UMIKOT sa mundo ng digital gaming ang Ecolympics 2021 na isinagawa ng ECONORG sa kanilang Facebook page nitong Agosto 20 hanggang 28 bilang handog sa mga estudyanteng Lasalyano na naglalayong maipamalas ang kanilang angking galing sa paglalaro at mahasa ang kasanayan sa pag-iisip.
Bukod sa kakayahang makabuo ng madiskarteng pag-iisip sa pamamagitan ng paglalaro ng Esports, nagbibigay-daan din ang torneo para sa kasiyahan ng mga kalahok, lalo na ang mga indibidwal na hindi gaanong aktibo sa larangan ng pisikal na isport. Taon-taon, iba’t ibang koponan ang naghaharap at nagnanais na makamit ang kampeonato sa Ecolympics.
Mekaniks ng torneo
Nagpakitang-gilas sa Ecolympics ang 32 koponan mula sa East at West na mga pangkat. Mula rito, nagkaroon ng single elimination round ang mga manlalaro sa pamamagitan ng isang do-or-die game. Matapos ang unang bakbakan nitong Agosto 20, umabante ang mga nagwaging koponan sa quarterfinals.
Sumabak naman ang natitirang koponan sa semi-finals. Matapos ang madikit na laban, nanaig ang mga koponang TME at Road and Kill Pandaren Knights (Rk-Pk) mula sa West, habang nagpasiklab naman ang mga koponang Ground Zero at Deus Regum mula sa East.
Sa huling yugto, nanguna ang Rk-Pk at Ground Zero na nabigyan ng pagkakataong makamit ang kampeonato sa torneo. Humarap ang dalawang pangkat sa isang best-of-two finals upang matukoy ang hihiranging hari ng Ecolympics 2021.
Malagim na patikim ng unang yugto
Sa unang yugto ng sagupaan, sinubukan ni Christian “PaiSen” Hermano na matamo ang unang puntos sa tulong ni Val “Hiruxx” Dulay na nagbunsod sa unang paslang laban sa Ground Zero. Binantayan namang maigi ng magkabilang koponan ang unang turtle of the game na nagdulot ng matinding salpukan sa gitna. Pinangunahan ni David “Offlane Diff” Marin ang pagpaslang kay Hiruxx, habang sunod na pinataob naman ni Joshua “Psycho Hits Diff” Abaya ang unang turtle. Agad namang sinagot ni Angel “Yeji” Alimorong mula Rk-Pk ang kabilang koponan na nagpatabla ng iskor, 2-all.
Humigpit ang kagustuhan ng Ground Zero na dukutin ang pangalawang turtle of the game ngunit hindi nagpatalo ang Rk-Pk. Walang awang kinalaban ni Psycho Hits Diff ang kabilang koponan. Bunsod nito, napasakamay ng koponan ang pangalawang turtle na agarang sinundan ng pagtulak ni PaiSen sa bottom lane. Patuloy naman sa pag-set si Psycho Hits Diff sa middle na nagbadya sa pagpaslang ni Hiruxx kay Yuri “Nobara Kugisaki” Poblete at nagdulot ng 141 trade-off sa magkabilang panig.
Nagpatuloy ang momentum ng Rk-Pk, sa pangunguna ng tandem nina Psycho Hits Diff at PaiSen, ngunit nadepensahan naman ng Ground Zero ang kanilang top lane, 12-8. Sa kabila nito, nakalikom ng 4000 gintong kalamangan at nakapagpabagsak ng tatlong turret ang koponang Rk-Pk.
Taas-noong dumating ang lord ng Rk-Pk ngunit hindi nagtagal at napaslang ito ng kabilang koponan. Sa kabila nito, napabagsak ng Rk-Pk ang huling top land turret sa pangunguna ni Psycho Hits Diff na agarang sinundan ni PaiSen. Sa pamamagitan din ng triple kill ni Psycho Hits Diff, tuluyang tinapos ng Rk-Pk ang unang salpukan, 22-12.
Hagupit ng ikalawang yugto
Hindi pa man umaabot sa dalawang minuto ng ikalawang yugto, nagliyab na ang pwersa ng koponang Rk-Pk nang pangasiwaan ni Conde “Connix” Hermano ang early clash sa gitna. Natikman ng Ground Zero ang unang paslang nang mapasakamay ni Connix si Nobara Kugisaki. Sinabayan din ng tank na si PaiSen ang pagpaslang kay Reg “Mina” Niedo, 3-1.
Puspusang hinadlangan ng Rk-Pk ang pagbangon ng Ground Zero nang patumbahin nila ang turret ng kalaban sa bottom lane na nagbunga ng 2000 puntos na advantage sa Rk-Pk, 5-2. Pinadikit pa ng koponan ang talaan nang magtagumpay muli ang Rk-Pk na pabagsakin ang ikalawang turret ng Ground Zero.
Walang humpay ang pananalakay ni Psycho Hits Diff nang sugpuin niya ang midlane turret ng kalaban. Nagbadya naman ang malagim na kapalaran ng Ground Zero nang mapain si Offlane Diff kay Connix, subalit naghiganti ang mage na si Lunox na gamit ni Nobara Kugisaki matapos siyang paslangin sa unang hidwaan sa ikalawang yugto.
Tinuldukan ng Rk-Pk ang laban mula sa hagupit ng double kill ni Barats kay Atlas at ang paglampaso ni PaiSen kay Offlane Diff. Natuluyan ang koponan ng Ground Zero nang mabigo si Nobara Kugisaki sa pakikipagtuos kay Yeji at nang masupil si Oreo sa legendary kill ni Psycho Hits Diff na nag-udyok ng solidong pagwawagi ng Rk-Pk, 23-8.
Humakot ng anim na kill at walong assist si PaiSen na tinaguriang Most Valuable Player (MVP) ng unang yugto. Hinirang naman bilang MVP ng ikalawang yugto si Psycho Hits Diff dahil sa nailista niyang walong kill, siyam na assist, at pagtala ng most kill participation na nakatulong sa pag-ukit ng kampeonato ng kaniyang koponan.
Lubos na pasasalamat ang ipinaabot ng Rk-Pk sa madla. Ani Hiruxx, “[S]alamat po sa Rk family ko at sa management po ng Roam and Kil.” Nagtamo ng umaapaw na papuri ang Rk-Pk mula sa mga facilitator dahil sa kakaibang koordinasyon, estratehiya, at komunikasyong ipinamalas nila sa torneo. Dagdag pa ni Hiruxx, susi ang tuwirang pokus at obhetibo sa pagsungkit ng kampeonato sa Ecolympics 2021.
Matapos ang mainit na sagupaan ng bawat koponan, pinatunayan ng Rk-Pk na sila ang karapatdapat na mag-uwi ng kampeonato sa Ecolympics 2021. Kaakibat nito, naiuwi nila ang unang gantimpala na Php3,000, sa kanilang pagpapataob sa bawat koponan sa torneo. Samantala, nakamit naman ng Ground Zero ang ikalawang gantimpala na Php2,000, bilang katas ng kanilang pagsusumikap na sungkitin ang titulo.