WAGING SELYUHAN ng mga ahente ng Blacklist International (BLCK) ang magiting nitong kampanya sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8 matapos dominahin ang Lower Bracket Finals kontra Smart Omega. Matagumpay ring nakabawi ang back-to-back champion mula sa kanilang unang pagkatalo noong elimination round kontra Onic Philippines. Buhat nito, pinatahimik ng BLCK ang imik ng talaan ng Onic sa loob ng limang laro, 4-1, sa best-of-seven Grand Finals ng MPL Philippines Season 8 nitong Linggo, Oktubre 24, sa World Trade Center.
Pagparingas ng kumpiyansa sa playoffs
Matagumpay na binagtas ng nagbabagang Onic ang Upper Bracket Finals matapos dominahin ang Smart Omega sa loob ng tatlong laban. Nagsilbing susi ng kanilang tagumpay ang bagsik ni child prodigy Kairi matapos ibandera ang kaniyang solidong objective-pathing sa kabuuan ng serye, daan upang mapasakamay ang malaking kalamangan sa gold.
Sa kabuuan ng Upper Bracket Finals, binigyang-priyoridad ng Onic ang game objectives sa mapa at turrets upang guluhin ang estratehiya ng Smart Omega sa opensa at depensa. Sinubukan namang pantayan ng Omega ang talim ng bakbakan matapos pumanig sa maliliksing bayani patungo sa ikalawa at ikatlong laban. Gayunpaman, bigong makapuslit ng laro ang Omega matapos makatungtong sa drafting ang Onic mula sa pangunguna ng sustain ability ng bayaning si Rafaela na hawak ni Beemo.
Pagpasok ng Lower Bracket Finals, mainit na sinalubong ng BLCK ang dumausdos na koponang Smart Omega para sa huling puwesto sa Grand Finals. Maagang pinairal ng mga ahente ng Blacklist ang tanyag nitong UBE-strategy matapos masipat ni OhMyV33nus ang kaniyang Rafaela at Mathilda support pick sa unang dalawang yugto ng serye, sapat upang agarang dalhin ang koponan sa 2-0 kartada.
Pagtapak sa ikatlong laban, nakakuha ng oportunidad na makabangon ang Omega matapos nitong kumamada ng isang hard-engage na komposisyon kontra sa BLCK. Sa pangunguna ng Aldous-Barats frontline nina Raizen at Renzio, bumagsak ang depensa ng defending champion, 2-1. Hindi naman binigyan ng pagkakataon ng Blacklist na makalanghap ng hangin ang Omega matapos nitong tuldukan ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng pinaigting na 5-man macro plays, 3-1.
Mapansok na gitgitan ng grand finalists
Sa pangunguna ni Edward, maagang pinatumba ng BLCK ang Onic para sa unang laban ng Grand Finals. Bukod dito, nagpakawala ng mabagsik na opensa sa midlane ang BLCK na nagsilbing daan sa pagpaslang ni Edward kay Onic Kairi. Sa huli, pinatikim ng walang tigil na pagpaslang ni Hadji ang mga katunggali, 1-0.
Hindi naman nagpatinag ang Onic sa ikalawang yugto nang simulan ni Dlarskie ang unang limang minuto ng sagupaan sa pagpaslang kay OhMyV33nus at Wise. Bunsod nito, nagpatuloy ang momentum ng Onic sa pangunguna nina Markyyyyy at Dlarskie. Sinubukan mang makabawi ng BLCK, tuluyan namang tinuldukan ng Onic ang ikalawang salpukan na pinangunahan ng triple kill ni Markyyyyy, 1-1.
Pagdako sa ikatlong yugto ng sagupaan, nabigong protektahan ni Baloyskie ang kanilang turret kontra sa puwersa ni OhMyV33nus. Hindi naman nagpahuli ang Onic matapos gipitin nina Beemo at Kairi si Hadji. Subalit, nalaglag sa kasamaang palad si Beemo gamit ang fighter na si Jawhead matapos malasap ang pait ng ganti ni Hadji. Bukod dito, pinaulanan pa ng BLCK nang rumaragasang kills ang Onic matapos sagasaan ni Wise sina Dlarskie at Kairi. Sa huli, nalasap ng BLCK ang ikalawang tagumpay nang muling madehado sina Dlarskie at Baloyskie mula sa mga lumiliyab na galamay ni Wise, 2-1.
Umarangkada naman ang bagsik ng BLCK sa ikaapat na yugto matapos sungkitin ni Edward ang first blood. Pagkalipas ng limang minuto, tila humugot ng kumpiyansa ang BLCK nang tumagos ang lagitik ng sanib-puwersang tirada nina Hadji at Edward kay Beemo. Sa huli, nagpatuloy ang momentum ng naghaharing koponan kaya hindi na ito pinatagal ni Edward nang maghatid ng mega kill kay Dlarskie at double kill kay Hatred, 3-1.
Sa unang bahagi ng huling laban para sa grand finals, ikinasa ng Onic ang kanilang natitirang bala matapos ipamalas ni Kairi ang thornrose combo na nagpabagsak kay Hadji. Nagwagi namang tinapatan ng BLCK ang katunggali matapos patumbahin ang turtle at apat na miyembro ng Onic. Matapos nito, agad na tinuldukan ni Oheb ang pag-asa ng natitirang kalaban na si Beemo na naging susi sa pagkawagi ng BLCK sa Grand Finals.
Tagumpay ng batikang manlalaro
Humakot ng kabuuang 9.4 na assist at 2.8 kill ang new recruit ng Blacklist na si Hadji sa Grand Finals ng MPL Philippines Season 8. Bunsod nito, binansagang Finals Most Valuable Player (MVP) ng torneo ang naturang manlalaro. Mula sa top pick heroes ni Hadji na sina Yve, Grock, at Chou, madaling nakamtan ng BLCK ang kampeonato laban sa Onic.
Noong MPL PH Season 6, napabilang din si Hadji sa Grand Finals matapos siyang magpakitang-gilas kasama ang dating mga kakampi sa Smart Omega. Bunsod nito, nakamit ni Hadji ang titulo bilang natatanging manlalarong Pilipino na sasabak nang dalawang beses sa Mobile Legends: Bang Bang M3 World Championship matapos hiranging Finals MVP sa MPL PH Season 8.
Sa panayam ng Manila Bulletin, ipinahayag ni Hadji na matagal na niyang inaasam na manalo sa MPL matapos mabigo noong Season 6 Grand Finals sa mga kamay ng Bren Esports. “Sobrang saya ko po, simula [pa noong] season 2 matagal ko ng pangarap [na manalo sa MPL] kaya ‘di ako nahinto sa pagsali sa MPL kasi gusto ko po talagang mag-champion,” pagbabahagi ng Finals MVP.
Matapos tuldukan ang makapigil-hiningang sagupaan, taas-noong nakamit ng Blacklist International ang kampeonato matapos pabagsakin ang Onic PH, 4-1, sa best-of-seven grand finals ng MPL Philippines Season 8. Kaakibat nito, naiuwi ng back-to-back champion ang gintong medalya at mahigit Php1,700,000. Kasama ang Onic, sasalang din sa torneong Mobile Legends: Bang Bang M3 World Championship ang Blacklist International bilang kinatawan ng Pilipinas matapos mapabilang sa Grand Finals ng MPL Philippines.