PATULOY NA BINUBUSALAN ng rehimeng Duterte at mga kaalyado nito ang bibig ng mga progresibong kabataan matapos maghain si Atty. Marlon Bosantog, Regional Director ng National Commission on Indigenous People (NCIP) ng Cordillera Administrative Region at tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sa Commission on Elections ng petisyon hinggil sa pagkakansela ng kandidatura ng Kabataan Partylist (KPL) sa Halalan 2022.
Ibinatay ng NCIP at NTF-ELCAC ang isinampang kaso sa kanilang malabnaw na alegasyon sa koneksyon umano ni KPL Representative Sarah Elago sa komunistang grupong Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Ayon sa isinampang petisyon ng ahensya, nagrerekluta umano ang KPL ng mga mag-aaral at mga kabataang lider upang magpalaganap ng mga araling may kinalaman sa mga prinsipyo at doktrina ng komunismo, tulad ng Batakang Kursong Pagpahi-ara sa mga Aktibista (BAKAPA), Araling Aktibista (ARAK), at Sexual Orientation Gender Identity and Expression (SOGIE).
Gayunpaman, idiniin ng partido na walang probisyon na nakasaad sa Executive Order No. 70 na nagbibigay-awtoridad sa NTF-ELCAC upang maghain ng demanda. Dagdag pa rito, hindi sinunod ng task force ang alituntuning nakasaad sa Republic Act 7941 o Party-List System Act para maisampa ang kaso ng kanselasyon. Subalit, naniniwala ang KPL na hungkag ang isinampang kanselasyon ng NTF-ELCAC dahil sa kakulangan sa pagkamakatwiran na batayan ng diskwalipikasyon.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), pinabulaanan ni Raoul Manuel, kasalukuyang Pangulo at unang kinatawan ng KPL para sa Halalan 2022, ang mga paratang laban sa partido. Naninindigan siyang maituturing na panre-red-tag at pagpapatahimik sa kabataan ang mga walang batayang akusasyon na ipinaglalaban ng NCIP at NTF-ELCAC.
“Ang disqualification case nila ay nakabatay sa paulit-ulit pero napatunayang basura na mga paratang. Before, dalawang kaso sa DOJ ay ibinasura at ‘yung kaso sa Supreme Court ay binasura din,” paliwanag ni Manuel. Dagdag pa ni Manuel, malinaw na isa itong paraan ng NTF-ELCAC upang patahimikin ang mga kritikong kabataan.
Sa panayam naman ng APP sa College Editors Guild of the Philippines (CEGP), iginiit nilang malaki ang gampanin ng KPL dahil itong partido lamang ang tanging representasyon ng sektor ng kabataan sa Kongreso.
Ayon din sa inilabas na pahayag ng KPL, hindi na bago ang ganitong pang-aatake ng NTF-ELCAC sa mga progresibong grupo. Gayunpaman, nananatili itong walang katotohanan sapagkat ilang beses nang ibinasura ang mga gawa-gawang kasong isinasampa ng NTF-ELCAC. Dagdag pa nila, mas kinakailangan ng partido na magpakasikhay sa sektoral na gawain at mga isinusulong na adbokasiya sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga pang-aatake.
Sa kabilang dako, ibinahagi naman ni Manuel na sa loob ng dalawang taong panunungkulan ni Elago sa Kongreso, nakapagsumite ang KPL ng 600 panukalang batas at resolusyon. Kabilang dito ang mga panukalang batas na itinataguyod ang karapatan sa edukasyon at malayang pamamahayag. Sa kabuuan, halos 619 na batas hinggil sa karapatan, kalusugan, trabaho, at edukasyon ang ipinanukala ni Elago.
Sa kabila ng banta ng diskwalipikasyon, kaisa ang kabataan sa patuloy na paninindigan at paglaban upang mabigyan ng puwesto sa Kongreso ang mga progresibong representante ng mga atrasadong sektor. Naniniwala si Manuel at ang CEGP na pinatutunayan lamang ng KPL na mahalaga ang pagkakaroon ng organisasyong kumakatawan sa tunay na danas ng kabataan upang epektibong maisulong ang mga panawagan ng mga pag-asa ng bayan.
Sa kasalukuyan, suportado ng iba’t ibang progresibong grupo at publikasyong pangmag-aaral ang laban ng KPL sa pagbabasura ng kasong diskwalipikasyon, lalo na ngayong nagbabadya ang pagbabalik sa Palasyo ng pamilya ng diktador at ang pagpapanatili sa puwesto ng mga kaalyado ni Duterte. Pagpapahayag ng mga kaalyado ng KPL, nararapat lamang na magkaisang tumindig sapagkat mahalaga ang papel ng kabataan sa lipunan upang tuluyan nang mabuwag ang bulok na sistema ng kasalukuyang administrasyon.
Matinding banta sa mata ng mga manunupil ang organisadong pagkilos ng lipunan. Noon pa man, bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas ang panghahamig, pag-oorganisa, at pagkilos ng nagkakaisang hanay ng kabataan upang isulong ang tunay na interes ng masang Pilipino. Tinatahak ang landas patungo sa hustisyang panlipunan at pangmatagalang kapayapaan na sinimulang itaguyod ng Katipunan hanggang sa mga hindi nagpapatinag na kabataan ng kasalukuyan.