TULUYANG PUMRENO ang takbo ng karera ng mga ahente ng De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus (VA) kontra Mapúa University MGS Gaia, 0-2, sa Division B ng Lower Bracket ng University Alliance Cup (UAC) Season 3: League of Legends (LoL) Wild Rift, Nobyembre 21.
Malakalbaryo mang natamasa ng VA ang pagkatalo, maaga namang nagpasindak ng diskarte ang koponan matapos nitong mag-ban ng S+ tier jungler heroes, tulad ni Camille, na may kakayahang mag-araro ng solo kills pagdako ng mid at late game. Sinelyuhan naman ni DLSU PizzaTruck ang control mage champion na si Ziggs para kay DLSU Lotus na makatutulong upang gulpihin ang pormasyon ng MGS tuwing may gitgitan sa teamfights.
Kasunod nito, napasakamay ni PizzaTruck ang fighter na si Darius habang napunta kay DLSU Wanpapii ang assassin na si Diana. Pinaigting na depensa naman ang ikinasa ng VA para sa natitirang champion slots ng unang yugto ng laban tangan ang dalawang tank na sina Alistar at Jarvan IV na hawak ng tambalang DLSU Rave at VA Despair.
Para sa kabilang kampo, matulin ding sinunggaban ng MGS ang VA sa banning stage matapos alisin ang mga kampeon na karaniwang ginagamit ng scoring machine na si PizzaTruck. Pagdako sa pagpili ng mga kampeon, nasungkit ni MGS Chin ang top-lane fighter na si Fiora. Sinundan naman ito ni Irelia na hawak ni MGS RonSanity, Oriana para kay MGS krey, Xayah na bitbit ni DYBK Akie, at Rakan na tangan ni MGS Twieg.
Kompletong dominasyon mula umpisa hanggang dulo—sa buong takbo ng unang yugto ng laban, malinis na pinaralisa ng MGS ang galawan ng VA na nagbunsod sa paghingalo ng kanilang opensa at depensa. Tumagal pa lamang ng isa at kalahating minuto ang bakbakan, matulin nang itinudla ng MGS ang mga main gun ng katunggali na sina Despair at Wanpapii matapos patahimikin ni RonSanity ang kanilang imik at puwersa habang nagfa-farm. Buhat nito, agad na namayagpag ang MGS kontra VA sa larangan ng gold matapos makamkam ang isang libong kalamangan, 6.9K-7.8K.
Sinubukan mang makabawi ng VA, hindi naman nakayanan ng koponan na habulin ang bilang ng kills ng katunggali bunsod ng kanilang kakulangan sa gold at item, 6-12, sa loob ng ikapitong minuto ng sagupaan. Patuloy namang nawalan ng kinang ang puwersa ng VA matapos makamit ng MGS ang kanilang nagbabagang 10-1 run, 7-22. Sa huli, waging selyuhan ng MGS ang Baron Nashor kasabay ng kanilang ipinalasap na ace kontra VA. Bunsod nito, nagwakas ang unang yugto ng bakbakan sa pitong kill ng VA laban sa umaatikabong 20 kalamangan ng katunggali, 7-27.
Para sa ikalawang yugto ng laban, matagumpay na nasungkit ng VA ang mga meta hero, tulad nina Camille na hawak ni PizzaTruck at Vi na tangan ni Despair. Samantala, tumapak naman sa entablado ng salpukan sa unang pagkakataon ang team captain na si GS Rogue bitbit ang tier A+ na skirmisher champion na si Riven. Sa kabilang banda, napasakamay naman ni Lotus ang marksman champion na si Corki, habang itinalagang support ng koponan si Wanpapii na ikinasa si Nami.
Para sa kabilang panig, nagpokus ang MGS sa pagpili ng mga kampeon na kayang magtagumpay sa main objectives ng laro, tulad ng pag-push sa mga turret ng katunggali. Kaakibat ang hangaring back-to-back win, binuo ng koponan ang kanilang puwersa tangan ang mga kampeon na sina Fiora, Jax, Galio, Varus, at Alistar.
Dalawang minuto pa lamang ang nakalipas, matikas nang nagpakilala ang team captain na si Rogue sa ikalawang yugto ng tunggalian matapos pangunahan ang dalawang kill ng VA. Patuloy namang nagtagumpay sa paghihiganti ang VA matapos nitong kumana ng 5-0 run sa naganap na teamfight sa Rift Herald pit. Buhat nito, masilakbong ibinulsa ng VA ang mahigit isang libong kalamangan sa gold kontra MGS, 17.5K-16.3K.
Nagpatuloy naman ang pananalasa ni Rogue matapos magtamo ng magkakasunod na kills sa damagers ng MGS, 11-5. Bilang tugon sa umaarangkadang momentum ng kakampi, kumamada muli ng sandata ang VA sa katauhan ni Lotus matapos magsalaksak ng triple kill habang nag-aagawan sa pagpigtaw sa mountain dragon ang magkatunggali, 16-7.
Sa kabila nito, madiskarteng nalusutan ng MGS ang kamandag ng VA matapos ang kanilang patagong pagkitil sa Baron Nashor. Matapos nito, nagmadaling sumugod sina Pizza Truck, Wanpapii, at Lotus sa mga ahente ng MGS sa kabila ng naiwang serbisyo nina Despair at Rogue. Bunsod ng greedy na pag-atake ng VA, waging pinataob ng MGS ang apat na manlalarong Lasalyano habang natirang mag-isa si Despair sa pagdepensa ng turrets. Sa tulong ng Baron at clutch game ng MGS, waging kalbuhin ng koponan ang turrets at base ng VA, 19-13.
Bunsod ng kanilang masigasig na epic comeback, malinis na nakamtan ng MGS Gaia ang inaasam na tagumpay sa huling best-of-three match sa Division B ng Lower Bracket ng UAC Season 3: LoL Wild Rift. Para sa mga nagwaging estudyanteng manlalaro, nasungkit ng mga pangkolehiyong koponan na Tams FX Tormentors, Grayhawks Esports, MGS Gaia, at DG Luminants ang inaasam-asam na top 4 slot ng kompetisyon.
#DLSUwin—nabigo mang makaalpas mula sa Division B, kahanga-hanga pa ring iwinagayway ng Viridis Arcus ang kanilang bandera sa entablado ng UAC Season 3: LoL Wild Rift sa kabila ng pagiging rookie team nito. Bilang pahimakas sa ikatlong season ng torneo, hindi maikakailang nag-iwan ng karangalan ang VA para sa pamayanang Lasalyano matapos hiranging Quarterfinalist sa Division B ng UAC: LoL Wild Rift. Bigo mang makaabot sa Division A ng UAC Season 4: LoL Wild Rift, susubukan namang makabawi ng VA sa ikaapat na season ng Division B ng kompetisyon.