Paghasa ng diskarte sa klase: Pagsibol ng chess sa GESPORT, binusisi

Kuha ni Monica Hernaez

LUBOS NA NILILIMITAHAN ng pandemya ang kilos ng bawat tao. Isa sa mga hamong dala nito ang pagpapatuloy sa pagtuturo ng Physical Education (PE) subjects na nangangailangan ng interaksyon ng mga estudyante at propesor. Bukod pa rito, hamon din ang pagpapatupad nito sa mga online na plataporma, gaya ng Zoom. Gayunpaman, hindi ininda ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang balakid na ito at itinuloy pa rin ang pagtuturo ng mga klase sa PE kasama ang iba pang kursong General Education na pinag-aaralan ng mga estudyanteng Lasalyano.

Sa kabila ng pandemya, ipinagpatuloy ng DLSU ang mga klase sa kursong Physical Fitness and Wellness in Individual Sports (GESPORT) sa pamamagitan ng paglunsad ng mga aralin sa larong Mobile Legends: Bang Bang. Matapos ang isang taong implementasyon ng naturang aralin, nagdagdag ng laro para sa GESPORT ang Departamento ng PE matapos ilunsad ang larong chess sa kanilang kurikulum. 

Pagtahak sa larong chess

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Jerrwin Aguinaldo, isang propesor mula sa departamento ng PE ng DLSU, ibinahagi niya ang proseso ng kanilang naging desisyon sa pagdadagdag ng chess sa kurikulum ng GESPORT. “Noong una, nag-meeting muna kami at nagpa-survey ako. . . Majority ng teachers ay nag-approve na puwedeng palitan [ang PE ng chess],” aniya. 

Naniniwala rin si Aguinaldo at iba pang mga propesor ng GESPORT na maaaring ituro sa klase ang online chess dahil kinikilala na ito bilang ganap na isport sa iba’t ibang torneo. Bunsod nito, napagdesisyunan nilang idagdag sa kurikulum ng GESPORT ang larong chess.

Ipinaliwanag naman ni Aguinaldo na makalalahok pa rin sa klase ang mga estudyante kahit hindi sila marunong maglaro ng chess. “Doon lang tayo sa movements, doon lang ‘yung basehan ng grade. . . kung natalo ka, parang sa ML lang din, gagawa ka lang ng additional workout,” wika niya.

Pulso ng Lasalyano 

Ibinahagi ni Hanna Luisa Santos, estudyante mula sa College of Liberal Arts, ang naging karanasan niya sa unang linggo ng kaniyang klase sa GESPORT. “Pinagawa kami ng aming guro ng account sa ‘lichess.org’ na isang interactive site kung saan tinuturuan kami ng iba’t ibang mga estratehiya sa chess, dahil dito marami akong natutuhan ukol sa laro,”  pagbabahagi ni Santos sa APP

Bilang estudyanteng hindi marunong maglaro ng chess, inihayag din ni Santos ang kaniyang opinyon ukol sa silabus ng GESPORT. “Para sa akin kontento naman ako sa nilalaman ng syllabus at sa mga gawain namin sa klase. Sa tingin ko sa kursong ito ay magkakaroon ako ng mas malalalim na kaalaman sa chess batay sa mga gagawin namin sa klase,” ani Santos.

Interesado ring mag-aral ang ilang estudyante ng GESPORT ng chess dahil sa mga makabuluhang aral na maaari nilang matutunan dito. Para kay Ingrid Marquez, estudyante mula sa College of Business, ang pagiging madiskarte at pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip ang inaasahan niyang matutunan sa kaniyang klase sa GESPORT. “Ang pinakamahalagang aral na nais kong matutunan sa kursong ito ay gumaling sa larong chess at maibalik ang aking pagnanais sa pag-ehersisyo,” dagdag pa niya.

Benepisyo ng bagong aralin

Ibinahagi ni Aguinaldo sa APP ang mga benepisyo ng paglalaro ng online chess. Inilahad ng propesor na ilan sa benepisyong hatid ng larong chess ang pagiging alerto sa kapaligiran at ang kakayahang bigyang-pansin ang maliliit na detalye. “[Some of the benefits of playing chess are] learning how to calm ourselves, especially kapag matatalo ka na, tapos regulating and managing emotions, and building resilience, especially where you’ll find a way kapag na-pressure na ‘yung piyesa mo. . . at iisipin mo how you’re going to get out of that threat,” pagbabahagi ng propesor. 

Patunay ang araling chess sa ilalim ng GESPORT na kayang magpatuloy ng mga klase sa Departamento ng PE sa kabila ng limitasyon ng pandemya. Tunay ring maraming aral at benepisyo ang makakamtan ng mga estudyanteng Lasalyano sa araling chess ng GESPORT—hindi lamang sa paglalaro nito bagkus pati na rin sa pag-unlad ng kanilang mental na kalusugan.