PINAIGTING ng mga propesor sa larangan ng Araling Pilipinas ang mahalagang papel na ginagampanan ng wika sa larangan ng agham at kalusugan, sa ginanap na talakayang pinamagatang “Sa Madaling Salita: Isang Panel sa Komunikasyong Pang-Agham at Pangkalusugan” na pinangunahan ng Dalubhasaan ng mga Umuusbong na Mag-aaral ng Araling Filipino (DANUM), Agosto 27.
Sumentro ang dalawang oras na talakayan sa pagbibigay-diin sa gampanin ng wika bilang pundemantal na instrumento ng komunikasyon, pagtuturo, at pagpapakalat ng impormasyon partikular sa konteksto ng sakuna at ng kasalukuyang banta ng pandemyang COVID-19.
Patuloy na intelektuwalisasyon ng Filipino sa Agham
Pinasinayaan ni Dr. David Michael San Juan, Full Professor ng Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle (DLSU) at lead convenor ng Tanggol Wika, ang usapin ukol sa estado ng Filipino sa Agham. Naniniwala si San Juan na malaki pa ang puwang na kinakailangang mapunan pagdating sa estado ng intelektuwalisasyon ng Filipino sa larangan ng Science, Technology, Engineering, at Mathematics (STEM) kompara sa larangan ng Humanidades at Agham Panlipunan na kinakitaan na ng pag-abante sa paggamit ng wikang Filipino.
Upang bigyang-linaw ito, ipinaliwanag ni San Juan na walang panibagong mga update ang mga tekstong nailathala ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman – Sentro ng Wikang Filipino na mayroong kaugnayan sa Agham, habang iilan lamang na tekstong kaugnay ng Agham ang matatagpuan sa database ng Philippine Normal University.
Dagdag pa rito, sa kaniyang pagsasaliksik sa Google Scholar, mayroon lamang siyang natagpuang 50 search results noong isinaliksik ang salitang ‘Siyensiya’, samantalang 2,600 naman sa salitang ‘Agham’, na binubuo karamihan ng mga apelyido ng mga mananaliksik sa India at Pakistan. Inihambing niya ito sa naitalang search results ng salitang “sains” o agham sa Bahasa Melayu at Bahasa Indonesia, na umabot sa malaking bilang na 1,320,000.
“Kamag-anak ng FIlipino at ng iba pang wika natin yung Bahasa Melayo at Bahasa Indonesia. Ibig sabihin, theoretically, ‘yung level ng scientific sophistication ng kanilang lengguwahe na narating, ay kaya rin marating ng Filipino kung gugustuhin natin, kung gugustuhin ng mga nasa siyensiya, ng mga nasa STEM natin,” pagpapaliwanag ni San Juan.
Pinanghahawakan ni San Juan na mahalaga ang pagbubuo ng mga monolinggwal na journal sa Filipino. Aniya, ito ang magiging pangunahing tulak upang patuloy ang pag-abante ng wikang Filipino sa naturang larangan. Kasabay nito, mungkahi rin ang pagdaraos ng mga pambansang kumperensiya sa Agham na mayorya ng mga papel at lektura ang nakasulat sa Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas. Aniya, ito ang hamon para sa mga iskolar na nasa disiplina.
“Dapat dumami ang mga advocates within their ranks. ‘Yung mga engineers, mga doctors, dietitians, nutritionists, etc. na gagamit ng Filipino sa kanilang saliksik. Ang pwede nilang maging modelo ay itong Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino,” dagdag niya.
Pagkilala sa kultura sa pagtugon ng sakuna
Pinasinayaan naman ni Dr. Alona Jumaquio-Ardales, kawaksing propesor sa Departamento ng Filipino ng DLSU at miyembro ng National Research Council of the Philippines – Humanities Division, ang usapin sa komunikasyon sa konteksto ng sakuna sa Pilipinas. Para kay Jumaquio-Ardales, napakahalaga na sa anomang anyo ng pagresponde sa anomang sakuna, mayroong pagkilala at pag-unawa sa kultura at konteksto ng Pilipinas.
Pinangangatuwiranan niyang higit na ginagamit ng mga Pilipino ang kanilang katawan bilang palatandaan pagdating sa mga sakuna. Isang halimbawa rito ang paggamit sa bahagi ng katawan ng tao sa pagtatakda ng taas ng baha na mas ginagamit ng mga Pilipino kaysa sa sistemang metrik na ginagamit ng kanluranin. Dagdag dito, maiuugat ang pananatili ng iilang Pilipino sa kanilang tahanan sa kabila ng pagragasa ng mga sakuna sa mahigpit na bigkis at tingin ng mga Pilipino sa kanilang tahanan bilang mga personal na espasyo.
Upang ilapat ang mga obserbasyon batay sa kaniyang pakikipag-usap sa mga miyembro ng isang pamayanang malapit sa aplaya, nabuo niya ang mnemonic na K-U-L-T-U-R-A, na kumakatawan sa (K)aalaman, (U)gat ng problema, (L)agay ng lugar, (T)ibok ng puso, (U)galing taglay, (R)eaksyon, at (A)ngking pagkilos. Ito ang kaniyang mungkahing mnemonic pagdating sa paraan ng pagtugon ng mga komunidad at pamahalaan sa mga sakuna.
“Napakahalaga sa atin na maging pamilyar sa mga disaster na ito para nang sa ganon ‘yung ating pakikipag-usap kung kanino man, sa ating kapamilya at mga ibang kababayan, alam natin at nauunawaan ‘yung kultura nang sa ganon ay mas nagkakaintindihan tayo dahil ang puno’t dulo ng lahat ng ito ay tao,” ani ni Jumaquio-Ardales.
Dagdag pa niya, mahalaga para sa mga mananaliksik at mga decision-maker ang patuloy na pagsangguni sa mga miyembro ng komunidad upang maging mas komprehensibo at lapat sa danas at konteksto ng pamayanan ang anomang anyo ng pagtugon sa mga sakuna.
“Hindi maaaring ang maging batayan ay ang mga papel at ang pagte-teorya natin. Napakaimportante ng laging pagbabalik at pagpunta sa pamayanan,” dagdag niya.
Pagsasaling-wika sa public health emergencies
Kinilala naman ni Ginoong Jeconiah Dreisbach, Assistant Professorial Lecturer ng Departamento ng Filipino ng DLSU, na sa sektor ng kalusugan, mayroong mga pangwikang balakid na maaaring humantong sa paglala ng sitwasyon ng isang pasyente.
Sa konteksto ng pandemyang COVID-19, naging malinaw ang kagyat na pangangailangang maging intelektuwalisado ang mga minoritized na mga wika sa Pilipinas at sa buong mundo. Mahalaga ito upang maging mas mabilis ang pagresponde at pagmulat sa masa ukol sa mga kinakailangang gawin upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa kasalukuyan at maging ng mga sakit sa hinaharap.
Sa datos na ibinahagi ni Dreisbach mula sa Language Warriors PH, isang samahan ng translators na layong magsalin-wika ng mga materyal ukol sa COVID-19 sa Pilipinas, lumabas na Ingles pa rin ang primaryang ginamit na wika sa pagpapakalat ng mga impormasyong kinakailangang tandaan ng publiko hinggil sa nasabing sakit. Pumapangalawa lamang dito ang Filipino. Naniniwala si Dreisbach na sa multi-kultural at multi-lingguwal na lipunang Pilipino, mahalagang magkaroon ng multiplisidad ng mga impormasyong nakasulat sa iba’t ibang wika upang maging malapit ito sa publiko.
“Hindi hiwalay ang araling pangwika at pagsasalin sa krisis pangkalusugan at kapaligiran. Sa maayos, matapat, at klarong paggamit ng wika at komunikasyon, mabilis na matututo ang ating populasyon sa kung ano ang dapat na gawin upang dapat na matugunan ang mga problemang kinakaharap natin sa kasalukuyan,” paliwanag ni Dreisbach.
Binigyang-diin rin ni Dreisbach na magkaugnay ang usapin ng ekonomiya at kalusugan, at isa ang wika sa mga sangkap upang mabilis na makaahon ang bansa mula sa kasalukuyang kalagayan nito.
Aniya, “Manatili sanang aral sa ating mga pinuno na ang diskurso sa kalagayang pangkalusugan ay hindi hiwalay sa diskursong pampolitika at pang-ekonomiya.”
Banner mula DANUM