ISINAPORMAL sa ikalawang sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagbibitiw sa panunungkulan nina Jayel Marie Jumagdao, EXCEL2021 batch president at Aileen Chan, EXCEL2021 batch vice president, Oktubre 29. Tinalakay rin sa sesyon ang mga pagbabagong isasagawa sa Annual Legislators Exam at ang pagsasaayos ng College Legislative Boards (CLB).
Pagtatapos ng termino ng ilang opisyal
Nagsimula ang sesyon sa pagbibitiw ni Jumagdao bilang batch president. Naniniwala siya na nararapat mamuno ang isang lider na handang maglingkod at magtaguyod ng karapatan ng pamayanang Lasalyano.
Paglalahad niya, “I believe that my newfound commitments regarding personal and professional matters will hinder me from fulfilling the responsibilities that this organization calls for.” Kaugnay nito, nagpasalamat siya sa pagkakataong ipinagkaloob sa kaniya upang manilbihan bilang batch president.
Ipinasa ang panukala sa botong 21 for, 0 against, at 0 abstain.
Sumunod namang inilahad ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, ang panukala ukol sa pagbibitiw ni Chan mula sa panunungkulan. Pagsasaad ni Chan, “I’m afraid that my circumstances may hinder me from performing my best.” Aniya, lubos na naapektuhan ang kaniyang kalusugang pangkaisipan dulot ng stress mula sa gawain sa paaralan, personal na buhay, at ekstrakurikular na gawain.
Ipinaabot din niya ang kaniyang taos-pusong pasasalamat sa iginawad na oportunidad ng kaniyang mga kapwa estudyante upang mapaglingkuran sila. Inilahad niya na gagamitin niya ang oras na ito upang pagtuunang-pansin ang mga personal niyang suliranin. Sa kabilang banda, ipinahayag ng dalawang naturang opisyal na matagumpay nilang naisaayos ang lahat ng mga iniatas na gawain sa kanila bago lumiban sa posisyon.
Ipinasa ang resolusyon sa botong 19 – 0 – 0.
Pinasalamatan naman nina Francis Loja, Chief Legislator ng LA, Aeneas Hernandez, EXCEL2022, at Ignacio, sina Jumagdao at Chan sa kanilang ibinigay na serbisyo at dedikasyon sa USG. Ani Loja, “I have seen how both of them worked with our batch legislator and how they prospered as a batch government.” Dagdag pa rito, inihayag din ni Ignacio na maraming naisakatuparang proyekto ang dalawang opisyal sa loob ng pitong buwan.
Pagtatalaga ng mga opisyal sa College Legislative Boards
Inabisuhan ni Loja sa huling bahagi ng sesyon ang mga kinatawan ng LA na magtalaga ng chairperson sa kani-kanilang CLB. Kaugnay nito, humingi siya ng ulat hinggil sa progreso ng bawat kolehiyo.
Ipinaalam ni Ashley Francisco, FAST2020, na napagdesisyunan nilang italaga si Sen Lecitona, FAST2019, bilang chairperson ng kanilang CLB. Kasalukuyang din silang nakikipag-ugnayan sa Arts College Government para sa mga isasagawang proyekto at plano.
Isinaad naman ni Ched Tan, BLAZE2022, na nakapagtatag na ng internal structures at nakapagkonsulta na sa kanilang college president ang kanilang kolehiyo. Itinalaga nila si Tiffany Chua, BLAZE2023, bilang chairperson ng kanilang CLB.
Samantala, nakatakdang magsagawa ng pagpupulong sina Raphaela Tan, 75thENG, upang maisaayos at makapagluklok ng chairperson sa kanilang CLB. Ibinahagi rin niya na nakagawa na ng group chat (GC) ang kanilang kolehiyo para rito.
Inaasahan namang magsasagawa ng pagpupulong sina Hernandez at Javier Pascual, kinatawan ng Laguna Campus Student Government, upang mapag-usapan ang pagtatalaga ng chairperson ng kanilang CLB.
Ibinahagi naman nina Julienne Gonzales, EDGE2020, at Celina Vidal, FOCUS2018, na kasalukuyan nilang isinasaayos ang mga plano para sa kanilang kolehiyo. Kabilang sa naturang plano ang pagtatalaga ng chairperson para sa kanilang CLB. Itinalaga naman si Keil Finez, CATCH2T23, bilang chairperson ng College of Computer Studies.
Pagpapaliban sa araw ng annual Legislator’s Exam
Matatandaang nabanggit sa huling sesyon ng LA ang petsa ng pagsasagawa ng taunang legislator’s exam. Nakatakda itong ganapin sa Miyerkules, Nobyembre 3. Subalit, inanunsyo ni Loja na ipagpapaliban ang naturang pagsusulit bunsod ng kinahaharap na suliranin ng ilang kinatawan ng LA.
Giit ni Loja, maaari lamang itong ipagpaliban sa Huwebes o Sabado, Nobyembre 4 at 6 dahil inaasahang magkakaroon muli ng sesyon sa Biyernes, Nobyembre 5. Kaugnay nito, iminungkahi ni Francisco na gumamit ng poll sa kanilang GC upang mapabilis ang botohan.
Binanggit din ni Loja na gagamitin nila ang sistemang ipinatupad ni Giorgina Escoto, dating Chief Legislator at kasalukuyang pangulo ng USG, para sa gaganaping pagsusulit. Bubuksan ng 24 na oras ang pagsusulit ngunit mayroon lamang 90 minuto ang mga kinatawan ng LA upang matapos ito. Ipadadala rin kalakip nito ang mga panuto ukol sa log-in at log-out sheets.
Samantala, inaalam naman ni Hernandez ang mga aspektong marapat pagtuunang-pansin ng mga kinatawan ng LA. Tugon ni Loja, marapat na bigyang-pansin ang USG Constitution, Rules of the LA, mga manual, katulad ng Admin Code at USG Code of Violations, pati na rin ang pagbuo ng resolusyon. Dagdag pa rito, ibinahagi niya na maglalakip din siya ng ilang katanungan ukol sa pambansang usapin.
Sa huli, ipinaalam niya na maaari ding piliin ng mga kinatawan ng LA ang oral examination bilang pamalit sa nakasanayang paraan. Mayroon lamang itong limang katanungan at tatlo dito ang kinakailangan nilang masagot nang tama. Gaganapin ito sa parehong araw at magkakaroon ng parehong saklaw ng mga paksa.
Isasagawa ang pagsusulit sa Sabado, Nobyembre 6.