SOLIDONG WINAKASAN ng Chery Tiggo Crossovers ang lakas at angas ng defending champion na Creamline Cool Smashers sa loob ng limang set, 23-25, 20-25, 25-21, 25-23, 15-8, sa kanilang huling laban para sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Agosto 13, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Maliban sa kaniyang malabubong na blocks, kumpletong dominasyon sa opensa ang ipinamalas ni Jaja Santiago upang makamtan ang inaasam na kampeonato. Matagumpay na pinangunahan ng Conference at Finals MVP ang kaniyang koponan matapos magsalaksak ng kabuuang 26 na puntos mula sa 22 spike at apat na block.
Nagkamit man ng unforced errors sa unang set, nagpakitang-gilas naman si Dindin Santiago-Manabat matapos bumulusok sa huling bahagi ng bakbakan. Tangan ang hangaring magpunyagi, nakapaglista ng tumataginting na 32 puntos ang best scorer ng laban mula sa kaniyang 30 spike, dalawang service ace, at 15 excellent dig. Umukit naman ng pinagsamang 12 puntos ang sanib-puwersang lakas ng outside spikers na sina Mylene Paat at Shaya Adorador.
Buong puso namang pinangunahan ng Phenom na si Alyssa Valdez ang Creamline Cool Smashers matapos kumana ng 15 spike. Nagsilbing kasangga ng dekalibreng atleta ang best scorer ng kanilang koponan na si Tots Carlos na nakalikom ng 15 spike, limang block, at dalawang service ace. Pinahigpit naman ni Jema Galanza ang kanilang floor defense tangan ang 14 na puntos, 20 excellent dig, at 30 excellent reception.
Matikas na panimula ang ipinamalas ng Creamline matapos magpasiklab ng matitinding opensa sa net sa pangunguna ng quick attack ng tambalang Risa Sato at Carlos, 4-0. Natamasa naman ng Chery Tiggo ang maagang kalbaryo matapos makapagtala ng magkakasunod na unforced error sa pagtatapos ng technical timeout, 8-3.
Nagsagutan ng tirada ang magkatunggali sa pangunguna ng scoring machines na sina Santiago at Valdez, 7-11. Matapos ang service error ni Carlos, pinadikit ni Santiago ang talaan matapos magpakawala ng rumaragasang frontline kill, 13-15. Pinatunayan naman ng Crossovers ang pagiging best serving team nila matapos magpaulan ng service ace na sinabayan pa ng quick attacks ng kanilang middle hitters, 19-20. Sa tulong ng opponent errors, winakasan ni Cool Smasher Sato ang unang yugto, 23-25.
Tumambad muli sa pagsisimula ng ikalawang yugto ang umaatikabong quick attack ng dating Lady Bulldog na si Sato. Matapos umarangkada ng Valdez-Galanza tandem pagdating sa opensa, tuluyang nahulog sa kumunoy ang talaan ng Crossovers matapos malunod si Joy Dacoron bunsod ng setting error ni Jasmine Nabor, 7-13. Sinubukan namang makabuo ng momentum ng Chery Tiggo ngunit agad itong nagtapos nang magpakawala ng service error si Marian Buitre, 11-14.
Nag-init ang mga kamay ng dating Lady Maroon na si Carlos matapos magpakawala ng isang down-the-line hit, 14-18. Sinunggaban naman ng scoring machine na si Santiago-Manabat ang matagumpay na pag-alpas ng katunggali nang pumundar ito ng matalim na crosscourt kill, 15-18. Sinubukan mang makabawi ng Crossovers mula sa service line, agad namang sinalanta ng tambalang Carlos-Valdez ang depensa ng koponan sa pamamagitan ng kanilang off-speed at long ball hits, 20-25.
Natamasa ng Crossovers ang maagang kagalakan sa ikatlong set matapos makamit ang 4-point lead sa technical timeout, 8-4. Tuluyang lumayo ang kalamangan ng Chery Tiggo matapos sirain ni Nabor ang watak-watak na floor defense ng Creamline mula sa mabibigat na serve, 12-5. Maliban sa mga mintis na tirada ng katunggali, masigasig namang nakabawi ang Cool Smashers matapos paganahin ng playmaker na si Morado ang kaniyang spiker na si Galanza, 14-11.
Nasungkit muli ng Crossovers ang momentum nang magpakawala ng mga malakidlat na hampas ang Santiago sisters, 17-12. Pinahigpit naman ng dating Lady Tamaraw na si Buding Duremdes ang kaniyang depensa na nagbunsod sa matagumpay na sets at spikes ng Chery Tiggo, 19-12. Samantala, nagpakilala mula sa bench ng Creamline ang dating Lady Spiker na si Michele Gumabao matapos tumuklaw nang crosscourt hit, 20-15. Gayunpaman, hindi nagpatinag si Santiago-Manabat matapos tumikada ng magkakasunod na spike, 25-21.
Sa kabila ng maagang pag-arangkada sa ikaapat na set, tila naging mapurol ang mga galamay ng Crossovers matapos kumana ng mga mintis na tirada, 5-9. Patuloy na inabuso ng Cool Smashers ang scoring drought ng katunggali matapos magpakitang-gilas ang tambalang Valdez-Sato sa crosscourt, 7-13. Sinubukan namang padikitin ng Japan V-cup champion na si Santiago ang talaan ng Crossovers matapos pumukol ng nagbabagang long ball, 11-14.
Humataw naman ang magkatunggaling Valdez at Paat matapos makapagtala ng back-to-back points mula sa kanilang running shots, 18-all. Sinamahan naman ni Carlos si Valdez sa pagpuntos matapos gumulantang ng down-the-line hit, 22-all. Gayunpaman, pinatahimik ng Santiago sisters ang maingay na kampanya ni Carlos matapos ang kanilang bantay-saradong net defense. Nagwakas ang ikaapat na set sa ika-28 puntos ng Crossover main gun Manabat, 25-23.
Tumambad sa huli at pinakamahalagang set ng torneo ang maagang pamumukadkad ng Chery Tiggo sa net, 4-0. Pinabagsak naman ng dating Lady Falcon na si Galanza ang pagpuntos ng Crossover matapos ipasok ang kaniyang ikatlong quick strike, 7-2. Sa kabila nito, hindi hinayaan ng outside spiker na si Santiago-Manabat na makabawi ang katunggali matapos tumira ng crosscourt kill, 11-5. Bilang katas ng kaniyang pagpupumiglas, napasakamay ng dating UAAP best attacker na si Santiago ang huling puntos para sa kaniyang kaunaunahang kampeonato sa PVL, 15-8.
Pinagsumikapan umano ni Santiago na paigtingin ang kaniyang mental toughness upang makamit ang kampeonato. Dagdag pa niya, “Ang tagal na naming hindi nakatungtong sa championship [ni ate Dindin]. . . at ngayon, magkasama kaming nakuha ang pangarap namin sa championship,” giit ng player of the game sa kaniyang post-game interview. Nakamit ng Santiago sisters ang kanilang kaunaunahang kampeonato sa isang volleyball tournament bilang magkakampi.
Sa kabila ng upset losses mula elimination round, pinatunayan ng Chery Tiggo Crossovers na sila ang karapatdapat hirangin bilang panibagong reyna ng PVL Open Conference matapos putulin ang two-peat record ng Creamline Cool Smashers. Bunsod nito, napasakamay ng koponan ang inaasam na gintong medalya sa torneo sa kabila ng kinahaharap na pandemya. Nakamit naman ng Creamline ang pilak, habang kinumpleto ng Petro Gazz Angels ang podium bilang bronze medalists.