IPINAGDIWANG ng matatapang na hanay ng mga estudyante at samahan ng mga kabataan mula sa iba’t ibang panig ng Asya ang National Students’ Day Summit sa pamamagitan ng isang makabuluhang diskusyong pinamagatang “SULONG: Onwards to Reclaiming Spaces for Student and Youth Voices,” Nobyembre 17.
Nagtipon ang ilan sa masisigasig na kabataan, kandidato, kilalang mambabatas, at pinuno ng mga organisasyon sa pagkilatis sa gampanin ng bawat mamamayan at pagtukoy sa inaasahang tugon ng kabataan sa mga isyung panlipunan. Tampok sa diskusyon ang samu’t saring hinaing ng mga kabataan na nagpapahiwatig ng kabuluhan ng pagkakaisa at pagbabagong minimithi ng bawat mamamayan.
Mitsa ng pangangalampag
Ibinida ni Kej Andres, isa sa mga tagapagsalita, na pangunahing balakid sa pagpapaunlad ng sarili at pagkamit sa mga inaasam na pangarap ang mga suliranin sa edukasyon na nagdudulot ng pisikal, mental, at emosyonal na stress sa kabataan. Aniya, mahalaga ang gampanin ng mga nakatatanda sa paghubog sa wastong pag-uugali at paniniwala ng susunod na henerasyon na magsusulong ng pagbabago sa lipunan.
Pinuri naman ni Atty. Neri Colmenares ang pangunguna ng mga kabataan sa makatotohanang pagbabago sa lipunan. Binigyang-diin niyang ang kabataan ang nasa tamang posisyon para usisain ang mga nag-aasam pamunuan ang inang Bayan. Gayunpaman, iginiit niyang ang patuloy na paglaganap ng pang-aalipusta at katiwalian sa bansa ang pangunahing dahilan ng mapanganib na kapaligiran para sa mga mamamahayag, aktibista, at mambabatas. Dagdag pa rito, tinuligsa niya ang panlilinlang ng ilang kandidatong gumagamit ng huwad na karangalan. Dahil dito, lubos niyang pinaalalahanan ang taumbayan na huwag magpasilaw sa hungkag na kaunlaran at hindi makamasang plataporma ng ilang kandidato.
Sa muling pagsubok ng bansa na maisakatuparan ang isang demokratikong halalan, ipinaalala ni Colmenares sa mga kabataang isama sa kanilang mga batayan sa pagpili ng susunod ng pinuno ng bansa ang makataong plataporma at magandang track record sa pamumuno. Aniya, kinakailangan ng isang pinunong gumagamit ng puso at utak sa pagtugon sa kakulangan ng trabaho, kalapastanganan sa karapatang pantao, at kawalan ng sapat na pagtindig sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Sa kabilang banda, iminungkahi ni Erika Yague, dating miyembro ng UNFPA Young Innovators Fellowship Programme sa New York, na ipatupad ang pagkakaroon ng Inter-Agency Standing Committee Youth Guidelines upang maging epektibo ang pagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangan, lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan. Pinaalalahanan niya ang mga kabataan na maging mapagmatyag at mapanuri sa pagboto sa darating na halalan upang hindi na muling masadlak sa kahirapan ang mamamayang Pilipino.
Nakibaka rin ang kumakandidatong Senador sa Australia na si Drew Pavlou sa pagsasaad ng kaniyang marahas na karanasan sa kamay ng mga mapangabusong Tsino na nagpahirap sa kaniyang pagtatapos sa unibersidad. Dagdag pa niya, nakatanggap siya ng mga pagbabanta sa kaniyang isinusulong na pagbabago. Dulot nito, ipinaglalaban niya ang karapatan ng bawat api na maging ligtas sa hindi makatarungang pagpatay at pang-iinsulto. Sa huli, nananalig siya sa kapasidad at katapangan ng mga kabataang ipagpatuloy ang mga adhikaing mangangalampag para sa tunay na kaligtasan at kaayusan.
Pandaigdigang laban sa paniniil
Nabigyan din ng pagkakataon ang mga progresibong indibidwal mula sa iba’t ibang bansa na ibahagi ang naging karanasan habang ipinagpupunyagi ang karapatang pantao mula sa mga awtokratikong gobyerno. Pinangunahan ni Johnson Yeung, dating secretary-general ng Hong Kong Federation of Students, ang patuloy na pagpuntirya ng kanilang pamahalaan sa demokrasya ng lungsod ng Hong Kong.
Sa patuloy na pagyurak ng gobyerno sa mga karapatan ng mga Hongkonger, ibinahagi ni Yeung ang pag-aaklas ng mga estudyante sa gobyerno sa pamamagitan ng pasasagawa ng mga malawakang protesta, mula sa mga organisadong pagliban sa klase hanggang sa hindi pagsunod sa mga awtoridad at mga batas nilang nagmamalabis. Iginiit niyang higit sa pamumulitika ang adhikain ng kabataan dahil para rin sa bayan ang kanilang isinasagawang pagkilos. “Student is a part of a larger democracy movement. [They] usually respond to a more authoritarian government. They don’t have their own political agenda,” paliwanag niya.
Sa kabila ng nakaambang panganib, walang takot na isiniwalat ng isang lalaki sa likod ng kamera ang mga pang-aabusong isinasagawa ng gobyerno ng Myanmar. Inilantad ni Myat Min Khant, kasapi ng All Burma Federation of Student Unions, ang kaniyang karanasang mamuhay sa ilalim ng rehimeng pilit na tinutuligsa ang ideya ng malayang pamamahayag at demokratikong pagkilos. Noong Pebrero, nagsagawa ng isang hindi makatarungang kudeta ang militar ng Myanmar upang patalsikin ang mga pinunong inihalal ng mga Burmese na naging sanhi ng pagkasadlak ng demokrasya sa kanilang bansa. Aniya, naging rason ang represyon ng kanilang gobyerno para itago niya ang sariling pagkakakilanlan, lalo na sa panahong patuloy na inaaresto ang mga aktibistang tulad niyang nakikibaka para sa pagtataguyod ng karapatang pantao ng mga taga-Myanmar.
“To be honest, we have lost everything. We have lost our human rights, civil rights. . . We have nothing more to lose,” paglalahad ni Khant ukol sa patuloy na paglaban nila sa isang mapang-aping administrasyon.
Ipinaalam ni Khant na hindi lamang natatapos sa mapayapang pakikibaka ang laban para sa karapatang pantao at demokrasya. Sa pagdadalumat niya sa pagmamalupit ng kanilang pamahalaan, inilahad niyang payapa silang kumikilos subalit walang habas na kinitil ng militar ang higit 1,200 inosenteng buhay at inaresto ang higit 10,000 katao. Sa patuloy na pag-aaklas ng kabataang Burmese laban sa isang pamahalaang nakadudusta, nananatiling malaking katanungan ang halaga ng buhay—mas pipiliin bang mamuhay nang walang karapatan o ibuwis ito para matamasa ang kalayaan?
Walang pinipiling lugar o bansa ang pakikibaka, ito naman ang binigyang-diin ni Gino Lopez, convenor ng Milktea Alliance Philippines, habang nagbabalik-tanaw sa mga pagkilos ng progresibong kabataan sa Timog-Silangang Asya laban sa pamahalaang mapanupil. Pinasaringan niya ang mga institusyong nananatiling tahimik sa kabila ng malaking banta sa malaya at demokratikong lipunan. Kabilang na rito ang isang internasyonal na organisasyon sa Timog-Silangang Asya na binansagan bilang Association of Seating, Eating, and Nothing dahil sa pagsasawalang-bahala nito sa mga nangyayaring paglalapastangan sa karapatang pantao ng mga mamamayan sa Thailand, Myanmar, Indonesia, at Pilipinas.
Sa patuloy na pakikibaka ng kabataan para sa kanilang kinabukasan, hindi maikukubling naipasa sa kanila ang pasaning harapin ang pagsubok na harapin ang mga suliranin sa Pilipinas. “We may feel sometimes na tayo na lang yung nakikibaka to restore our democracy, to fight for more rights, and fight for more social justice [but remember], we are stronger together,” giit ni Lopez.
Panawagan ng kabataan
Hinahadlangan man ng mapanupil na pamahalaan, tinutukan ng mga estudyanteng lider ang pagsamo nila sa isang mas demokratikong lipunan. Pinaugong nina Coleen Mañibo, secretary general ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), at Charlene Tiu, councilor ng Supreme Student Council mula sa University of San Carlos, ang panawagan para sa malayang pamamahayag. Patuloy na hinahamak ng administrasyon ang mga estudyanteng mamamahayag, ito ang binigyang-diin ni Melanie Feranil, national secretariat ng College Editors Guild of the Philippines. Aniya, kinahaharap ng mga kasapi ng mga pampublikasyong pangmag-aaral ang panganib na kaakibat ng red-tagging at banta ng death threats. “Dapat malaya tayong nakakapagpahayag ng ating criticisms sa pamahalaan. . . malaya nating naipapahayag ang mga nais nating ipahayag,” wika ni Mañibo.
Madalas mang nasasaksihan sa kamaynilaan ang mga protestang isinasagawa ng kabataan, ramdam ng lahat ang silakbong itaguyod ang demokrasya. Gayunpaman, buong-paninindigang isiniwalat ni Shane Melegrito mula sa University of the Philippines Mindanao na patuloy na hinahadlangan ang pagkakaroon ng progresibong pagkilos bunsod ng pananakot na nararanasan ng mga estudyante. Sumailalim sa batas militar ang Mindanao sa loob ng dalawang taon na nagdulot ng libo-libong kaso ng pang-aabuso sa kanilang karapatang pantao at kumitil ng higit 200 buhay. “Maiibsan lang ang takot ng individuals kung sama-sama tayong lalaban sa diktadurya,” panghihimok ni Melegrito.
Nanawagan naman si Raoul Manuel, national president ng Kabataan Partylist, para sa ligtas na balik eskwela ng mga estudyante. Naniniwala siyang maisasakatuparan lamang ito sa pagkakataong makikinig ang gobyerno sa panawagan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Kabilang sa mga panawagang ito ang lingguhang COVID-19 testing sa mga paaralan, pagkakaroon ng sapat na suplay ng bakuna, pagkakaroon ng pananagutan ng pamahalaan sa paglalaan ng pondo sa pagpapaayos ng mga silid-aralan, pagkakaroon ng karagdagang nars sa mga paaralan, at pagpapagamot nang libre sa mga taong mahahawa ng COVID-19 sa eskwelahan.
Malaki ang papel ng kabataang Pilipino sa pagpapaigting ng demokrasya at isa sa mga hiling ni NUSP National President Jandeil Ropero na magkapit-bisig ang kabataan katuwang ang ibang sektor upang gampanan ang papel na ito. “Nagkakaisa tayong mga estudyante, palaging nasa forefront ng ating mga laban, kasama ang ibang sektor kaya tuloy-tuloy na lalaban hanggang sa tagumpay,” pagtatapos niya.
Patuloy na niyuyurakan ng kasalukuyang administrasyon ang karapatang pantao ng mamamayang Pilipino at ang demokrasya ng bansa na pinaghirapang itaguyod ng mga naunang henerasyon ng bayaning kabataan. Sa pagdiriwang ng National Students’ Day, hindi lamang sapat na makinig at magsalita—oras na para aktibong kumilos at lumahok ang kabataan sa pagsusulong ng mga ligtas na espasyo upang paugungin ang panawagan para sa isang lipunang patas, demokratiko, at malaya.