Nakabibinging palakpakan, dumadagundong na tugtugin, liwanag na kayang pantayan ang sikat ng araw, at higit sa lahat, ang entablado — sa isang iglap, nawala ang lahat ng ito at napalitan ng makitid na silid at malalaking salamin, ang tangi kong mga kasama sa pagpapanatili ng alab ng aking damdamin. Sa kabila ng lahat ng ito, tuloy ang palabas, dahil hangga’t may nanonood, may dahilang magpatuloy sa pag-indak.
Ipinagdiwang ng La Salle Dance Company – Contemporary (LSDC-C) noong Agosto 13 hanggang 15 ang mga nagdaan nilang pagtatanghal sa lumipas na 40 taon, bilang pagpupunyagi sa mga miyembrong nagtaguyod at naghulma ng pagkakakilanlan ng organisasyong naging tunay na daluyan ng mga likhang tatak Lasalyano. Sa pamamagitan ng ‘Pulse: 40 years in dance,’ sinariwa ng LSDC-C ang mayayamang alaala ng kanilang pinagsamahan.
Pagbalik-tanaw sa mga isinayaw
Ipinakita ng LSDC-C na maaari ding maging kalakasan ng produksyon ang online na set-up ng kanilang palabas, sa kabila ng mga naging hamon sa pagsasagawa nito. Habang ipinalalabas ang mga orihinal na kopya ng pagtatanghal ng mga dating miyembro, kasabay ring ipinakikita ang sariling rendisyon ng mga kasalukuyang miyembro na pumukaw ‘di lamang ng atensyon kundi pati damdamin ng mga manonood. Nang dahil sa naturang porma, naging madali para sa lahat na gunitain ang mga nagdaang taon habang sinusuportahan ang mga kasalukuyang miyembro.
Magmula sa pag-angkin ng espasyo hanggang sa pagsuko sa himig ng musika, ang pagbabalik-tanaw sa nakaraan ang nagsilbing inspirasyon para sa LSDC-C upang ipagpatuloy ang kinatayuan ng mga nagpasimula nito. Ibinida sa unang bahagi ng palabas ang mga dating tanghalang nakapagpahalina sa damdamin ng manonood.
Unang nasaksihan ang piyesang Gabriel na itinanghal noong taong 2010, na nagpahiwatig ng lungkot at pag-aasam sa isang taong mahirap abutin. Sinundan pa ito ng Broken Strings na itinanghal din sa kaparehong taon. Ipinahiwatig nito ang malalim na pagkabigong dulot ng hiwalayan ng dalawang taong tunay na nagmahalan. Naging malinaw ang mensaheng nais nilang iparating sa mga manonood sa pamamagitan ng kanilang mga kilos na tila ba nagkukubli, pati sa kanilang mga matang puno ng pighati. Ipinakita nila ang kalungkutang dala ng awitin nang dahil sa mga taong dumulas sa kanilang kamay.
Ipinagpatuloy nila ang palabas sa pamamagitan ng pagsayaw ng Habilin na ipinalabas noon ding 2010, na naghatid ng pangako ng pag-asa at pagpapatuloy sa kabila ng mga hamong hinaharap. Dinugtungan ang naratibo sa pagtatanghal ng Bring Me To Life noong 2004 na nagnais bigyang-kulay ang mundo ng iba. Sa malaya nilang paggalaw at pagtingala sa langit, para bang naghatid ang mga mananayaw ng isang mahigpit na yakap sa bawat manonood.
Kalaunan, itinampok din nila ang mga temang panunumbalik sa sariling bayan, pananabik sa lumipas na panahon, at malayang pagpapahayag ng sarili sa mga piyesang To China and Back Home noong 2007, Gone Too Soon noong 2009, at Light and Shade noong 2014.
Isinalaysay naman sa ikalawang bahagi ng programa ang mga tipikal na tagong karanasan ng isang mananayaw magmula sa nararamdaman nilang takot, ang walang tigil nilang pag-eensayo, ang nag-aalab nilang pagmamahal para sa naturang sining, hanggang sa mabilis na daloy ng siglang mararamdaman lamang sa pagtatanghal sa entablado. Tunay na nakamamangha ang naging pagtatanghal dahil sa sari-sarili nilang kulay na nagningning sa palabas dulot na rin ng personal na koneksyon dito ng mga mananayaw.
Mga pusong umagapay sa pagtibok ng LSDC-C
Hihinga munang malalim, pagmamasdan saglit ang paligid, ngingiti sa mga tagasubaybay—sisiguraduhing mapananatili ang ganitong ngiti hangga’t hindi pa nakababalik sa likod ng mga kurtina—bago tuluyang isabay ang yapak ng mga paa sa saliw ng musika. Ganito ang madalas na nakikita ng mga manonood tuwing masasaksihan nila sa entablado ang mga mananayaw ng LSDC-C: buo na ang koreograpiya, kabisado na ang mga hakbang, kaya’t hindi na rin nila inuusisa ang naging proseso ng kabuuang produksyon. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, nakatago sa likod ng mga kurtina at nakaukit sa alaala ng mga mananayaw ang bawat pusong umagapay sa pagtibok ng kanilang minamahal na organisasyon.
Bago ang huling araw ng pagtatanghal ng ‘Pulse: 40 years in dance,’ inimbita ng LSDC-C sa isang reunion ang mga dati nitong choreographer at alumni na nagbigay-daan sa ilang mga sayaw na tunay nga namang nagpakita ng angking talento ng mga Lasalyano. Ibinahagi ng alumni at ng mga choreographer na naging isang tunay na pamilya ang LSDC-C; isang pamilyang hindi lamang nagsilbing puso’t sentro ng organisasyon, kundi pusong ginamit din ng mga mananayaw upang patuloy na ibahagi sa iba ang regalo ng malikhaing pagsasayaw.
Paglalahad ng dating tagapagsanay ng LSDC-C na si Dan Salvana, kahit pa mas matanda siya sa mga estudyanteng miyembro ng organisasyon, hindi maikakailang marami pa rin siyang natutunan sa kanila hinggil sa iba’t ibang aspekto ng buhay. Sa katunayan, nang lumaban ang LSDC-C sa isang kompetisyong ginanap noon sa Hong Kong, si Salvana lamang ang kasa-kasama ng mga estudyante. Kaya naman, sa itinagal nila sa Hong Kong, mistula siyang isang ama na hatid-sundo ang mga mananayaw saanman. Pasan niya sa kaniyang mga balikat ang responsibilidad na masigurong ligtas ang kanilang lakbay.
Para naman sa ilang alumni gaya nina Kristina Sese ng ID 102 at Cams Tabaldo ng ID 107, naging magkakaramay ang buong LSDC-C sa hirap man o sa ginhawa, na siyang dahilan ng matibay na pagkakabuklod-buklod ng mga miyembro nito. Tanggap ng lahat ang bawat isa at sama-sama rin nilang nilulutas ang bawat problema. Kaya naman, panawagan ng mga dumalo sa reunion: mangyaring huwag sanang makalimutan ng mga mananayaw na malaki ang naging parte ng sayaw at ng LSDC-C sa paghubog sa kanilang pagkatao; na kahit pa saglit lamang sa kanilang buhay, naging daan ang pagsasayaw upang magkaroon sila ng isang tunay na pamilyang alam ang init at kasidhian ng pagmamahal.
Pagpapanatili ng pulso
Nakabibingi nga ang palakpakan. Malakas ang tugtugin at nakasisilaw rin talaga ang makukulay na ilaw. Maluwag ang entablado na siyang magpaparamdam sa iyo na malawak din ang sansinukob para sa iyong mga pagkukulang. Ngunit sa kabila ng mga bagay na nagpapakitang nakagagalak sundin ang iyong kagustuhan—gaya ng pagsasayaw—hindi pa rin siguradong ito ang pangarap na patuloy na ititibok ng iyong puso. Marahil pagod na rin ang iyong katawan sa araw-araw na pagsasanay. Maaaring hindi ka suportado ng ibang tao kaya’t pakiramdam mo, wala nang mapaglalagyan ang iyong talento.
Bitbit ng LSDC-C sa idinaos nilang selebrasyon ang layuning maipabatid na basta’t may kaibigan kang mauuwian habang inaabot mo ang iyong mga pangarap, unti-unti mo na ring mapapansing hindi mo na pala alintana ang pagod ng iyong katawan. Ipinapaalala rin nitong may espasyo naman ang mundo para sa iyong talento—malawak ito’t hinihintay na lamang ang pagdating mo. Kailangan mo lamang ng pamilyang aagapay sa pagtibok ng iyong puso, at magpapanatili sa iyong pulso.