DINUNGISAN ng Creamline Cool Smashers ang back-to-back win ng Chery Tiggo Crossovers mula semifinals matapos mamayagpag sa loob ng limang set, 25-15, 25-21, 18-25, 19-25, 15-7, sa unang game ng finals ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Agosto 11, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Natakasan ng best attacking team ng PVL na Creamline ang pananalasa ng best serving team na Chery Tiggo matapos paganahin ng koponan ang kasalukuyang best scorer na si Alyssa Valdez. Kaakibat nito, napasakamay ng Phenom ang 21 attack, dahilan upang hiranging player of the game sa unang laban para sa kampeonato.
Nagsilbing sandata rin ng defending champions ang kanilang opposite spiker na si Tots Carlos matapos pumukol ng 22 spike, tatlong block, at isang service ace. Dinomina rin ni Jema Galanza ang attacking department ng koponan matapos makapagtala ng 17 puntos. Sa kabilang banda, matagumpay na nakalikom ng puntos ang mga spiker ng Creamline bunsod ng 41 excellent set ni Jia Morado na mas mataas kontra sa 28 excellent set ni Jasmine Nabor.
Bigo mang makuha ang kalamangan sa serye, bumida naman para sa Crossover ang second leading scorer ng torneo na si Jaja Santiago na nakapagtala ng 25 puntos mula sa kaniyang 22 spike at tatlong block. Samantala, nagbigay naman ng 19 na puntos ang kaniyang kapatid na si Dindin Manabat para sa Chery Tiggo.
Sumiklab ang kaabang-abang na serye sa pamamagitan ng long rally na nagwakas bunsod ng off-the-block hit ng scoring machine na si Carlos. Bitbit ang hangaring pag-abanse sa technical timeout, nagsanib-puwersa ang tambalang Maroon at Falcon sa katauhan nina Carlos at Galanza upang paralisahin ang talaan ng Crossovers, 8-3. Sinubukan namang makaahon ni Manabat ngunit agad na nahimbing ang opensa ng kaniyang koponan matapos makapagtala ng magkakasunod na unforced error, 10-4.
Pinaigting na depensa naman ang naging tugon ni Buding Duremdes na nagbunsod sa malinis na set ni Nabor, 13-9, matapos kumonekta sa umaatikabong running attack ni Santiago. Umukit naman ng attack errors ang Chery Tiggo na nagbigay-daan para sa kababaihan ng Creamline na wasakin ang kanilang naghihingalong depensa, 23-14. Diniskartehan man ng Crossover playmaker Nabor ang kanilang opensa, hindi pinayagan ng dating Lady Bulldog Risa Sato na makabawi ito matapos pumukol ng pangwakas na slide attack, 25-15.
Nabawasan ang mabigat na buhat ng magkapatid na Santiago sa pagbubukas ng ikalawang yugto matapos ang pagtatala ng tatlong puntos ni dating Lady Blazer Rachel Austero, 7-6. Bumida rin si Santiago para sa Chery Tiggo na nakapagtala ng pitong puntos ngunit agad naman itong nabawi ng team captain ng Creamline na si Valdez. Pinalamig naman ni Carlos ang init ng laro ng katunggali sa pagpapakawala ng apat sa huling pitong puntos ng Smashers na natuldukan ng down-the-line kill, 25-21.
Pinatunayan ng dating Lady Eagle na si Morado ang katayuan niya bilang ikaapat na pinakamahusay na server sa buong liga matapos magpakawala ng dalawang ace sa pagbubukas ng ikatlong yugto. Sa kabila nito, nagpasiklab ang puwersa ng Chery Tiggo sa katauhan ni Santiago habang kabi-kabilang error naman ang ipinamigay ng Smashers na nagbunsod sa 9-0 run ng Crossovers, 13-6.
Dahan-dahan namang lumapit ang Smashers sa pamamagitan ng tambalan ng outside hitters na sina Valdez at Galanza. Gayunpaman, lumitaw ang bigat ng opensa ng Chery Tiggo sa ikatlong set nang pangunahan ni Santiago ang ratsada ng kaniyang koponan sa pagtatapos ng yugto, 25-18.
Bigong madepensahan ng Cool Smashers ang mga malabombang palo ng kabilang panig sa pagbubukas ng ikaapat na set. Sa kabila nito, mabangis na itinudla ng Valdez-Carlos tandem ang puwersa ng Crossovers mula sa kanilang crosscourt hits, 6-8. Pumiglas naman mula sa pagkakatali ng tablang iskor ang dating UAAP best scorer na si Santiago matapos tumikada sa backrow, 13-14.
Patuloy na nagpalitan ng puntos ang dalawang koponan sa pangunguna ng Santiago sisters kontra sa tambalang Valdez-Galanza, 15-18. Gayunpaman, agad na nagpakilala mula sa bench si Elaine Kasilag matapos kumana ng magkakasunod na malakuryenteng quick attack, 18-21. Humataw naman mula sa backrow si Carlos ngunit hindi ito naging sapat upang mapatumba ang tore ng Santiago sisters. Sinabayan pa ito ng pananalasa ng third best server na si Shaya Adorador, 19-25.
Maagang kagalakan ang natamasa ng Creamline matapos nitong makamit ang 5-point lead kontra sa naghihingalong opensa ng kabilang panig, 6-1. Sa kabilang banda, hindi nakayanan ng depensa ng Chery Tiggo ang mabangis na opensa ng Cool Smashers matapos bumulusok ang palo ni Carlos sa down-the-line, 8-3. Sinubukang patahimikin ng dating UAAP MVP Santiago ang kampanya ng katunggali ngunit tuluyang tinuldukan ni Valdez ang dalawang oras na bakbakan, 15-7.
Nagsilbi umanong susi sa tagumpay ng Cool Smashers ang kanilang positibong pag-iisip. “We gave it all during the fifth set. . . pero hindi pa tapos ang laban,” giit ni Valdez sa kaniyang post-game interview.
Inaasahan ng Cool Smashers na makakamit na nila ang unang professional volleyball championship sa torneo sa Game 2 ng Finals bukas, Agosto 12. Samantala, nais namang makabawi ng Crossovers at pahabain ang serye patungong Game 3.