Madalas na sumasalubong ang baradong trapiko sa bawat daanan. Matatanaw ang mga taong kumakaripas ng pagtawid sa kalsada, mga motorsiklong nakikipagkarera sa isa’t isa, at mga taxi na nagsisipag-unahang makakuha ng pasahero–ito ang pang-araw-araw na realidad ng mga drayber. Ngunit, ibang klaseng realidad ang kinahaharap ng mga kababaihang nasa larangang ito.
Laganap pa rin ang paniniwalang mga lalaking drayber ang naghahari sa daan–kastilyo kung ituring ang mga kalsadang kanilang pinapasadahan. Bihira lamang makakita ng mga babaeng drayber na nagmamando ng pampublikong transportasyon. Kadalasan, pinaghihinalaan silang baguhan sa pagmamaneho dahil lamang sa kanilang kasarian.
Subukan mang kumbinsihin ang mga tao na tanggapin ang katotohanang kayang gampanan ng kababaihan ang mga gawaing inaatang sa kalalakihan, hindi madaling basagin ang isang nakasanayang ideolohiya. Ngunit minsan, kinakailangan lang ng isang makabuluhang paglalakbay upang mapasakay ang tao sa pagbabago.
Realidad sa likod ng patay na makina
Para sa lipunang labis na tinatangkilik ang mga serbisyong pangtransportasyon, nakagugulat na mayroon pa ring mga taong pinupuna ang kakayahan ng mga babaeng mandohan ang manibela. Gayunpaman, patunay sina Erlita Libosada at Angela Geron na taliwas ang mga puna sa katotohanan, at ilan lamang sila sa mga patuloy na nagtataas ng bandera ng kababaihan sa pamamagitan ng kanilang araw-araw na pagmamaneho.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Libosada, 43 taong gulang na Grab driver, ibinahagi niyang upang makalikom ng hindi bababa sa limang libong piso araw-araw, nagsisimula siyang magmaneho nang alas dos ng umaga. Aniya, “kung bababa ako ng 5000 eh magkaka-negative ako sa aking mga expenses . . . basta ang goal ko, kapag nakuha ko na, uuwi na ako. Pero minsan inaabot ako ng alas dyis o alas onse ng gabi bago ako makakuha ng ganoong halaga.” Bilang isang ina, kinakailangan niyang magdoble-kayod upang maitaguyod ang kaniyang pamilya. Kaya’t sa mga panahong may color coding, gumagawa siya ng Lumpiang Shanghai at binebenta niya ito sa Facebook bilang pandagdag sa kaniyang kita.
Naging malaking pasakit ang pag-usbong ng pandemya para sa mga ordinaryong mamamayang naghahanapbuhay para matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Sa pagkawala ng Grab, napilitang kumapit sa pagbebenta si Libosada lalo na noong umabot sa puntong wala silang makain ng kaniyang anak. “May mga kasamahan ako talagang suko na sila, pero ako . . . lumalaban pa rin hanggang ngayon,” pagbabahagi niya.
Katulad ni Libosada, labis ding naapektuhan ang pamumuhay ni Geron, 27 taong gulang na tricycle driver. Dahil bawal lumabas ang mga tao, sarado rin ang mga establisimiyentong dati niyang pinagkukuhanan ng pasahero. “Bilang isang solong magulang na may dalawang anak na nag-aaral, halos sapat kung hindi man ay kulangin ang kinikita noong panahon na wala pang pandemya. [Ngayon]. . . kulang na kulang talaga ang kinikita sa pamamasada para sa pangangailangan ng pamilya,” pagsisiwalat niya.
Kahit pa punahin ng mapanghusgang lipunan ang mga babaeng namamayagpag sa kalsada, pantay-pantay pa rin ang bawat drayber matapos ang araw ng pamamasada. Mapa-babae man o lalaki, iisa lang ang kanilang hangarin–ang maitawid ang mga pasahero sa matrapik na kalsada papunta sa kanilang paroroonan, upang sa pagpatay ng makina, maitawid nila ang kanilang pamilya sa mga hamon ng buhay.
Pagpasada ng mga reyna sa kalsada
Hindi maitatangging dominado pa rin ng kalalakihan ang industriya ng pagmamaneho sapagkat nakasanayan nang sila ang nagpapaandar ng mga pampublikong sasakyan. Bilang mga babaeng drayber, halo-halong reaksyon ang natatanggap nina Libosada at Geron tuwing namamasada sila. Mayroong nangamba, nagalak, at humanga sa kanilang matapang na pagharurot kontra sa ingay ng mapanghusgang kalsadang mababa ang tingin sa mga babaeng may kakayahang umarangkada’t magmaniobra.
Ayon kay Geron, nagugulat ang kaniyang mga pasahero dahil hindi pangkaraniwang makakita sila ng babaeng tricycle driver. Sanhi rin umano ito ng ‘di maiwasang pagpabor ng mga pasahero sa mga lalaking drayber kaysa sa kaniya buhat ng pag-aalinlangan sa kakayahan niyang maihatid nang ligtas ang kaniyang mga pasahero sa kanilang takdang paroroonan.
Ibinahagi rin ni Libosada ang kaniyang naka-engkwentrong pasahero bago ang pandemya, na lantaran siyang tinanggihan dahil lamang sa kaniyang kasarian. Bilang isang babaeng drayber, inamin niyang labis siyang nainsulto sa nangyari. Gayunpaman, tinanggap ng pasahero ang kaniyang serbisyo nang mapagtantong wala na siyang ibang pagpipilian. Bagamat nag-atubili, unti-unting nagbago ang pananaw ng nasabing pasahero pagdating sa mga babaeng drayber. “Noong nakarating na kami doon sa destination niya, nagulat din naman ako dun sa nirate niya sakin . . . nanghingi siya ng sorry . . . akala niya daw hindi okay mag-drive ang babae so dun niya daw first time na-experience na mas okay at mas careful daw yung babae mag-drive [compared] daw sa lalake,” pagsasalaysay niya.
Tuluyang pag-abante ng kababaihan
Patunay sina Libosada at Geron na hindi sukatan ang kasarian para sa kakayahan ng isang tao. Tanda ng kanilang kagitingan ang kakayahan ng kababaihan na gampanan ang mga “panlalaking” tungkulin at responsibilidad, sapagkat maliban sa kasarian, wala nang pagkakaiba ang mga lalaki’t babaeng drayber na parehong sinusuong ang matinding trapiko at mga suliraning hatid ng buhay.
Mahirap kumbinsihin ang mga pusong sarado sa makalumang ideolohiya. Hangga’t mayroong mga bumabara’t naglalamangan, patuloy na titindi ang trapiko’t hindi uusad ang pagbabago. Ngunit gaya ng kanilang mga dating pasahero, kinakailangan lamang ng mapanghusgang lipunan na maranasang umangkas at sumakay sa pagbabago at tiyak na mapatatahimik nito ang mga labing mapandikta. Itanim sa isipan na anoman ang kasarian, lahat tayo’y may kapangyarihan at lugar sa lipunan.