BIGONG MASUNGKIT ng De La Salle University (DLSU) Asian Baby Boys (ABB) ang kampeonato matapos ang matinding bakbakan kontra Ateneo de Manila University (ADMU) LG Hydra, 2-3, sa kanilang paghaharap sa grand finals ng National Campus Open: League of Legends (NCO LoL) Season 3, Oktubre 2.
Upang iangkla ang kaniyang koponan sa bilang ng mga nakatalang kampeon sa NCO LoL, lumaban hanggang dulo ang ABB sa kamay ni Ciaran buhat ang kaniyang tumataginting na 10-5-9 kill, death, at assist (KDA). Sa kabilang banda, pinangunahan ni LG Hydra captain Yhobel ang pag-arangkada ng ADMU tangan ang kabuuang bilang ng KDA na 14-8-23.
Pakiramdaman ng kulo
Pinasalabungan ng dalawang bigating koponan na LG Hydra at ABB ang harapan sa rift sa pamamagitan ng kanilang magkaibang estratehiya. Hinulma ng Hydra ang kanilang komposisyon tangan ang scaling trio na sina Camille, Twisted Fate, at Kog’maw, na ginamit nina Swapito, Yobhel, at Znake na nagpahirap sa gustong itaguyod ng ABB na estratehiyang early-game-bruisers pool.
Maaga namang pinuntirya ng DLSU ang mga obhetibo ng laro upang kargahan ang kanilang opensa buhat ng mga dalaw ni Jungler Relevancez gamit ang LeeSin. Bunsod nito, nabiyayaan ng early game na abante sa top lane si Baby Ego matapos ibuhos ni Relevancez ang pokus ng dalaw sa unang sampung minuto ng salpukan.
Tinumbok din ng ABB ang mid-game access nito matapos puwersahin ang LG Hydra na makipagsalpukan sa Dragon pit. Sa kabila nito, umabante naman ang LG Hydra matapos itudla nina Yhobel at flank ang Twisted Fate Destiny kontra kay top laner Swapito na gumamit ng Camille na nagkamit ng nakamamanghang isolation play. Bunsod nito, agad namang pinataob ng ADMU si Leomarc na pumilay sa inihandang opensa ng ABB.
Pagtungo ng ika-25 minuto, lumobo ang kalamagan ng LG Hydra sa ekonomiya na siyam na libo matapos nilang ipukol ang dalawang ACE sa magkasunurang Dragon at Baron pit skirmish kasabay ng dragon soul nito. Samantala, tuluyan namang sinelyuhan ng LG ang unang laban sa pamamagitan ng maagap nitong estratehiya at ability-power-build Kog’maw ni Znake na gumulat sa makalat na opensa ng DLSU.
Ikalawang bakbakan
Nagpatuloy ang agresibong simula ng LG Hydra sa ikalawang yugto sa pamamagitan ng pagkuha sa first blood ni LG Yobhel sa top lane. Matapos nito, pinangunahan nina LG Swapito at LG Smexy ang maagang 3v1 na pag-atake nila kontra sa Camille ng ABB, 1-all. Makalipas ang ilang minuto, ipinaramdam muli ng LG Hydra ang masakit na pag-atake nila sa Camille ng top lane. Matapos itong takasan ni Baby Camille, agad itong napatay nina LG Swapito at LG Smexy na nagbigay ng malaking kalamangan kontra sa kabilang koponan.
Sinubok naman ng ABB na tapatan ang pag-abante ng LG Hydra gamit ang solidong depensa ni Braum at sabay na pagsungkit ni XIn Zhao kay Kog’Maw, 1-2. Buhat nito, mistulang nabuhay ang tunay na pagbabalik ng ABB sa malinis na 1v1 ni Baby Ciaran kontra LG Znake na nagdala sa talaan na 2-all sa huling sampung minuto. Tinangka naman ni Baby Leomarc na dalhin ang ABB sa 3-0 streak. Subalit, naungusan ng bagsik ng LG Hydra ang muntikang pagkitil kay LG Smezy matapos sumulpot at magpakawala ng first kill si LG Znake, 2-3. Sa huli, pinaigting ni LG Znake ang pag-arangkada ng LG Hydra at nagawang utakan si Baby Relevancez.
Gayunpaman, hindi nagpatinag ang ABB sa pangunguna ni Baby Relevancez matapos bulagain ng kaniyang Xin Zhao si Ryze, 3-4. Bumawi naman si Xayah at pinaulanan ng atake ang Leona ng ABB, 4-all. Humantong sa maaksyon na pagtatapos ang ika-20 minuto ng ikalawang yugto at nanatiling lamang ng halos 2,000 gold ang LG Hydra. Sa huling minuto, nakahanap ng tiyempo ang LG Hydra dahil sa magandang set nilang nagsilbing tulay sa kanilang apat na kills kontra sa isang kill na nakamtan ng ABB, 6-11. Sa kabuuan, nagpahiwatig ng kakaibang estratehiya ang LG Hydra sa pag-agaw ng tropeo mula sa defending champions.
Pag-angat ng kumpiyansa
Ipinamalas muli ng LG Hydra ang naipon nitong daluyong gamit ang kanilang roaming-heavy pick na si Ryze laban sa mas pinaigting na komposisyon ng ABB na sumugal sa isang Twisted Fate at Yuumi pick papasok ng ikatlong tapatan.
Tinangka namang bigyan ng LG Hydra ng isang mahirap na early game farm ang bottom lane ng ABB matapos tambakan ng 23 creep score si Baby Leomarc gamit ang Ezreal, sa pangunguna ni LG Znake gamit ang kaniyang Miss Fortune. Sa kabilang banda, mistulang inagrabyado sa unang dalawang laro ang pagmaniobra at pagbawi ni Baby Ego tangan ng Fiora matapos puksain ang natutulog na opensa ng katunggali at maglatag ng unang pagbasag ng tore sa tulong ni Baby Relevancez.
Bilang karagdagan, hindi nakaporma ang LG sa mas maliksi at mabilis na operasyon sa mapa ng ABB dulot ng roaming capability ng Twisted Fate at mobility ni Baby Relevancez sa unang kabanata hanggang mid-game. Buhat nito, napuwersa ang LG Hydra na dumepensa na lamang habang pinuntirya naman ng ABB ang mga tore ng kabilang koponan na nagpalobo sa ekonomiya nilang umabot sa walong libong ginto.
Sinubukang pumiglas ni LG Yhobel sa pagdomina ng ABB sa laban gamit ang mabilis na wave clear ni Ryze matapos makakulimbat ng isang triple kill sa mid-lane skirmish na nakapag-antala sa panapos na danyos ng ABB. Gayunpaman, bigo nitong buhatin ang koponan pabalik na nagbunsod sa pagkupkop ng ABB sa una nitong panalo sa serye na pinangunahan ng tambalang Ciaran at Relevancez na naging piloto ng opensa at sustain na dulot ng Yuumi ni Usagi.
Pagtulin ng opensa
Binagtas ng ABB ang huling pagkakataon na depensahan ang kampeonato mula sa LG Hydra. Kapansin-pansin ang paggamit ng ilan sa miyembro ng ABB sa pamilyar na main hero ng koponan. Gamit ang line up na ito, nakuha ng koponan ang agarang first blood sa pangunguna ni Amunu kontra Leona, 1-0.
Mabilisang sinundan ito ng pagkitil ni Anivia kontra sa malambot na Viktor ng kalaban, 2-0. Patuloy ang pag-init ni Anivia at pinatumba ulit ang Viktor ni LG Yobhel para sa 3-0 killing streak. Nagpadama naman muli ng pagbabalik ang LG Hydra sa matapang na pag-atake ni LG Smezy laban kay LG Leomarc. Sa huli, tinuldukan ng ABB ang ikaapat na paghaharap sa huling set ni Baby Usagi na nagpahiwatig ng unti-unting pagbabalik ng ABB sa kanilang puwesto, 20-10.
Sa ikalimang yugto ng bakbakan, sa pangunguna ng Vollibear ni Baby Relevancez, napasakamay ng ABB ang mga neutral objective sa unang 15 minuto ng tapatan. Bumawi muli ang ABB nang maagaw ni Relevancez ang dragon soul buhat ng maling bitaw ng Supreme Display of Talent ni LG Smexy na nagpaliko ng bentahe sa ABB. Gayunpaman, hindi pumayag ang tropa mula Katipunan nang pilitin nitong puksain si Relevancez gamit ang stun card na pinakawalan ni LG Yhobel at Bullet Time ni LG Znake na nagbigay sa ABB ng pighati kasunod ng pagkalusaw ng Baron sa panig ng LG.
Buhat ng kanilang hangaring manalo, patuloy na namayagpag ang LG Hydra papasok ng ika-30 minuto matapos ang matinding laro ni LG Swapito na nagpamaga sa core champions ng ABB. Pinilit pa ring habulin ng ABB ang LG gamit ang Mantra-Inspire combo ni Karma sa kamay ni Baby Usagi. Sa kabila ng kanilang paghahabol, napag-interesan nina LG carry Swapito at Znake na tumupukin ang nanganganib na base ng kalaban upang wakasan ang paghahari ng ABB at bitbitin ang koponan sa kanilang unang kampeonato. Bunsod nito, naibulsa ng LG Hydra ang Php30,000 premyo, limang G502 Hero Gaming Mouse, at 7,000 Riot Points, sa pangunguna ni Team Captain Yhobel.