Fly high! Patuloy na pamamayagpag ng mga atletang Lasalyano kasangga ang mga karakter sa sports anime


Likha ni John David Golenia

“Menomae ni tachihadakaru takai takai kabe

sono mokou ha donna nagame daro u ka…”

MALAYANG yumayakap sa bisig ng tubig at humahawak sa porma ng isang kamay na siyang nagsisilbing gabay ng katawan sa pagkampay—ganito inilarawan ni Haruka Nanase ang kaniyang pakiramdam sa paglangoy. Kasabay ng pag-aalay niya ng kaniyang buong puso, katawan, at kaluluwa kapalit ng pakiramdam na naibibigay sa kaniya ng tubig, nabighani niya sa linis ng kaniyang pagsisid ang mga taong nakapaligid sa kaniya. Hindi naiiba sa mismong eksena na ito mula Free!! ang buhay ng mga atleta na binibigyang-kulay ng sports anime. 

Mula noon, patuloy na binabasag ng mga sports anime ang Internet at iba pang uri ng midya. Ilan sa mga kilalang anime na ito ang Slamdunk, Haikyuu!!, Yuri on Ice, Free!!, at Kuroko no Basket. Nakahahakot ito ng maraming tagasubaybay dahil sa nakahuhumaling nitong balangkas ng kuwento na siyang repleksyon din ng buhay ng mga atleta sa tunay na mundo. Ipinakikita rin dito ang mga hamong bumabagabag sa loob ng mga atleta at mga rasong nagtutulak sa kanila upang magpatuloy pa rin sa kabila ng mga balakid sa buhay.

“…Donna fuu ni mieru no daro u ka

itadaki no keshiki…”

Isang sangkap tungo sa tugatog ng tagumpay ang pagharap ng mga atleta sa mga balakid na kanilang pinagdaraanan. Malinaw itong naisabuhay sa lahat ng sports anime na inilabas ng ilan sa mga Hapong animator tulad ni Ayumi Kuroiwa. 

Hindi naman nalalayo ang kuwento ng buhay ni De La Salle University Green Tanker Kelles Aerean Que sa mga pangyayari sa palabas na Haikyuu!!.  Sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel, ibinahagi niyang naging inspirasyon at motibasyon niya ang naturang anime sa pagbuo niya ng tulay tungo sa kaniyang mga pangarap.

Para kay Que, repleksyon ng kaniyang sarili ang buhay ni Shouyou Hinata—isa sa mga bida ng Haikyu!!—sapagkat parehas umano sila ng personalidad at ng mga pinagdadaanan bilang isang student-athlete. “. . .Si Hinata sa Haikyuu!! ang karakter na maihahantulad [ko] sa aking sarili dahil [siya] ay masipag na “volleyball” player. Siya ay matiyaga at laging positibo ang kanyang pag-iisip,” pagbabahagi ng Green Tanker.

Tulad ni Hinata, puspusan din ang kaniyang pag-eensayo para mapatunayang karapatdapat siyang maging bahagi ng koponan ng De La Salle University Green Tankers at lumahok sa University Athletic Association of the Philippines Season 82 swimming tournament. 

Sinariwa rin ni Que ang kaniyang karanasan bilang atleta nang makita niya na ang kaniyang sarili sa isang sitwasyong kinaharap ni Hinata. Matatandaan sa palabas na bago sumabak sa isang kompetisyon ang kaniyang koponan na Karasuno, nawala ang sapatos ni Hinata sapagkat maling bag ang kaniyang nahablot. Pagbabahagi ni Que, “. . . Nangyari din ito sa‘kin sa isang competition pero swimming trunks ko naman ang nasa bag.” 

Buong sikap na sinuyod ni Kiyoko, team manager ng Karasuno, ang lugar na kinaroonan ng nawawalang sapatos ni Hinata at hinanap ang batang walang malay na nakadampot nito. Katulad sa istorya ni Que, ginawan ng paraan ng kaniyang team mates ang nawawala niyang swimming trunks. Bukal na ipinasuot sa kaniya ng isang kasamahan ang swimming trunks nito para makapagpatuloy na sa kompetisyon at hindi na mag-abala pang maghanap. 

Ayon sa Green Tanker, nagbabahagi ng magagandang karanasan sa buhay ang mga karakter ng sports anime at patuloy ang paghahatid nito ng inspirasyon lalo na sa kabataang manonood. 

“…Ore hitori de ha kesshite miru koto no deki nai keshiki

demo hitori de ha nai no nara…”

Katulad ng mga kinagigiliwang karakter sa anime, maihahalintulad din sa koponan ng Karasuno High School ang Lady at Green Tankers. Gaano man kahirap ang kanilang mga pagsasanay dahil nag-aaral din sila kasabay nito, nagtutulong-tulong pa rin sila upang maiangat ang bawat isa. 

Pinatunayan ni Que na hindi lamang saya at pahinga ang magandang naidudulot ng panonood ng sports anime, kundi naghahatid din ito ng magandang aral sa buhay. Bunsod nito, nabuhayan ng loob at mas napaigting ang kumpiyansa sa sarili ng Green Tanker nang magsilbing motibasyon niya ang pagiging positibo at matiyaga ng karakter na kaniyang iniidolo. Nagsisilbi ring paalala sa kaniya ang mga kaganapan sa Haikyuu!! at ang mga pinagdaanan ni Hinata upang lalong pagsumikapan ang pagiging student-athlete.

“…Watashi wa sore o miru koto ga dekiru kamo shiremasen.”

Katulad ng bawat pangyayari sa huling bahagi ng mga sports anime, nakatagpo ng inspirasyon si Que mula sa kaniyang mga kasama sa koponan at nakabuo ng hangaring patuloy na abutin ang kaniyang pangarap bilang isang mahusay na atleta. 

Bagamat tinitingnan ng iba ang sports anime bilang mababaw, dito naman iniaangkla ng mga student-athlete tulad ni Que ang kanilang mga buhay. Sa pamamagitan nito, mas nakikita ng madla ang kanilang mga pinagdaraanan bago umabot sa tugatog ng kanilang pangarap. Kaagapay nito,  naihahambing naman ng mga atleta ang kanilang hirap at ginhawang nadarama, gayundin ang mga sitwasyong nagbibigay ng ngiti at pighati sa kanilang sarili. Sa huli, binibigyan sila ng mga palabas na ito ng espasyo para sa pagninilay sa kanilang mga gawain, tungo sa pagpapabuti ng sarili para sa minamahal nilang koponan at Pamantasan.