Katas ng pagpupumiglas: Barangay Ginebra San Miguel, nilasing ang Meralco Bolts para sa huling puwesto sa 2020 PBA Philippine Cup Finals!


SOLIDONG WINAKASAN ng Barangay Ginebra San Miguel ang do-or-die game kontra  Meralco Bolts, 83-80, upang bitbitin ang tiket patungong finals sa 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Nobyembre 27, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center sa Pampanga.

Palapit na nang palapit ang pangarap ng Ginebra na mapasakamay ang pinakainaasam na kampeonato nang pangunahan ni Scottie Thompson ang kaniyang koponan matapos magpakawala ng 20 puntos, tatlong assist, at limang rebound. Kabilang na rito ang kagila-gilalas na game-winning shot matapos niyang itarak ang kaniyang nakamamanghang tres mula sa labas ng arko.

Makapanindig-balahibo namang tinumbasan ni Chris Newsome ang talaan ni Thompson nang pangunahan niya ang Meralco dahilan upang mahirapan ang kabilang panig sa pagsungkit ng panalo. Nakapagtala ang offensive main man ng Meralco ng 15 puntos, anim na assist, at anim na rebound.

Nagbukas ang unang yugto ng kaabang-abang na tunggalian nang hablutin ng Ginebra ang possession ng bola. Agad namang nagpakilala ang beteranong sandata ng koponan mula sa katauhan ni Thompson matapos siyang umariba ng tirada mula sa ilalim at labas ng arko, 5-2. Sa kabila nito, malakuryenteng bumwelta ang sanib-puwersang lakas ng Meralco Bolts mula sa magkakasunod na dos, 7-11, bilang sagot sa maagang pag-arangkada ng katunggali.

Bigong mabaon sa kumunoy ang talaan ng Ginebra nang panipisin ng tambalang Thompson-LA Tenorio ang kalamangan ng kalaban, 11-12, mula sa kanilang mga dos at three-point jumper. Nagsilbing inspirasyon din  ang sagupaan para kay Gin King Stanley Pringle nang sabayan niya ang pagharurot ng mga kakampi, 17-13, matapos magpasabog ng 10-2 run ang kaniyang koponan.

Winakasan naman ni Cliff Hodge ang scoring drought ng Meralco Bolts, 17-14, nang mailista ang kaniyang freethrow. Matapos ang matuling pag-usad ng Ginebra sa pagbubukas ng unang kwarter, tila nanghina ang offensive prowess ng koponan nang paigtingin ng katunggali ang kanilang malapader na depensa. Gayunpaman, patuloy na nagmintis ang mga tirada ng Meralco Bolts na tumagal nang halos tatlong minuto hanggang sa pagtatapos ng unang yugto ng bakbakan.

Bumungad ang pagsisimula ng ikalawang bahagi ng duwelo sa floating jumper ni Meralco man Aaron Black, 17-16, matapos niyang padikitin ang agwat ng kaniyang kampo kontra sa kabilang panig. Sinabayan din ng mabangis na tandem nina Allein Maliksi at Reynel Hugnatan ang laro ng kanilang koponan ngunit agad silang tinuklaw ng mga tirada ng Ginebra, 23-all, mula sa mahahalagang two-point shot.

Patuloy namang itinudla ng mga ka-barangay Pringle at Tenorio ang kampanya ng oposisyon matapos nilang dungisan ang kanilang malinis na paghahabol, 31-25. Sa kabila ng sunod-sunod na pag-basket ng Ginebra, naging usad-pagong muli ang alanganing opensa ng dalawang koponan sa huling apat na minuto ng ikalawang bahagi.

Matapos ang isang minutong katahimikan, binasag ni Meralco mainstay Trevis Jackson ang depensa ng Ginebra matapos niyang umukit ng layup, 31-27, mula sa nahablot na offensive rebound. Matalim ding nagsagutan ang magkaribal na Japeth Aguilar at Hodge sa huling isang minuto ng ikalawang salpukan, 33-31, pabor pa rin sa Ginebra. Nagtapos ang naturang kwarter sa paulit-ulit na offensive errors ng magkatunggali.

Maaga namang umarangkada sa opensa ang Meralco nang painitin ni Newsome ang laban matapos ang matagumpay na jump shot at tres sa pagbubukas ng ikatlong yugto ng tapatan, 33-all. Maagap namang inalalayan nina Kier Quinto, Raymond Almazan, at Hodge ang kanilang scoring machine na nagdulot ng pitong puntos na bentahe para sa Meralco Bolts, 33-40. 

Bigong maibalik ng Ginebra ang mga napabayaang puntos sa simula ng kontrapelo subalit nakakita ng pagkakataon ang ka-Barangay nang pagsamantalahan nila ang agresibong laro ng Meralco. Nakapaglista ng anim na puntos ang Ginebra mula sa fouls ng Bolts at tuluyang ibinaba ni Pringle sa isang puntos ang kalamangan ng Meralco mula sa kaniyang jump shot, 45-46. 

Sinelyuhan ng nag-iinit na Meralco ang ikatlong yugto ng laban nang matagumpay nilang patahimikin ang opensa ng Ginebra sa kanilang double-screen plays at magagandang ball passing set-up para kina Hodge, Newsome, at Maliksi, 55-59.

Dikdikang sinalubong ng magkabilang koponan ang huling yugto ng tapatan matapos magpalitan ng puntos, habang napanatili ng Ginebra ang maliit na kalamangan kontra Bolts, 72-73. Nagsimulang bumulusok ang mga beteranong ka-Barangay nang humirit sa opensa sina Tenorio at Thompson, 76-73. Sinubukan namang isalba ni Newsome ang kalagayan ng Bolts nang ibaba niya sa isang puntos ang kalamangan ng Ginebra sa nalalabing huling dalawang minuto ng laban, 78-77.

Tila malabakal namang ugat ang ipinamalas ni Hugnatan nang maging matagumpay ang kaniyang pagtatangkang itabla ang kontrapelo sa kaniyang three-point shot, 80-all. Hindi naman nagpatinag ang Ginebra nang ilapag ni Thompson ang huling baraha ng koponan at selyuhan ang do-or-die game sa isang rainbow show mula sa three-point line, 83-80.

Lubos na ikinagagalak ni Thompson ang naging resulta ng tunggalian matapos ang kaniyang winning shot na tumuldok sa pag-asa ng katunggali para sa kampeonato. “Unang-una. . . lahat ng paghihirap namin [sa training] ay nag-pay off talaga at nagpapasalamat ako sa fans,” pagbabahagi ng player of the game sa kaniyang post-game interview.

Pinuri naman ni Coach Earl Timothy Cone ang ipinakitang galing at puso ni Thompson. “It was amazing for Scottie, he deserves that shot, he deserves all the recognition, and all the praise because there’s no other player who works harder than him,” pagwawakas ng Barangay Ginebra Coach.

Abangan ang kapana-panabik na agawan ng trono sa pagitan ng Barangay Ginebra at ng gutom na TNT Tropang Giga matapos ang pitong taong pagkawala sa Finals. Magaganap ang mainit na pagtutuos sa darating na Linggo, Nobyembre 29.