PINAGTIBAY sa ginanap na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang bagong administrative code ng University Student Government (USG), kasabay ng mga pagbabagong itinakda sa konstitusyon ng USG, Disyembre 10. Partikular ang mga pagbabago sa karampatang tungkulin at limitasyong dapat isaalang-alang ng bawat opisyal at opisina ng USG.
Ibinahagi rin ng mga batch legislator ng bawat kolehiyo sa huling bahagi ng sesyon ang mga pinangunahan nilang proyekto sa kabuuan ng kanilang panunungkulan. Kabilang din dito ang mga isusulong nilang plano bago matapos ang unang termino.
Pagtukoy sa mga tungkulin at limitasyon
Pinangunahan nina Ashley Francisco, FAST 2020; Aeneas Hernandez, EXCEL 2022; at Katkat Ignacio, EXCEL2021, ang pagtalakay sa pagbabagong inilapat sa bawat bahagi ng administrative code ng USG. Tiniyak ng mga kinatawan ng LA na nakabatay sa kasalukuyang konstitusyon ng USG ang mga pagbabago sa naturang dokumento.
Layon ng mga pagbabago sa administrative code na mabigyang-halaga ang pananagutan ng mga opisyal na bumubuo sa USG. Ipinaalam din ni Hernandez ang paghahatid ng mga ulat ng bawat yunit ng USG kaugnay sa naging alokasyon ng pondo sa inilunsad nilang proyekto.
Isa rin sa mga inilatag na pagbabago ang mga inhibisyon o ang limitasyong kalakip ng tungkulin ng bawat opisyal. Ipinaliwanag ni Francisco na kabilang dito ang tungkulin ng bawat yunit na makipag-ugnayan sa kinauukulang mga opisina hinggil sa planong alokasyon o pamamahala sa pondo.
Tinukoy rin ni Francisco ang mga inhibisyon at pamantayang kinakailangan nilang isaalang-alang kaugnay sa paghahalal sa mga batch at campus legislator, at maging sa mga opisyal mula sa Office of the Judiciary, Office of the Ombudsman, at Commission on Audit.
Partikular ang mga inilatag na inhibisyon sa administrative code na hindi maaaring masangkot sa anomang isyu ang mga kinatawan ng LA at mga opisyal ng USG upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga administratibong proseso.
Tinalakay naman ni Ignacio ang pagtalaga sa Commission for Officer Development bilang advisory board o tagapangasiwa sa tungkulin at aktibidad ng mga opisyal ng USG. Sa pamamagitan nito, inaasahang maitataguyod ang balanseng pamamahala ng mga yunit at opisina ng USG.
Inimbitahan din sa sesyon si Nathanael Landicho, kinatawan ng Office of the Judiciary, upang ihayag ang implikasyon ng paglapat ng mga pagbabago sa administrative code. Aniya, “there are practices that we do not do anymore, kailangan i-adjust. . . for future officers.” Nilinaw rin niya na kaakibat ng mga pagbabagong ito ang pagsasaayos sa transisyon ng tungkulin at responsibilidad ng mga opisyal na bumubuo sa USG.
Sa botong 16 for, 0 abstain, at 0 against, inaprubahan ang mga pagbabagong inilatag sa administrative code ng USG.
Pasilip sa mga proyekto
Binigyang-pagkakataon naman ni Francis Loja, Chief Legislator, ang mga legislative board ng bawat kolehiyo na mailahad ang kanilang mga naisagawang proyekto at ang mga nalalabing plano bago matapos ang unang termino ng akademikong taon.
Unang ibinahagi ni Jansen Lecitona, FAST2019, ang mga policy awareness workshop na inilunsad sa mga yunit na bumubuo ng Arts College Government. Naging pokus naman ng pamamahala ni Raphael Tan, 75TH ENG, ang pagpasa ng isang resolusyon na umuugnay sa sa pagbibigay ng mga thesis grant sa ilang estudyante ng Gokongwei College of Engineering.
Layon naman ni Ignacio na maitaas ang panawagan ng mga estudyante ng School of Economics (SOE) hinggil sa karagdagang bayarin sa matrikula. Binanggit niyang maglalabas ng mga welfare survey ang yunit para sa mga estudyante upang bigyang-pansin ang diskurso hinggil sa mga course program ng SOE.
Sisikapin din ni Ignacio na makapaglunsad ng mga programang magbibigay-kamalayan sa mga estudyante ukol sa paparating na eleksyon. Hangad din niyang maitaas ang pagkakapantay-pantay ng mga indibidwal na may iba’t ibang sexual orientation, gender expression, gender identity, at sex characteristics, bilang adbokasiya sa nalalabing mga proyekto ng kanilang yunit.
Ipinaalam naman nina Celina Vidal, FOCUS2018; Keil Finez, CATCH2T23; Anton Mapoy, BLAZE2020; at Janna Josue, EDGE2019, ang kabiguan ng kanilang legislative board na punan ang posisyon ng Commission on Elections Commissioner.
Sa kabilang banda, patuloy ang paghahanda nina Vidal at Finez sa posibilidad ng laboratory at in-person na mga klase sa susunod na termino para sa mag-aaral ng College of Science at College of Computer Studies.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan nina Mapoy at Josue sa mga respektibong yunit at opisina na bumubuo sa kanilang legislative board hinggil sa mga polisiyang nais pa nilang itaas bago matapos ang termino.
Sa kabilang banda, kinilala ni Loja ang tungkulin ng bawat kinatawan na maipabatid sa mga bumubuo ng LA ang mga pagbabagong ipinapasa sa bawat sesyon. Dagdag pa niyang katuwang sa tungkuling ito ang secretary general na namamahala sa pagpapadala ng mga e-mail na naglalaman ng mahahalagang polisiyang inaprubahan ng LA.
Bilang pagtatapos, ipinaalala rin ni Loja ang two-party system na kasalukuyang sinusunod ng LA sa pagtukoy ng mga panukalang ihahanay sa adyenda nito. Binigyang-diin niya rito ang pag-endoso ng isang panukala mula sa mga isponsor, bago ito talakayin sa mga sesyon ng LA.