No Michael Jordan of Valorant, just xavi8k.
KATULAD ng mga sikat na batikang atleta sa iba’t ibang larangan ng isports, hindi rin madaling napasasakamay ng mga estudyanteng manlalaro ang katanyagan sa loob ng isang gabi. Inaabot ng mga buwan o taon bago sila makarating sa rurok ng kani-kanilang karera. Maliban dito, hindi lamang sa mismong paglalaro ng online games napauunlad ng bawat professional player ang angking talento sa Esports, bagkus sinisiguro nilang naglalaan sila ng sapat na oras upang makapag-ensayo kasama ang kanilang teammates.
Maliban sa mga pampisikal na isports, mayroon ding itinatagong kuwento ang mga alamat ng Esports tuwing lumalahok sa mga pro-league na kompetisyon, tulad ni Xavier “xavi8k” Juan, kapitan ng koponang Valorant ng Viridis Arcus (VA). Dulot ng kabi-kabilang liga na sinalihan at napagtagumpayan ng estudyanteng atleta, gaya ng mga torneo sa AcadArena, pinagsumikapan ni xavi8k na pangunahan ang De La Salle University (DLSU) Valorant Team bunsod ng kanilang malalakas na katunggali mula sa mga dekalibreng koponan ng iba’t ibang Pamantasan.
Kasaysayan ng isang alamat sa Valorant
Dati nang nakikipaglaro si xavi8k sa mga manlalaro ng Ateneo de Manila University (ADMU) LG Esports bago pa siya hiranging kapitan ng VA. Bunsod nito, agad na napukaw ang interes ng kasalukuyang scoring machine ng VA na bumuo ng sariling Esports team ng DLSU. Kasalukuyan mang magkaribal sa entablado, tinulungan umano siya ng mga manlalaro ng LG Esports na buuin ang VA Valorant team. “LG helped me start VA, like the VA Valorant—like the rivalry—there’s a rivalry but then we’re still friends. So the LG manager, Pat, he helped me contact VA and then I formed the VA team,” pagbabahagi ni xavi8k sa ASUS Republic of Gamers Boostcamp Labs.
Nakilala man bilang isang manlalaro ng Valorant, ibinahagi ni xavi8k na nag-umpisa siyang maglaro ng ibang first-person shooter games bilang libangan noong 12 taong gulang pa lamang siya. Nagsimula ang itinaguriang Raid Boss na maglaro ng Counter-Strike: Global Offensive (CSGO). Sa katunayan, inirekomenda lamang ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Dominic “LG Skwammy” Juan, mula ADMU LG Esports, na laruin ang Valorant.
Matapos mahumaling sa paglalaro ng Valorant, napagtanto ni xavi8k ang pagkakaiba nito sa iba pang first-person shooter games na kaniyang nilalaro dati. Aniya, mayroong abilidad ang bawat karakter o agent sa Valorant kompara sa CSGO. Dagdag pa rito, ipinaliwanag ni xavi8k na nagustuhan niya ang pagkakaroon ng pagkakaiba-iba ng abilidad ng bawat karakter sa Valorant. “[I like] the abilities ‘cause if you have a mechanic, you’re mechanically gifted. If you don’t have the game sense, you won’t be good. I enjoy the like, using every single ability of all the agents,” pagbabahagi ng kapitan ng VA.
Sa likod ng mga parangal
Mula sa pagpapakawala ng 40-bomb hanggang sa kaniyang knife skills, kahanga-hanga ang ipinapakitang katatagan at kahusayan ni xavi8k tuwing nakikipagbakbakan sa larong Valorant. Kaya naman, matagumpay na pinangunahan ni xavi8k ang koponang Lasalyano na VA noong grand finals ng UAC Valorant Season 2, na nagresulta sa kaniyang pagiging defending champion sa ikatlong season nito. Masilakbong dinomina ng VA ang grand finals kontra ADMU LG Esports matapos ang kanilang malinis na laro na nagbunsod sa magkakasunod nilang panalo, 3-0, mula sa pangunguna ng mga 40-bomb ni xavi8k. Kamakailan, nakamit naman ng defending champion ang puwesto sa grand finals nitong Setyembre 26, matapos magwagi kontra kapwa powerhouse team na Holy Angel University Valiant Esports sa semifinals ng UAC Valorant Season 3.
Pinatunayan naman nina xavi8k at ang kaniyang mga kakampi sa VA ang kanilang kagila-gilalas na talento sa pagkakaisa at pagpapakawala ng maiinit na tirada habang nakikipaglaban sa mga Esports competition ng larong Valorant. Sa katunayan, nagsisilbing inspirasyon para sa kapitan ng VA ang mga pinasinayaang titulo ng kaniyang koponan sa mga kompetisyong kanilang sinalihan sa loob at labas ng bansa. “I think we represented the Philippines twice under VA to compete abroad. And that hunger, you know, like playing against the best, like I want my name to be known,” paglalahad ng kapitan ng koponang VA.
Sa likod ng mga napagtagumpayang tunggalian, puspusan ang pag-eensayo ni xavi8k upang mapaghandaan ang mga katunggali sa UAC at mahasa ang sariling taktika. Kaakibat nito, mahigit walong oras kada araw ang kaniyang binubuno sa pag-eensayo. “I just deathmatch a lot. I practice in the range, that’s my warm up routine. Range and then deathmatch, and then I just play rank there,” wika ni xavi8k.
Kapangyarihang taglay ng pagtitiwala sa sarili
Nagbalik-tanaw rin si xavi8k sa mga taong nagtulak sa kaniya na maging professional player sa entablado ng Esports. Bunsod nito, buong puso siyang nagpapasalamat sa ilang CSGO pro-players mula ADMU na kadalasan niyang nakalalaro. Nagsilbing inspirasyon at tagapayo niya ang mga beterang manlalaro mula ADMU upang mapaunlad ang kaniyang talento sa paglalaro ng CSGO at Valorant. “I was just really motivated on what I liked, what they were, and what I could become. I just kept on practicing and grinding and playing,” aniya.
Maliban sa pagkakaroon ng inspirasyon mula sa mga iniidolong manlalaro, binigyang-diin ni xavi8k ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tiwala sa sarili. Para sa kaniya, kinakailangan ito upang magkaroon siya ng kompiyansa tuwing sumasabak sa mga entablado ng Esports, gayundin sa pagpapalabas ng kaniyang tunay na potensyal bilang manlalaro. “I just kept on practicing, grinding, and playing. . . I think confidence is a really big factor [to compete in Esports tournaments]. You need your confidence [to win],” giit niya.
Sa kabilang banda, hangad ni xavi8k na mapasakamay ang three-peat championship sa UAC Valorant Season 3. Matapos magpunyagi sa semifinals, maaasahan ng mga tagahanga ng VA na patutunayan muli ni Raid Boss xavi8k ang kapangyarihang taglay ng pagtitiwala sa sariling husay at determinasyon sa grand finals ng UAC Valorant sa darating na Linggo, Oktubre 3.