Chery Tiggo Crossovers, tuloy ang kampanya patungong kampeonato matapos patahimikin ang Creamline Cool Smashers


MATAGUMPAY na nakapaghiganti ang Chery Tiggo Crossovers kontra Creamline Cool Smashers nang maitabla nila ang serye sa loob ng apat na set, 25-18, 17-25, 25-16, 25-21, sa ikalawang paghaharap sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Agosto 12, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.

Bitbit ang hindi matatawarang determinasyon, nagpakawala ng 25 puntos si Jaja Santiago mula sa 20 attack, tatlong block, at dalawang service ace. Katuwang ng manlalaro ang dating Lady Bulldog setter na si Jasmine Nabor na may 22 excellent set upang mapigil ang pag-usad ng Cool Smashers. 

Bigo mang tapusin ang serye sa ikalawang paghaharap, patuloy na nagpakitang-gilas ang Cool Smashers sa katauhan ni Alyssa Valdez na nakapaglista ng 16 na atake, 13 excellent dig, at isang service ace. Kaakibat ni Valdez si Jema Galanza na nagtarak ng 16 na atake.

Tila matagal na nag-init ang dalawang koponan bunsod ng salitan ng error at puntos sa simula ng unang yugto. Sa kabila nito, nakamit ng Chery Tiggo ang momentum sa pamamagitan ng service aces ng middle blocker na si Santiago, 18-15. Patuloy namang pinaluhod ng Crossovers ang Cool Smashers sa tulong ng 6-0 run ni dating Golden Tigress Maika Ortiz na nakapaglista ng limang attack at isang block, 23-17. Sa huli, tinuldukan ni Shaya Adorador ang unang set para sa Chery Tiggo, 25-18. 

Hindi nagpatumpik-tumpik sa ikalawang set ang Creamline na pinangunahan nina Valdez at Galanza gamit ang mga malakidlat na tirada, 2-3. Pinadikit ni Santiago ang laban, ngunit hindi pumayag si Valdez na makahabol ang Chery Tiggo, 6-11. Kinulang naman ang taglay na diskarte ng Chery Tiggo bunsod ng malakas na depensa ng kalaban sa net, 9-14. 

Umabot sa 7-point lead ang Creamline dahil sa malalakas na tirada ni Carlos na hindi kayang depensahan ng Chery Tiggo, 10-17. Sunod-sunod pang nilampaso ng Creamline ang kalaban sa tulong nina Galanza at Valdez, 13-20. Sa huli, hindi na pumayag si Carlos na umiskor pa ang katunggali at patuloy na pumuntos para makamit ng Creamline ang set point, 15-24. Nagtapos ang ikalawang set bunsod ng isang service error mula kay Manabat, 17-25. 

Matapos matapatan ang Chery Tiggo, agad na humataw si Carlos upang makuha ang unang puntos sa ikatlong set, 0-1. Bumawi naman para sa Crossovers si Manabat sa kaniyang atake sa gitna at dagdag na service ace, 2-2. Naging banta ang patuloy na paglipad nina Carlos at Galanza upang bahagyang makalayo ang Cool Smashers, 4-6. Gayunpaman, inungusan ng Chery Tiggo ang mga kampeon sa pamamagitan ng isang 9-0 run sa tulong ng mabibigat na service ace ni Adorador, 13-6. Dumagdag din sa pag-arangkada ng Crossovers ang magagandang save ni Ria Duremdes kontra sa depensa ng Creamline, 18-11. 

Sa kabila ng dominanteng paghataw ng Chery Tiggo, sinubukan pa rin ni Galanza na wasakin ang porma ng katunggali. Gayunpaman, hindi natuldukan ang pamamayagpag ng Chery Tiggo na naisara ang ikalawang set sa pamamagitan ng dalawang magkasunod na puntos ng Santiago sisters, 25-16. 

Nagsagutan sa pagpuntos ang dalawang koponan sa simula ng ikaapat na set. Nagpatuloy ang mainit na opensa ni Galanza na pumukol ng dalawang puntos upang ihatid ang Cool Smashers sa unang technical timeout, 8-7. Nakahabol naman ang Chery Tiggo bunsod ng service ace ni Nabor, 11-12. 

Naging susi para sa Chery Tiggo ang matibay na floor defense ni Adorador upang makuha ang bentahe, 21-18. Hindi naman naging sapat ang mga puntos ni Valdez upang mapigilan ang naipundar na momentum ng Santiago-led squad. Bunsod nito, tinapos agad ni Santiago ang laban sa isang quick hit, 25-21.

Haharap sa do-or-die finals ang Creamline at Chery Tiggo na may kapwa isang panalo sa best-of-three series. Magaganap ang huling laban ng dalawang koponan para sa kampeonato bukas, Agosto 13, sa ganap na ika-5 ng hapon.