SINELYUHAN ng TNT Tropang Giga ang kanilang puwesto sa finals matapos nilang dominahin ang do-or-die match kontra Phoenix Fuel Masters, 91-81, sa semi-finals ng 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Nobyembre 27, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center.
Bumida para sa Tropang Giga ang isa sa kanilang star guards na si Bobby Ray Parks Jr. matapos itong umukit ng double-double performance na may 26 na puntos, 10 board at anim na assist. Nakatulong din ang 12 puntos ni Simon Enciso mula sa bench at ang pangunguna ng isa sa mga beterano ng Tropang Giga na si Jay Washington matapos itong gumawa ng 11 puntos sa loob ng 17 minuto. Hindi rin nagpahuli ang binansagang “The Blur” na si Jayson Castro matapos itong makapagbahagi ng 11 puntos at anim na dime.
Binuksan ni RR Pogoy ng TNT ang do-or-die match nang magpakawala siya ng jump shot, 2-0, na agad namang itinabla ni Jansen Rios ng Phoenix, 2-all. Nagpakawala naman ng tira mula sa rainbow line ang beteranong si Washington ng TNT. Hindi rin nagpahuli si Bobby Ray Parks Jr. ng TNT nang makalusot ang kaniyang drive at tres ngunit napituhan ng stepping si Parks Jr. at iginiit ng referees na long two ang kaniyang tira, 10-8.
Lumahok ang rookie ng TNT at former Green Archer na si Kib Montalbo sa shooting party ng kaniyang koponan matapos siyang tumira mula downtown, 15-10. Ipinamalas naman ni RJ Jazul ang kaniyang husay bilang shooting guard ng Phoenix nang pumasok ang pinakawalang tres, 15-13.
Nagpatuloy ang nagbabagang opensa ng mga nakaitim sa pangunguna ni Enciso nang sunod-sunod na pumasok ang kaniyang mga binitawang tira. Naging dahilan ito upang umarangkada ang hawak na kalamangan ng TNT, 25-15. Bago magsara ang unang bahagi ng laro, tinapyasan ni Justin Chua ng Phoenix ang baong kalamangan ng katunggali nang makapukol siya ng tres, 25-20.
Tila naging mapait naman ang ikalawang bahagi ng laro para sa parehong koponan nang mahirapan silang bumuo ng matibay na opensa at depensa na nagbunsod sa sunod-sunod na mga mintis at turnover. Bagamat hirap makatira, buong kompyansang nagsanib-puwersa sina Pogoy at ang beteranong si Harvey Carey ng TNT para muling lumobo ang kalamangan ng kanilang koponan, 29-20.
Sinubukang paamuhin nina Brian Heruela at Rios ang opensa ng katunggali bago matapos ang unang kalahati ng do-or-die, 37-34, ngunit humabol ng tira si Washington at muling umangat ang kalamangan, 40-34. Hinirang bilang bida ng first half si Enciso nang makapagtala ito ng walong puntos.
Sa pagsisimula ng ikatlong yugto ng laro, tila uminit ang dalawang koponan matapos magpaulan ang bawat isa ng mga tres na sinimulan ni Washington. Bunsod nito, umangat ang kalamangan ng TNT sa siyam, 44-35, na agad namang sinagot ni Rios upang maibaba ang kalamangan sa pito, 44-37.
Nagpakita ng angas ang shooters ng Phoenix matapos magpakawala ng dalawang tres ang kanilang ace sniper na si Matthew Wright at starting point guard na si Brian Heruela para makalapit ang Fuel Masters sa Tropang Giga, 46-43. Sinagot naman nito ang 2013 FIBA Asia Championship Mythical Team Member na si Castro nang gumawa siya ng layup para umabante ang lamang ng TNT, 48-43.
Agad naman itong dinagdagan ni Parks Jr. at ni JP Erram para maingat ang lamang sa walo, 57-49, ngunit, natapyasan ang kanilang naipundar na puntos sa pamamagitan ng blowby layup ni Alex Mallari, 57-51. Sumagot ng limang magkakasunod na puntos si Castro para maging 11 ang bitbit nilang kalamangan, 62-51, ngunit naibaba ito sa siyam sa pagtatapos ng ikatlong yugto matapos gumawa ng dalawang puntos si Jason Perkins, 62-53.
Pagsapit ng ikaapat na yugto, nagpaulan agad ng tres si Wright, para maibaba ang kalamangan sa walo, 64-56, Hindi naman nagpahuli ang Tropang Giga matapos gumawa ng 6-0 run sa tulong ni Parks Jr. at Erram para maiangat ang kanilang kalamangan sa 14 na puntos, 70-56. Patuloy na nag-init ang TNT matapos gumawa ng limang magkakasunod na puntos ang dating FEU Tamaraw na si Pogoy para maingat kalamangan, 75-58.
Nagsagutan naman sa pagpapaulan ng tres sina Parks Jr. at Jazul, 82-67. Sa kabilang banda, nagkaroon ng labanan sa freethrow shooting sa dalawang koponan matapos magtala ng puntos ni Enciso para maingat ang kalamangan sa 16, 83-67. Binigyan naman ng buhay ni Calvin Abueva at Perkins ang kanilang koponan matapos silang gumawa ng anim na sunod na puntos para bumaba ang kalamangan sa sampu, 83-73.
Sa huli, hindi nawalan ng pag-asa ang Tropang Giga matapos pumarada nina Castro, Parks Jr., at Enciso sa freethrow line para maingat ang kanilang kalamangan, 89-79. Sa kabila nito, sinubukan pa ni Abueva na gawan ng paraan para maibaba ang kalamangan sa walo, 89-81, subalit naubos na ang kanilang oras kaya nakabalik na ang Tropang Giga sa PBA Philippine Cup Finals matapos ang pitong taon.
Hihintayin na lamang ng Tropang Giga ang kanilang kalaban mula sa isa pang mainit na serye sa pagitan ng Meralco Bolts at Barangay Ginebra San Miguel, para sa pagsisimula ng mainit na bakbakan sa finals sa Linggo, Nobyembre 29.