives not just lie in the hands of whoever’s in power, but [also] in our own hands,” pagwawakas ni Umali.